Tag Archives: love

Gasgas na kuwento ng pag-ibig

N.B. – This was published in the February 13-19, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2009/02/gasgas-na-kuwento-ng-pagibig.

LUNGSOD CEBU – Sadyang napakabilis ng panahon! Huli akong nagpunta sa lugar na ito noong Abril 2004, at hindi ko akalaing babalik ako rito ngayon kasama ang pinakamamahal na asawang una kong nakausap sa telepono halos limang taon na ang nakaraan.

Ano nga ba ang aming pinag-usapan? Matapos ang ilang araw na pakikipagpalitan ng mensahe sa pamamagitan ng Friendster, email at text, nagkasundo kaming kailangan na naming marinig ang boses ng bawat isa. Ninais naming “perpekto” ang pagkakataon hindi lang dahil ayaw namin ng istorbo kundi dahil mas mainam ang pakikipag-usap matapos ang buong araw na pagtatrabaho. Ang aming konsepto ng sitwasyong romantiko ay ang paghihintay sa aking tawag bandang alas-otso ng gabi!

Medyo naunsyami ang personal kong planong mapag-isa nang yayain ako ng ilang kaibigang pumunta sa Fuente Osmeña para maghapunan kasama ang ilang lokal na peryodista. Dahil hindi ako mag-isa sa loob ng isang tahimik na kuwarto, napilitan akong lumabas pansamantala sa loob ng aming pinagkainan sa takdang oras ng aming pakikipag-usap. Gamit ang lumang cellphone, tandang tanda ko pa ang magkahalong kaba at antisipasyon habang pinipindot ko ang numero ng kanyang telepono.

Naramdaman ko ang mabilis na pagtibok ng puso nang marinig ko ang unang ring. Pangalawa. Pangatlo. May sumagot na sa kabilang linya. Pansamantalang tumigil ang mundo nang marinig ko ang kanyang boses.

Siya: “Hello.”

Ako: “Hi…Joy?”

Siya: “Yes?”

Ako: “Hi. This is Danny.”

Siya: “Maganda pala ang boses mo!”

Ang kaba’y unti-unting nawala, natuto akong muling magsalita sa wikang Filipino at napansin kong muling uminog ang mundo. Kahit na nasa Bikol si Joy (kung saan siya nakatira’t nagtatrabaho noon), kasing-linaw ng cellphone signal ang aming maikli ngunit makabuluhang pag-uusap. Nalaman namin ang ilang mahahalagang detalye sa isa’t isa. Pero higit pa rito ay ang unti-unting paninigurado sa kung anumang damdaming nadarama’t ayaw labanan!

Sa kabila ng aming edad (35 na kami nang magkakilala sa pamamagitan ng Friendster), masasabing nakinabang kami sa teknolohiyang new media na naghatid sa mundo ng Internet, email at mobile telephony. Kung wala ang mga ito, malabong magkakilala ang isang taga-Maynia at isang taga-Bikol, mapanatili ang regular na komunikasyon at mapalakas ang namumuong relasyon.

Mabilis man ang mga sumunod na pangyayari (inabot lang ng walong buwan bago kami nagdesisyong magpakasal noong Disyembre 2004), patuloy ang aming pagsasama bilang mag-asawa at pinapalakas namin ito sa hawak-kamay naming pagharap sa anumang pagsubok sa buhay.

Sa muling pagbabalik dito sa Cebu na una ko siyang nakausap, masaya naming binalikan ang nakaraan. Kahit na kami’y ordinaryong mamamayan lamang, saksi ang publiko sa aming kuwento hindi lang dahil sa aming binuong website (http://www.dannyarao.com/wedding) kundi dahil sa mga panayam ng iba’t ibang organisasyong pang-midya na kadalasang nangyayari tuwing araw ng mga puso.

Totoo namang ang paulit-ulit na kuwento ay maaaring makagasgas sa diskurso, pero hindi natin masisisi ang bawat isa kung patuloy ang ating pag-asam sa positibong kahihinatnan sa panahon ng pag-aalinlangan. Sa isang banda, hindi naman maaalis ang pagdududa ng dalawang partido sa pagbubuo ng isang relasyon.

Patuloy na hamon sa nag-iibigan ang patibayin ang relasyon at, sa konteksto ng pag-aasawa, tuparin ang mga ipinangako sa seremonyang saksi ang mga kaibigan at kakilala.

Tulog na si Joy habang tinatapos ko ang maikling sanaysay na ito at plano kong ipabasa ito sa kanya sa paggising niya kinabukasan. Sinulat ko ito sa tabi niya at dinig ko ang kanyang paghingang nagpapakita ng mapayapang tibok ng kanyang puso.

Alam mong pag-ibig ang nararamdaman mo kung hindi mo na mahintay pa ang bukas para muli kayong magkasama’t muling masilayan ang kanyang ngiti sa gitna ng maraming ginagawa’t pinagkakaabalahan. At kahit na ang paglipas ng panahon ay nangangahulugan ng paglaho ng kabataan, ang damdamin sa isa’t isa’y inaasahang mananatili’t mapapalakas.

Isang makabuluhang araw ng mga puso sa iyo, Joy, at sa iba pang patuloy na umiibig at hindi nawawalan ng pag-asa!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.