Sana’y lumakas pa ang piso at bumaba ang presyo

N.B. – This was published in Vol. 6, No. 44 (November 21-27, 2007) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/pw6-44/op_ed/ed-6_44_3.htm.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlinePara sa mga kumikita ng dolyar tulad ng overseas Filipino workers (OFWs), sa unang tingin ay hindi mainam ang nangyayari ngayong paglakas ng piso kumpara sa dolyar.

Nagsara ang palitan noong Nobyembre 16 (Biyernes) sa P43.22 bawat dolyar. Tinatayang baka umabot sa P40 bawat dolyar ang palitan sa pagtatapos ng taon. Masamang balita kaya ito para sa ating lahat? Marami kayang magagalit sa akin sa pag-asam kong mas lalo pang lumakas ang piso kumpara sa dolyar?

Maiintindihan naman natin ang sentimyento ng mga pamilyang nakatatanggap ng dolyar mula sa mga mahal sa buhay na nagtatrabaho sa ibang bansa. Mas magandang tumaas ang palitan (o humina ang piso) dahil mas maraming piso ang maipapalit sa bawat dolyar. Ibig sabihin, kahit na hindi tumaas ang ipinapadalang dolyar ng OFWs, mas darami ang makukuha ng mga pamilyang naiwan sa Pilipinas sa sitwasyong mahina ang piso kumpara sa dolyar.

Simple lang naman ang lohika: Mas maraming pera, mas maraming mabibili at maiimpok. Magkakaroon ng alokasyon hindi lang para sa mga batayang pangangailangan kundi para sa mga luho. Para sa nakararami, parang mas mainam ang sitwasyon noong 2004 nang ang palitan ay umabot sa P56.0399, ang pinakamataas na annual average sa kasaysayan ng Pilipinas.

Pero alam mo bang ang kabaligtaran (o ang malakas na piso) ay dapat na mas maganda para sa ating ekonomiya? Tandaan nating mas bababa ang halaga ng importasyon kapag mababa ang palitan ng piso kumpara sa dolyar. Sa pagbili ng mga imported na produkto at serbisyo sa mga dayuhan, ang Pilipinas ay nagbabayad sa kanila ng dolyar. Mas mababa ang palitan ng piso, mas kaunting piso ang kailangan kapalit ng dolyar.

Sa teorya, nangangahulugan ito ng mas mababang halaga ng mga imported na produkto at serbisyo sa lokal na pamilihan. Maraming pag-aaral na nagpapatunay na ang ating bansa ay import-dependent o patuloy na umaasa sa mga inangkat na produkto at serbisyo. Marami ngang nagsasabing wala ka nang matutukoy sa kasalukuyang 100 porsiyentong gawa sa Pilipinas dahil mayroon at mayroon kang makikitang imported component, gaano man kaliit o hindi kapansin-pansin ito.

Bagama’t kailangan nating baguhin ang ganitong kaayusan sa ating ekonomiya, hindi ba’t sa kasalukuyan ay dapat pa rin nating isipin ang kapakanan ng mahihirap para makayanan nila ang pagtangkilik sa mga produkto at serbisyong karamihan ay may sangkap na imported?

Sa isang sitwasyong mataas ang palitan ng piso sa dolyar, nagkakaroon ng ilusyong may malaking pakinabang ang mga kumikita ng dolyar tulad ng OFWs. Pero totoo mang mas maraming piso ang maipapalit sa bawat dolyar, ang “kaligayahan” ay pansamantala lamang dahil ang mataas na palitan ng piso kumpara sa dolyar ay mangangahulugan ng pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo kahit na hindi ito agad-agad na mapapansin.

Pero siyempre’y itatanong mo rin kung bakit sa kabila ng paglakas ng piso bawat dolyar, patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng langis na karamihan ay inangkat mula sa ibang bansa. Sa katunayan, maraming transport group ang nananawagan ng pagtaas ng pamasahe dahil hindi na sila makaagapay sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

Masasabing ito ay direktang resulta ng Downstream Oil Deregulation Act na hinahayaan ang mga kompanya ng langis na itakda ang presyo ng kanilang mga produkto. Kung gagamit ng termino sa ekonomiks, ang produktong petrolyo sa ating bansa ay masasabing price inelastic – ibig sabihin, patuloy na tatangkilikin ang mga ito kahit na magkano ibenta dahil kinakailangan ng mga tao at wala pang malinaw at popular na kapalit sa mga ito. Pinagsasamantalahan ng mga kompanya ang ganitong katangian ng mga produkto nila. Bawat oportunidad ay ginagamit para itaas ang presyo, kahit sa kasalukuyang panahong malakas ang palitan ng piso kumpara sa dolyar.

Para sa iba pang industriya ng ating ekonomiya tulad ng pagkain, may ganito ring sitwasyon na kung saan ang mga kapitalista, sa pangkalahatan, ay kayang makapagtakda ng presyo para sa kanilang mga produkto at serbisyo.

Sa kontekstong ito natin dapat suriin ang kasalukuyang paglakas ng piso na hindi nararamdaman ng mga tao dahil sa kasalukuyang kaayusan ng ekonomiya. Kaya nga ang ating pag-asam ay hindi lang dapat sa malakas na piso kundi sa kaakibat na mababang presyo ng produkto at serbisyo. At sa malapit na hinaharap, ang ating kolektibong pag-asam ay dapat na magresulta sa malawakang pagkilos.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Sana’y lumakas pa ang piso at bumaba ang presyo”

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.