Tag Archives: memories

Makulay na pulitikal na buhay

N.B. – This was published in the November 28-December 4, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/11/makulay-na-pulitikal-na-buhay-una-sa-dalawang-bahagi.

(Una sa dalawang bahagi)

Depende sa iyong pulitikal na paniniwala, puwede mong sabihing ako’y isang matandang walang pinagkatandaan o isang matandang alipin ng kanyang lumipas nang kabataan.

Kahit na hindi nararapat na tawagin akong ”aktibista” dahil sa klase ng buhay ko ngayon, hindi kita masisisi kung ito ang bansag mo sa akin.

Tulad mo, wala akong kawala sa aking nakaraan. Pero hindi katulad ng maraming tinalikuran na ang kanilang pinagdaanan, gusto kong isiping ang karamihan sa mga pinaniniwalaan ko noon ay dala-dala ko pa rin hanggang ngayon.

Alam mo bang “makulay” ang aking pulitikal na buhay? Ang aking alaala ng hayskul mula 1982 hanggang 1986 ay magkahalong asul, dilaw at pula.

Tandang-tanda ko ang huling dalawang taon ko noong hayskul. Nilapitan ako ng aking titser sa Relihiyon at tinanong kung may panahon ba akong makipag-usap sa isang grupo ng kabataan. Pupuntahan daw nila ako sa Sabado at, dahil sarado ang aming eskuwelahan sa araw na iyon, sa labas na lang ako hihintayin.

Ngumiti ang aking titser nang sumang-ayon akong makipag-usap sa grupong hindi ko pa alam kung taga-saan. Bago ako umalis, sinulat niya sa maliit na papel ang organisasyon ng mga kakausap sa akin: LFS.

Hindi ko na matandaan kung bakit hindi ako nakarating sa aming eskuwelahan noong Sabadong dapat na nakipagkita ako sa kanila, pero natatandaan ko ang panghihinayang ng aking titser nang sinabihan niya akong ilang oras naghintay ang mga taga-LFS sa akin.

Pero sa halip na pagalitan dahil sa aking kasalanan, pinakiusapan ako ng aking titser na huwag ipagkalat lalo na sa administrasyon ang naantalang pakikipag-usap ko sa mga taga-LFS. Kahit na hindi ko maintindihan ang masikreto niyang gawi, nangako akong hindi babanggitin ang para sa aki’y maliit na bagay na ito.

Makalipas ang ilang linggo, nabalitaan ko sa alternatibong midya (buti na lang at may isa pang titser akong nanghihikayat na magbasa kami ng mga ito) ang pagkakabuo ng isang militanteng organisasyong pang-kabataan na tinatawag na League of Filipino Students.

Pula ang bandila nito at bigla akong natakot: Hindi ba’t pula ang gamit ng mga ”komunista?” Sa aking pagbabasa tungkol sa Batas Militar, alam kong may underground na organisasyong tinatawag na Kabataang Makabayan (KM) na kulay pula ang bandila.

Sa aking murang edad, ang anumang kulay pula ay dapat na katakutan. Masasabing may malaking epekto ang edukasyong nakuha ko mula sa Katolikong eskuwelahang pinapasukan ko, pati na rin ang dominanteng midyang binabasa, pinapanood at pinapakinggan ko.

”Basta’t pulahan, iwasan!” Ito ang isinaksak sa aming utak. Wala raw buting idinudulot ang mga nagwawagayway ng pulang bandila dahil gulo lang ang hanap nila.

Kahit na hindi aminin ng mga nasa administrasyon (at malaking bahagdan ng kaguruan) ng aming hayskul ang kanilang pulitikal na paniniwala, kapansin-pansin ang pagkiling nila sa gobyernong pinamumunuan ng mga Marcos. Parating binabanggit sa amin ang kabutihan ng Batas Militar: Dahil sa imposisyon nito, nagkaroon daw ng disiplina ang lahat.

Asul daw ang kulay ng kaunlaran, at hindi nakakagulat na ito ang dominanteng kulay sa logo ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) na siyang partido ng mga Marcos. Tinawag ding ”Blue Ladies” ang mga babaeng nabibilang sa alta sosyedad na parating kasama ni Imelda sa kanyang mga lakad.

Pero sa tulong ng alternatibong midya at ng iilang guro sa aking eskuwelahang tinuruan akong maging kritikal (kahit sa limitadong paraan), nahila ako mula sa pagiging asul papunta sa pagiging dilaw.

Naging instrumental para sa aking pagkamulat ang pagpaslang kay dating Senador Benigno ”Ninoy” Aquino noong Agosto 1983. Kung dati’y itinuring kong dagdag na bagahe ang pagbabasa ng mga balita mula sa mga dominente’t alternatibong publikasyon, nagkaroon ako ng inisyatibang magbasa’t mag-obserba sa aking paligid kahit na hindi bahagi ng aming aralin.

Sa pagsisimula ng kampanya para sa snap election noong huling bahagi ng 1985, hindi nakakagulat na tumulong akong ikampanya si Cory Aquino para palitan si Marcos. Natuto akong magsuot ng lahat ng bagay na dilaw para ipakita ang aking pampulitikang paniniwala. Ang aming sigaw noon: ”Sobra na, tama na, palitan na!”

Nang dumating ang taunang Boys and Girls Week (isang pagkakataong ang kabataa’y nagiging lider ng komunidad sa loob ng isang linggo), nahalal akong Caloocan City Boy Vice Mayor at naglagi ako sa opisina ng pangalawang alkalde. Masasabi mong malaking pagkakamali sa bahagi kong dalhin ang kampanya para kay Cory sa City Hall.

Nang magpamigay ako sa mga katulad kong lider-estudyante ng maliliit na kalendaryong may katagang ”I nominated Cory Aquino for President,” pinagalitan ako ng sekretarya ng alkalde at sinabi sa wikang Ingles, ”Young man, remember that this is KBL country!

Hindi pa kontento sa pagsermon sa akin, ipinarating ang insidenteng ito sa mga opisyal ng aming eskuwelahan na kung saan ipinatawag ako para lalo pang pagalitan. Sabi ng isang opisyal na kinatatakutan ng lahat dahil sa kanyang pambubulyaw sa mga estudyante, nakakahiya raw ang ginawa ko at sinira ko ang ”magandang pangalan” ng eskuwelahan. Binalaan niya akong tatanggalin sa City Hall kapag inulit ko pa ang pangangampanya kay Cory.

Natapos ang Boys and Girls Week na kung saan ”nagpakabait” ako, pero nakuha ko naman ang simpatiya ng maraming lider-estudyante. Sa katunayan, ipinakita nila sa akin ang mga nakuha nilang dilaw na headband, armband at iba pang gagamitin nila sa mga susunod na pulitikal na rali ng oposisyon.

May naramdaman akong personal na tagumpay sa pagkakataong iyon, at mas lalong umigting ang sa tingin ko’y katumpakan ng aking paniniwala nang nangyari ang EDSA 1 noong Pebrero 1986. Napatalsik ang mga Marcos at pumalit ang aking ikinampanyang si Cory. Sa wakas, kapayapaan? Sa wakas, kaunlaran?

Pero alam nating lahat na ang EDSA 1 ay simpleng pagpapalit lang ng administrasyon, at ang progresibong katangian ng pakikibaka para sa makabuluhang pagbabago’y mas makikita lang kung gagamit ng pulang lente.

Ang pagpapalit ng kulay (at ang tuluyang pagtalikod sa asul at dilaw) ay nangyari sa aking pagtuntong sa kolehiyo. Hinarap ko ang pulang kinatatakutan at nagulat ako sa aking nalaman. (ITUTULOY)

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.