Pag-alala sa Batas Militar

N.B. – This was published in Vol. 6, No. 36 (September 19-25, 2007) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/pw6-36/op_ed/ed-6_36_3.htm.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineEksaktong ika-apat na kaarawan ko nang mapailalim ang Pilipinas sa batas militar noong Setyembre 21, 1972.

Hindi ko alam kung matatawa ka sa ikukuwento ko, pero akala ko noo’y tao si “Martial Law.” Kasalanan ito ng matatandang pinakikinggan ko ang kuwento noon tungkol sa isang taong maraming baril na kailangang pagtaguan dahil baka patayin ka nang walang dahilan.

Madalas akong magpalipas ng oras noon sa isang tindahang malapit sa aming bahay sa Caloocan City para kumain ng paborito kong chicharon o magbasa ng mga komiks na pinapaarkila. Naalala kong sumigaw minsan ang matandang katabi ko, “Umuwi ka na, ayan na si Martial Law!” Mabilis akong tumakbo noon at sa aking pagmamadali’y nalaglag ang chicharong kinakain ko.

Madali akong maniwala noon kahit sa mga kuwento-kuwento lang. Trinato kong multo si “Martial Law” na dapat kong takbuhan oras na makita ko. Kahit ang mga pulis na nakikita ko sa mga kalye, iniiwasan ko noon dahil sa mga baril na hawak nila. Madalas kasi naming pag-usapang mga kalaro ang tsismis tungkol sa mga taong mahahaba ang buhok at nakikipagbatuhan sa mga pulis. Nagbibiruan pa nga kaming ang mga nawawala pagkagat ng dilim ay dalawa lang ang kahahantungan: Ang pagbubunot ng damo o ang paglutang ng bangkay sa estero kinaumagahan. At dahil ang aming mga biruan ay may halong takutan, maaga kaming umuuwi noon sa bahay para maiwasan ang parusa mula kay “Martial Law.”

At dahil ang mga balita noon sa diyaryo, radyo at telebisyon ay pawang nagpapakita ng kaunlaran ng bayan, minsa’y hindi ko na malaman kung kanino ako maniniwala. Pero hindi ko naman masyadong binigyan ng atensiyon ang kontradiksiyong ito dahil mas abala ako noon sa pag-aaral, pagbibisikleta at panonood ng mga paborito kong cartoon sa telebisyon. Mahilig din ako noon sa mga video game machine na hinuhulugan ng piso para makapaglaro. Siyempre pa, hindi dapat kalimutan ang chicharon at komiks!

Tuwing flag ceremony sa aming eskuwelahan, sabay-sabay naming binibigkas ang “Panatang Makabayan” at kinakanta ang “Bagong Lipunan.” Dahil hindi ako kritikal sa aking mga sinasambit, mas napaniwala ako noon sa kagandahan ng tinatawag na bagong lipunan. Sa pag-akyat ko sa Grade IV, nalaman kong hindi naman pala isang tao kundi isang pangyayari ang “Martial Law” na hindi dapat katakutan kundi pasalamatan, ayon sa ilang titser ko.

Naalala kong pilit akong inihahalintulad kay Pangulong Ferdinand Marcos ng ilang kaklase’t titser ko sa mga pagkakataong nakapagdala ako ng karangalan sa aming eskuwelahan. Matalino raw kasi si Marcos at kung pagbubutihin ko ang pag-aaral ko, baka raw matulad ako sa kanya.

Grade V ako nang mawala ang batas militar noong Enero 17, 1981 pero tulad ng inaasahan, wala akong pakialam sa pangyayaring ito. Sa katunayan, mas natatandaan ko pa ang pagbisita ni Pope John Paul II noong panahong iyon. Dahil nag-aaral ako noon sa isang Katolikong eskuwelahan, kasama akong nakisaya noon sa pagdating ng Santo Papa at taimtim na nagdasal para gumanda ang kalagayan ng Pilipinas.

Nasa ikalawang taon na ako sa hayskul nang nagulantang kami sa bahay ng balitang binaril si dating Senador Benigno Aquino noong Agosto 21, 1983. Ang mga pagdududang nararamdaman ko kahit noong nasa elementarya pa ako ay lalong lumaki, at ang pangyayaring ito ang nagtulak sa akin para hanapin ang katotohanan.

Nakatulong nang malaki ang ilang titser kong pinabasa sa amin ang mga tinaguriang mosquito press tulad ng Veritas at Mr. & Ms. Mula sa mga ito ay nalaman kong ang midya pala ay may iba’t ibang tradisyon sa Pilipinas, at ang katotohanan ay hindi puwedeng makuha kung makikinig sa isang panig lang. Hindi ko na siguro kailangang banggitin kung ano ang ginawa ko nang magdeklara si Marcos ng snap election noong 1985 at nang pumutok ang tinaguriang EDSA Revolution noong 1986.

Sa mga panahong ito, mahalagang balikan ang konteksto ng ating pampulitikang pagkamulat para suriin kung may pag-unlad ba sa ating perspektiba at disposisyon sa buhay. Wala namang masama kung hanggang ngayon ay wala ka pa ring pakialam… kung ikaw ay isa pang musmos.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

4 thoughts on “Pag-alala sa Batas Militar”

  1. Naranasan ko ang buhay sa ilalim ng Martial Law. Dito ako namulat na ang kasakiman sa kapangyarihan ay talagang nakakatakot. Ang kaibigan ko ay naging biktima nito . Bakit kaya ang mga dukha ang kadalasang bitktima nito?

    Ayokong danasin ng mga anak ang ganito ngunit parang ganun din ngayon. Kahit sino ay maaaring maglaho sa isang iglap.

    Sagot: Maraming salamat sa mensahe. Hindi ko naranasan ang kalupitan ng Martial Law noon. Pero kung susuriin ang mga pag-aaral tungkol dito at ang mga kuwento ng mga katulad mong may direktang karanasan, walang pagkakaiba Martial Law noon sa mga nangyayari ngayon. Parati namang mahihirap ang biktima ng anumang polisiya o programang pinapakinabangan lang ng mga nasa kapangyarihan. Pero umaasa naman ako, katulad mo, na matatapos din ang sitwasyong ito.

  2. bilang estudyante oo hindi ko nga naranasan ang martial law oh batas miilitar pero para sa akin mahirap mapuntahh sa ganuoong sitwasyun dahil binoto mu lamang ang presedente na hindi lamang alam ang gagawin kung anu ang dapat at nararapat gawin niya kaya nag deklarahh siya ng batas militar ohhh bilangg martial lahwww na rhnnn

  3. salamat sa mensahe, akala ko kasi noon na hindi mabuting pangulo di Marcos ngunit nagkakamali pala ako.sabi ng guro namin, si Marcos daw ay hindi masamang pangulo, ng dahil daw sa mga opisyal na kanyang inilalagay sa posisyon kaya naging mahirap ang buhay ng mga pilipino noon.kahit di man ako naranasan ang martial law may panatag din akong maging katulad kay Ramon Magsaysay ang susunod na maging pangulo sa bansa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.