Tag Archives: love

Pagmamahalan sa pamantayan ng peryodismo

N.B. – This was published in Pinoy Weekly (February 9, 2013), the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2013/02/pagmamahalan-sa-pamantayan-ng-peryodismo/.

Kung ang peryodismo ay madaling bigyang-kahulugan, ang pag-ibig ay nananatiling misteryo sa hinaba-haba ng personal na pinagdaanan. Biro nga ng iba, ang pagmamahalan ay parang kalaswaan. Kung gagamit kasi ng isang kasabihan sa wikang Ingles: “Obscenity: I know it when I see it.” Sa konteksto ng kasalukuyang paksa, nalalaman mo lang ang pag-ibig kung ito ay nadarama mo na – o kung isasalin sa wikang Ingles: “Love. I know it when I feel it.”

Ito ang dahilan kung bakit ang pag-ibig ay nagreresulta sa hindi-masukat na kasiyahan, hindi-mapantayang kalungkutan o hindi-nakatutuwang kabaliwan.

Sadyang mahirap pairalin ang damdamin sa larangan ng pag-ibig. Kaya huwag sanang masamain kung ang aking argumento ay gamitin sa pagmamahalan ang ilang pamantayan ng peryodismo. Sa pamamagitan nito, mababawasan natin ang subhetibong katangian ng pag-ibig at mas magagamit ang isip, hindi lang ang puso, sa paggawa ng mga desisyong may kinalaman dito.

Tulad ng pag-uulat sa mga nangyayari sa lipunan, walang kontrol ang peryodista o sinumang indibidwal sa maaaring mangyari sa nagmamahalan. Pero kung magkakaroon ng obhetibong pananaw sa pag-ibig, puwedeng magkaroon ng ideya kung saan ang patutunguhan ng isang relasyon. Napapanahong balikan ang ilang pamantayan ng peryodismo at suriin ang mga ito sa konteksto ng pag-ibig.

Para maging obhetibo sa pagbabalita, lubhang kailangan buksan ang isipan para makita’t masuri ang kabuuang larawan. Ganoon din sa pag-ibig. Ang pagsusuri ng nadarama ay hindi lang dapat nakatali sa panlabas na anyo kundi sa pangkabuuang katauhan. Gugustuhin mo bang makarelasyon ang isang indibidwal na maputi ang balat pero maitim ang budhi? Magmamahal ka ba ng isang mayamang babae o lalaki nang hindi mo alam kung ano ang kanyang tunay na ikinabubuhay? Handa ka bang manligaw ng isang premyadong manunulat pero walang modo kung kaharap mo? Sa pagbubukas ng iyong isipan at malalim na pagsusuri sa lahat ng impormasyong nakalap, mas mababawasan ang subhetibong pananaw at mas makikilatis ang nadarama.

Sa pagkakataong obhetibo mo nang nasuri ang kasalukuyan at posibleng kinabukasan, masasabing handang handa ka nang manligaw. At para maging epektibo sa paglalahad ng nadarama, mas kailangang maging direkta. Hindi ba’t ganito ang disposisyon ng mga peryodista sa kanilang gawain? Ang pagbabalita sa paraang naiintindihan ng publiko ay maaaring gamitin sa personal na panliligaw. Ang malinaw na pagsasabi ng “Mahal kita” ay hindi hamak na mas naiintindihan kumpara sa mahabang litanya ng panunungkit ng bituin para isabit sa kanyang leeg at paglalangoy sa malalim na karagatan para lang masilayan ang sinisinta. Hindi lang ito usapin ng pagtatanggal ng kakornihan o kabaduyan sa panliligaw: Ang pangunahing salik ay ang direktang maintindihan ang mensahe.

Sadyang walang lugar ang palipad-hanging panliligaw lalo na sa isang peryodistang naghahanap at naghahabol ng istorya. Ang seryosong panliligaw ay hindi dapat sukatin sa haba ng panahong kayang magtiis para makuha ang matamis na “oo” ng minamahal. Sa halip, ang sukatan dapat nito ay ang katapatan ng mensahe at ang pagbibigay ng ideya sa propesyong mahirap maintindihan. Sa katunayan, baka nga mainam na hindi lang maintindihan ng nililigawan ang peryodismo kundi maging bahagi rin nito.

Ano ba ang angkop na mensahe ng isang peryodista para sa nililigawan? Subukin natin ang pahayag na ito: “Mahal kita dahil sa iyong angking katangian – ilang impormasyong nakuha ko mula sa aking masusing pagtatanong-tanong at paglilibot-libot. Pero may kailangan kang dapat malaman tungkol sa akin. Tulad ng paghahanap ng datos tungkol sa iyo para mahubog ang sariling pag-iisip, ako ay peryodistang araw-araw na naghahabol ng istorya para may maiulat sa bayan. Pero kung ang deadline ay bahagi ng aking buhay, gusto ko ring maging bahagi ka ng aking araw-araw na kasiyahan at kalungkutan (pati na paminsan-minsang kabaliwan). Wala akong maibibigay kundi ang matapat kong hangarin at ang marangal kong suweldo bilang tagapaghatid ng balita. Bagama’t hindi kita mabibigyan ng isang marangyang buhay, kaya ko namang magbigay ng isang magandang buhay bunga ng aking pinaghirapan. Handa ko ring ibahagi sa iyo ang anumang nalalaman ko sa peryodismo kung sakaling gusto mong maging bahagi nito. Maganda ang kinabukasan natin kung tayo’y magkasama, gayundin ang kinabukasan ng ating bayan kung dalawa tayong maglilingkod sa kanya. Nagmamahal, Ang Iyong Peryodista”

Aaminin kong sinisira ng ilang pamantayan ng peryodismo ang ilang nakagawiang romantikong katangian ng panliligaw tulad ng pagbibigay ng rosas, tsokolate, alahas o anumang mamahaling bagay. Pero tandaan nating marami sa mga romantikong katangiang ito’y may komersiyalisadong tunguhin at, batay sa ating malalim na pagsusuri, ay nagdaragdag lamang sa kita ng malalaking korporasyon, lalo na sa mga okasyong tulad ng Araw ng mga Puso.

Tulad ng iba pang indibidwal, may galanteng peryodista at may kuripot na peryodista. Pero sa pangkalahatan, gusto kong isiping marami sa kanila ay praktikal – handang gumastos kung kinakailangan pero handa ring magtipid lalo na sa panahon ng kagipitan. Ang kanilang pagmamahal ay nasusukat hindi sa taba ng bulsa kundi sa kaba ng puso tuwing nakikita ang minamahal. Pero huwag magkamaling ang kaba ay bunga ng pagkatakot – ito ay bunga ng pagkatuwa sa nasisilayan ng mata, isang sitwasyong hindi kakaiba kapag nakakakuha ng istoryang mahalagang malaman ng mamamayan.

Para sa isang peryodista, ang pag-ibig ay hindi ilusyong nakatali sa panaginip lamang. Ito ay isang katotohanang patuloy na hinahanap at ipinaglalaban kung kinakailangan. Pero sa pamamagitan ng obhetibong pagsusuri, ang isang peryodistang nagmamahal ay handang magparaya kung ang konteksto ay hindi pumapabor sa kanya. Batay sa kanyang karanasan sa propesyon, kaya niyang ipagpatuloy ang mahalagang gawain sa kabila ng sobra-sobrang kasiyahan o kalungkutan. (Kahit na pinagdaraanan din niya ang kabaliwan sa pag-ibig, sana naman ito ay pansamantala lamang.)

Hindi man siya perpektong nilalang, sadyang masarap pero kakaibang magmahal ang isang peryodista kung ginagamit niya ang pamantayan ng kanyang propesyon sa larangan ng pag-ibig.

Malinaw na magkaiba ang pag-ibig at peryodismo: Subhetibo raw ang pag-ibig samantalang obhetibo ang peryodismo. Ang una ay nakatuon sa damdamin samantalang ang ikalawa ay nakatuon sa kaisipan.

Pero ang anumang pagkakaiba ay natatapatan naman ng pagkakatugma. Sa pag-ibig ay puwede kang magkaroon ng kasiyahan, kalungkutan o kabaliwan. Sa peryodismo ay ganoon din, hindi ba? Anuman ang maging resulta, ang responsableng pag-ibig at peryodismo ay kayang makapagpaunlad ng kaisipan at kamulatan, sa pagitan ng mga nagmamahalan at ng mga mamamayan.

Isang mapagpalayang Araw ng mga Puso sa lahat ng umiibig, sa totoo man o sa panaginip. Isulong kung totoo, tuparin kung panaginip!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.