Category Archives: Grammar Check

Filipinas at Pilipinas bilang pangalan ng bansa

N.B. – This was published in Pinoy Weekly (June 29, 2013), the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2013/06/filipinas-at-pilipinas-bilang-pangalan-ng-bansa/.

Kung ikaw ang papipiliin, ano ang gusto mong pangalan ng bansa natin? Filipinas o Pilipinas?

Pag-isipan nating mabuti ito. Naglabas kasi ng resolusyon ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong Abril 12 na naglalayong “ibalik ang gamit ng `Filipinas’ habang pinipigil ang paggamit ng `Pilipinas’ upang mapalaganap ang opisyal at modernisadong katawagan ng bansa na kumikilala sa kasaysayan at pag-unlad ng pagkabansa nito.”

Hinihikayat ng KWF na “baguhin ang opisyal na pangalan ng mga institusyon at kapisanang may `Pilipinas.’” At para masiguradong maipapalaganap ang salitang Filipinas, isinusulong din ng KWF ang “unti-unting pagbabago sa ispeling ng mga selyo, letterhead, notepad, at iba pang kasangkapan na may tatak na `Pilipinas’ tungo sa `Filipinas.’”

Matagal nang panawagan ito ng ilang eksperto sa wikang Filipino. Kung paniniwalaan nga ang UP Diksiyonaryong Filipino (Binagong Edisyon, 2010), ang pangalan ng ating bansa ay Filipinas (p. 362) samantalang ang salitang Pilipinas ay may ganitong maikling depenisyon: “Tagalog ng Filipinas (p. 971).” Kaugnay nito, ang mga mamamayan ng ating bansa ay tinatawag daw na Filipino, ang salitang ginagamit din para tukuyin ang ating wika “alinsunod sa Konstitusyong 1973.”

Ano ba ang nakasaad sa kasalukuyang Konstitusyon na pinagtibay noong 1987? Sa titulo ng opisyal na salin, nakasaad ang pangalan ng ating bansa: Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas. Sa panimula o preamble pa lang, ginagamit na ang terminong tumutukoy sa mga mamamayan ng ating bansa: “Kami, ang nakapangyayaring sambayanang Pilipino…” Batay sa 1987 Konstitusyon, ang pangalan ng ating bansa ay Pilipinas at ang mga mamamayan nito ay Pilipino, bagama’t nakasaad naman sa Art. XIV, Sek. 6 na “(a)ng wikang pambansa sa Pilipinas ay Filipino.”

Bago tayo magpasyang mas dapat paniwalaan ang Konstitusyon kaysa diksiyonaryo, dapat muna nating malaman ang isa pang pangyayari noong 1987. Ayon sa Binagong Ortograpiya ng Wikang Filipino (2013) ng KWF, pinalaganap ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas ang isang “`modernisadong alpabeto’ na ipinababasa ang mga titik sa paraang Ingles, maliban sa Ñ na mulang alpabetong Espanyol.”

Mula sa 20 alpabetong isinulong ni Lope K. Santos noong 1940 (A, B, K, D, E, G, H, I, L, M, N, NG, O, P, R, S, T, U, W, Y), ang modernisadong alpabeto na ginagamit sa kasalukuyan ay 28 na. Ang mga nadagdag ay C, F, J, Ñ, Q, V, X at Z.

At dahil mayroon nang letrang F sa ating alpabeto, hindi nakakagulat na binuo ang KWF noong 1991 “mula sa binuwag na Linangan.” Kumpara sa Linangan ng mga Wika sa Pilipinas at sa nauna pang Surian sa Wikang Pambansa (SWP), ang paggamit ng salitang Filipino sa bagong ahensiya ay malinaw na isang hakbang para ipalaganap ang nararapat na tawag sa ating pambansang wika.

Pero kung susuriin ang resolusyon ng KWF noong Abril, ano nga ba ang nararapat na pangalan ng bansa? Mababasa sa website ng KWF ang artikulo ng tagapangulo nitong si Dr. Virgilio Almario na may pamagat na “Patayin ang `Pilipinas’” (Diyaryo Filipino, 1992). Simple lang ang kanyang argumento: Ang Filipinas daw ay ang pangalang ibinigay sa atin nang sinakop tayo ng mga Kastila. Dagdag pa ni Almario: “Sa loob ng nakaraang tatlong siglo ay kilala tayo sa Europa bIlang `Filipinas’ at sa ganitong pangalan ipinroklama ang kalayaan ng ating bansa noong 12 Hunyo 1898.”

Wala tayong debate sa datos pero kailangan lang natin ng maikling pagsasakonteksto.

Una, malinaw sa ating kasaysayan na hindi buong bansa ang nasakop ng mga Kastila. Kung may kinikilala man noong Filipinas, ito ay ang mga lugar lang na okupado nila. Ayaw ko mang mamilosopo, kailangang isulong ang isang “baliw” na argumento: Kung gusto nating maging tapat sa kasaysayan, puwedeng gamitin ang pangalang Filipinas pero nararapat din sigurong gamitin ang termino para sa mga hindi nasakop mula 1565 hanggang 1898. Kung matatandaan, ang tawag ng mga Kastila noon sa lumaban at hindi nagpasakop ay tulisan.

Paumanhin po sa ganitong klaseng diskurso. Hindi ko lang kasi makita ang lohika ng paggamit ng dayuhang bansag para saklawin ang lahat ng bahagi ng bansa, pati na ang mga hindi nasakop nito.

Ikalawa, ang titulo ng deklarasyon sa kalayaan noong 1898 ay “Acta de la proclamación de independencia del pueblo Filipino.” Opo, ang sinulat at binasa ni Ambrosio Rianzares Bautista noong panahong iyon ay sa wikang Kastila. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit Filipinas ang ginamit na termino. Puwede nating punahin ang mga tinaguriang rebolusyonaryo noon sa hindi nila paggamit ng sariling wika sa isang importanteng dokumento. Pero sa kabila nito, hindi maitatangging ginamit lang ang salitang Filipinas para malinaw na iparating sa mga mananakop ang mensahe ng kalayaan.

May mga argumento pang isinulong si Almario na kailangan pang malalimang suriin. Ayon sa kanya, “kakatwa  na  ang  wika  natin  ay `Filipino’ samantalang ang bansa ay `Pilipinas.’” Sinulat din ni Almario: “(A)ng pagkakaisa na `Filipinas’ ang itawag sa ating bansa ay makapagpapagaan din sa pagtuturo  ng wastong ispeling sa mga bagay na kaugnay ng ating katangiang pambansa.”

Siguro’y pagkakaiba lang ito ng opinyon. Para sa akin, hindi kasi nakakatawa o kakaiba ang pagkakaroon ng wikang tinatawag na Filipino samantalang ang bansa at mamamayan ay Pilipinas at Pilipino. Gusto kong isiping may malawak na pagtanggap sa wikang Filipino hindi lang dahil isinulong ito ng akademya’t midya. Higit pa sa mahusay na inisyatiba ng dalawang sektor na ito, kinikilala na ng maraming mamamayan ang pag-unlad ng sariling wika.

Sa konteksto ng pagdami ng bagong salita, malinaw na ang 20 alpabeto ay hindi na sapat kaya may idinagdag na walo pa, kasama ang F. Hindi man ako eksperto sa wika, ang Filipino bilang wika ay dahan-dahan at mabagal na ebolusyon tungo sa pagkakaroon ng lingua franca sa ating bansa. Ang unang edisyon ng UP Diksiyonaryong Filipino noong 2001, halimbawa, ay isang magandang simula para makita ng ordinaryong mamamayan ang yaman ng mga salita sa iba’t ibang rehiyon, pati na ang posibilidad ng pagkakaisa nila. Mayroon ka mang hindi pagsang-ayon sa ilang nilalaman ng diksiyonaryo, ito ay mainam pa ring sanggunian sa usapin ng wika.

Para naman sa terminong Pilipinas at Pilipino, malinaw na hindi nito nabubura ang kolonyal na pamana sa atin ng mga Kastila. Pero kumpara sa terminong Filipinas, masasabing inangkin natin ang dayuhang bansag noon sa pamamagitan ng mas komportable nating pagbigkas ng P. Sa madaling salita, ang Filipinas ay naging Pilipinas dahil gusto nating magkaroon ng sariling identidad na bagama’t kapansin-pansin ang kolonyal na nakaraan ay may malawak pa ring pagtanggap sa kasalukuyan.

Kahit na sabihing mayroon nang F sa modernong alpabeto, hindi naman ito nangangahulugang dapat nang baguhin ang nakagisnan. Malinaw na kakaunti pa rin ang mga salitang nagsisimula sa titik na ito, at marami pa nga sa mga ito ay hiram sa mga dayuhang wika. Kahit sa UP Diksiyonaryong Filipino (Binagong Edisyon, 2010), ang mga salitang nagsisimula sa F ay umaabot lamang sa 20 pahina (pp. 357-376). Ikumpara ito sa sumunod na titik G mula sa lumang alpabeto na nasa 42 pahina (pp. 377-418).

Tungkol naman sa pagpapagaan sa pagtuturo ng wastong ispeling, ipinaliwanag ni Almario na “sa ngayon ay dalawa ang paraan ng pagsulat sa ngalan ng mamamayan sa ating bansa. `Filipino’ sa Ingles at `Pilipino’ sa ating wika…Maiiwasan natin ang problemang ito kung`Filipinas’ ang magiging opisyal na pangalan ng ating bansa. Lahat ng ating katangiang pambansa-mamamayan, halagahan (values), kultura, pilosopiya, atbp­ ay isusulat sa iisang pangalan (`Filipino’) sa Ingles man o katutubong wika.”

Totoo mang mas magaan ito sa pagtuturo, paano naman ang ebolusyon ng wikang Filipino? Sa aking palagay, hindi nararapat na hikayatin natin ang mga mamamayang gamitin na lang ang wikang Ingles nang walang pagsasaalang-alang sa konteksto ng pagsakop ng mga Kastila sa ilang bahagi lang ng bansa natin. Katanggap-tanggap man ang paghiram ng dayuhang salita, ibang usapin na ang paggamit ng Filipinas (Kastila) at Filipino (Ingles) samantalang mayroon naman tayong direktang salin ng mga ito sa sariling wika.

Malinaw na masalimuot ang simpleng panghihikayat sa pagpapalit ng pangalan ng bansa. Ang usapin dito ay hindi lang paggamit ng modernong alpabeto kundi ang interpretasyon ng ating kolonyal na nakaraan, pati na ang kolektibong pagtingin sa kasalukuyan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.