Pag-aaral sa wikang Bikol at paggamit ng wikang Filipino

N.B. – This was published in the December 26, 2008-January 1, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/12/pagaaral-sa-wikang-bikol-paggamit-ng-wikang-filipino.

LUNGSOD TABACO, ALBAY – Mainam na rin ang pagpunta namin ni Joy dito para mag-Pasko.

Tulad ng inaasahan, masayang-masaya si Joy dahil muli niyang nakasama ang mga kamag-anak at kaibigan. Kitang-kita ko ang ngiti niya at ng mga kaharap niya habang nakikipag-“istoryahan.” Nagmistulang palengke ang mga opisinang pinuntahan namin dahil sa biruan, alaskahan, tawanan at iba pang masayang ingay na dulot ng matagal na hindi pagkikita.

Para sa isang taga-Maynilang katulad ko, mahirap masundan ang usapan ng mga Bikolanong gumagamit ng sariling wika. Pero dahil ilang beses na akong nakapunta sa Tabaco at iba pang lugar sa Albay, napansin kong kaya ko nang maintindihan ang maraming kataga kahit na mabilis ang kanilang pagsasalita.

Hindi na ako masyadong nawawala sa usapan, bagama’t hindi ko pa kayang magsalita sa wikang Bikol. Ang anumang limitadong kaalaman ko sa wikang Bikol ay nagagamit ko lang, halimbawa, kapag sumasakay ng pampublikong transportasyon o nagtataboy ng hayop (e.g., “sika” para sa pusa, “hayo” para sa aso).

Para akong batang naaaliw tuwing may bago akong natututuhan sa wikang Bikol. Nakakagulat para sa isang hindi taga-Bikol na malaman, halimbawa, na ang ibig sabihin ng “raot” sa wikang Bikol ay sira. Pero may salitang “sira” sa wikang Bikol na ang kahulugan naman ay isda. Alam mo bang mayaman ang maraming “daga” sa Bikol dahil ang ibig sabihin ng “daga” ay lupa? Ang kinatatakutan mo namang daga ay “kino” sa wikang Bikol.

Sa tatlong beses kong pagpunta sa Jakarta ngayong taon, nalaman kong ang ibig sabihin ng “ayam” sa wikang Bahasa ay manok. Alam mo bang ang “ayam” sa wikang Bikol ay aso? Biro ko sa aking asawa’t biyenan, sa bansang Indonesia lang kami puwedeng kumain ng “ayam.”

Biro naman ni Joy sa akin, masyado raw akong “nalion.” Dito ko nalamang may ilang salita sa wikang Bikol na walang katumbas sa wikang Tagalog na kinagisnan ko. Ang kahulugan ng “nali” ay matinding pagkagusto at pagmamalaki sa isang bagay, lalo na’t kung bago.

Gusto ko mang gamitin ang salitang “oragon” sa wikang Bikol para ilarawan ang limitadong kaalaman ko, kailangang tandaang maraming kahulugan ito. Depende sa konteksto ng paggamit, ang ibig sabihin nito’y maaaring mayabang o mahusay. Nagagamit din ito para murahin ang isang tao (at personal kong naobserbahan ito nang makakita ako ng banggaan ng motorsiklo’t traysikel sa Tabaco at ang nangyaring sigawan ng dalawang lalaki).

Naging madali para sa akin ang unti-unting matuto ng wikang Bikol dahil hindi naman maaalis ang kaugnayan ng balarila’t ortograpiya nito sa iba pang wika sa Pilipinas. Para sa mga nagtataguyod ng paggamit ng wikang Ingles para magkaroon ng pagkakaisa diumano sa wikang ginagamit ng ating bansa, ang masasabi ko lang ay napakalimitado ng kanilang kaalaman sa iba’t ibang wikang mayroon tayo.

Kahit hindi ko pa masyadong alam ang wikang Bikol, halimbawa, nakikita ko ang likas na kagandahan ng mga salitang ginagamit at ang etimolohiya ng mga ito. Ito ang nagtutulak sa akin para mas malalim pang pag-aralan ang wikang ito.

Kung pag-aaralang mabuti ang katangian ng mga wika natin, mapapansin ang pagkakaugnay-ugnay nila. Napakalaki ng oportunidad para payamanin ang wikang Filipino na magsisilbing kombinasyon ng iba’t ibang wikang ginagamit sa Pilipinas.

Pero paano mapapaunlad ang wikang Filipino kung ang mga nasa kapangyariha’y patuloy na ipinapakalat ang ideyang ang wikang Ingles ang siyang makapagpapaunlad sa atin? Dahil sa kanilang kolonyal na mentalidad, hindi na nila nakikita ang kagandahan ng mga wikang mayroon tayo, dahil malinaw na kanluranin ang kanilang pamantayan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com

One thought on “Pag-aaral sa wikang Bikol at paggamit ng wikang Filipino”

  1. Isa po akong tagasubaybay. Pinaniniwalaan ko pong sa halip na Wikang Ingles, mas mainam na pagyamanin ang Wikang Filipino dahil naniniwala po ako na ang pagyaman ng kaisipan ng mga Pilipino ay nakasalalay sa medium kung saan nila higit na mailalabas ang kanilang totoong mga kaisipan na maiintindihan ng higit na nakakarami. Hayaan nyo pong i-post ko po ang inyong link sa aking Facebook.

    Thanks po at more power.

    Sagot: Maraming salamat sa komento. Sige, i-post mo sa iyong Facebook account ang artikulo ko.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.