Hindi pa tapos ang boksing

N.B. – This was published in Vol. 6,  No. 39 (October 10-16, 2007) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/pw6-39/op_ed/ed-6_39_3.htm.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineButi na lang at nanalo si Pacman.

Noong nakaraang Linggo (Oktubre 7), nagkaroon ng dahilan para muling magsaya tayong lahat dahil sa pagkapanalo ni Manny “Pacman” Pacquiao sa laban niya kay Marco Antonio Barrera. Hindi man siya nanalo sa pamamagitan ng knockout, katanggap-tanggap naman ang unanimous decision para patunayang siya ay mas magaling na boksingero kumpara kay Barrera.

Ang kanyang tagumpay ay tagumpay natin, partikular ng mahihirap. Para sa nakararaming tila nawawalan ng pag-asang gaganda pa ang buhay, kailangan ang tagumpay ni Pacman para maibsan ang dalamhati nating bunga ng araw-araw na pakikibaka para lang mabuhay.

Kumpara sa mga opisyal na estadistikang hindi makita ang koneksiyon sa kanilang buhay, damang dama ng nakararaming mahihirap ang pagkapanalo ni Pacman kahit na wala naman silang direktang mahihita mula rito.

Hindi ba’t kay Pacman naman mapupunta ang milyun-milyong gantimpalang imposibleng kitain ng nakararami? Kahit na sabihing kailangan pa ring bayaran ang iba pang taong tumulong sa kanya tulad ng trainer niyang si Freddie Roach, masasabing siya lang at ang kanyang pamilya ang lalo pang yayaman dahil sa kanyang tagumpay. Kahit na may balato naman siyang ipamamahagi sa ibang kababayan, hindi naman maaasahang lahat ay mabibiyayaan niya.

Pero kahit na alam nating ganito ang sitwasyon, masaya pa rin tayo. Ang kanyang kagalingan ay sapat na para maghatid ng magandang balita kahit ilang araw lang. Para sa isang bansang ang pandarambong at pulitikal na pamamaslang ay tila ordinaryong pangyayari na, maiintindihan naman ang paghahanap ng mga balitang magpapangiti sa atin.

Ganoon naman ang naging papel ni Pacman sa buhay nating lahat mula nang makilala siya sa internasyonal na larangan ng boksing. Nararamdaman natin ang mga suntok na binibitawan niya na nakakapagpatumba kahit sa magagaling na boksingero tulad nina Erik Morales at Juan Manuel Marquez. Damang dama rin natin ang mga suntok na tumatama sa kanya na alam nating iniinda niya ang sakit.

Malaking salik ang pagiging galing sa hirap ni Pacman para suportahan siya ng nakararami. Nakita natin ang kanyang pagpupursigi para lang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Nabalita ngang gumastos siya ng kalahating milyon para pag-aralin sa isang mamahaling paaralan ang kanyang mga anak. Nagpatayo rin siya ng mansyon para sa kanyang pamilya at napabalitang nagbigay ng mamahaling sasakyan sa kanyang ina.

Itinuring ng nakararaming mahihirap na isa sa kanila si Pacman kahit ibang iba na ang kanyang pinansyal na sitwasyon. At dahil ayaw ng nakararaming masira ang ilusyon na inihahatid ni Pacman tuwing siya ay may laban, hindi siya ibinoto noong nakaraang eleksiyon para maging kinatawan sa House of Representatives. Alam ng mamamayan ang karumihan ng pulitika at ayaw nilang masira o magamit lang ng mga pulitiko ang “Pambansang Kamao”

Tama si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang sinabi niya sa isang pahayag na muling nagbigay si Pacman ng dahilan para may muling maipagmalaki ang mga Pilipino. Pero dapat nating tandaang kailangan ang mga tagumpay ng mga katulad ni Pacman sa isang sitwasyong mayroon tayong administrasyong patuloy na tinutuligsa dahil sa krisis na nararamdaman ng nakararami.

Bagama’t may dahilan para ipagdiwang ang tagumpay ng mga kababayan natin, lubhang kinakailangan ang mahigpit na pagkakaisa hindi lang sa pagsuporta sa kanila kundi sa pagkilos para wakasan ang mga dahilan ng ating patuloy na paghihirap.

Buti na lang at nanalo si Pacman. Kailan naman kaya mananalo ang nakararaming mamamayan sa kanilang laban sa buhay?

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Hindi pa tapos ang boksing”

  1. Yan din ang tanung ko. Bilib ako sa mga Pilipino sa kanilang resilience. Marami sa atin ang mga bayani. Hindi lamang yung mga OFW kundi yung nabubuhay sa kahirapan na patuloy na lumalaban. Yung mga mahirap na di sumusuko at di nagpapadala sa buhay ng krimen upang may mailagay sa kumakalam na sikmura.

    Sila ang para sa akin ay ang tunay na bayani na dapat tingalain.

    Sagot: Tama ka. Iba ang larong boksing (kung laro mang matatawag ito) sa tunay na buhay. Hindi kasi patas ang laban, lalo na sa sitwasyon ng globalisasyon na kinakawawa ng iilang higante ang nakararaming maliliit. Pero siyempre, patuloy pa rin ang paglaban hanggang sa tagumpay. Salamat sa mensahe.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.