Krisis sa bigas at pag-iingat ng pamahalaan

N.B. – This was published in Vol. 7, No. 15 (April 23-29, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5).

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineMay pagkilala man sa problemang kinakaharap, mapapansing hindi pa rin ginagamit ng pamahalaan ang salitang “krisis” para ilarawan ang problema natin ngayon sa suplay ng bigas.

Maingat ang pamahalaan sa pagpapaliwanag tungkol sa mahabang pila sa pagbili ng bigas sa mga pamilihan ng National Food Authority (NFA). Kahit na may sapat daw na suplay, kailangang iwasan ang pagsasamantala ng ilang negosyante’t pamilya.

Maiintindihan naman ang anumang inisyatiba para maiwasan ang pag-iimbak ng bigas na nabili sa murang halaga na ibebenta lang kapag tumaas na ang presyo nito. Ang anumang pagsasamantala sa ngalan ng tubo ay dapat na tutulan, at ang sinumang gumagawa nito ay nararapat na kasuhan.

Pero mapapansing nagkakaroon na rin ng limitasyon sa maaaring bilhin ng isang pamilya. Kung anu-anong “mapanlikhang” sistema ang ipinapatupad at planong ipatupad ng pamahalaan. Halimbawa, mayroon nang itinakdang maksimum na maaaring bilhing NFA rice ng isang tao at may plano ring magkaroon ng sistema ng pagmo-monitor sa kinokonsumong bigas ng bawat pamilya.

Bago pa man ang mga ito, matatandaang may panawagan din sa mga fastfood chain na bigyan ng opsyon ang mga kostumer na makabili ng kalahating kanin para hindi naman daw maging maaksaya sa pagkain.

Tunay na ang kampanya ng pamahalaan para siguraduhing may sapat na suplay ng bigas ay tinatamaan hindi lang ang mga mapagsamantalang kapitalista kundi ang iba pang pamilya. Kahit na may elemento ng pagsasamantala sa panig ng ilang pamilya (partikular ang mga may kakayahang bumili nang sobra pa sa pangangailangan nila), kailangang tandaang ginagawa lang nila ito dahil sa desperasyon at hindi sila dapat tratuhin tulad ng iba pang ganid sa tubo.

At kahit na sabihing kaya naman nilang bumili ng mamamahaling bigas, pinipili pa rin nilang bumili ng mas murang NFA rice dahil mas mainam nang isakripisyo, kahit pansamantala, ang kalidad (quality) kapalit ng kantidad (quantity). Para sa kanila, ito ang mga pagkakataong kailangang maghigpit ng sinturon dahil baka lumala pa ang sitwasyon sa malapit na hinaharap.

Pero ang desperasyon ay mas nakikita sa mga pamilyang walang sapat na pambili. Kahit na sabihing hanggang limang kilo lang ang kayang bilhin sa mga pamilihan ng NFA, alam nating hirap ang nakararaming mamamayang bumili ng kahit isang kilo lang.

Ang kahirapang ito ay hindi lang dahil sa ilang oras na paghihintay sa napakahabang pila sa ilalim ng sikat ng araw ngayong tag-init. Ito ay bunga rin ng mababang suweldo at mataas na presyo ng bilihin at serbisyo. Gasgas nang biro ang argumentong “Ang mayayaman lang ang maaaring mag-panic buying, samantalang ang mahihirap ay puro panic lang dahil walang pang-buy.”

Malaking kontradiksiyon sa kasalukuyang panahon ang pagkakait sa nakararaming mamamayan ng oportunidad na magkaroon ng sapat na pambili para sa mga pangangailangan nila.

Madaling sabihin ng mga opisyal ng pamahalaan na may ginagawa sila para bigyang-solusyon ang problema sa suplay ng bigas. Pero ang kanila bang mga inisyatiba ay para mapataas ang kakayahang bumili ng mamamayan at mapababa ang presyo ng mga batayang serbisyo’t produkto tulad ng bigas?

Maaaring isakonteksto ang pagiging maingat ng pamahalaan sa pagpapaliwanag ng kasalukuyang sitwasyon sa layunin nitong maibsan, kundi man tuluyang mawala, ang pag-aalala ng mamamayan.

Subalit kailangang tandaang ginagawa ang pag-iingat na ito dahil ayaw ng pamahalaang magresulta ang pangkalahatang desperasyon sa malawakang pag-aalsa. Hangga’t maiiwasan, patuloy ang pag-iingat ng pamahalaan, kundi man lantarang pagtatakip sa katotohanan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

2 thoughts on “Krisis sa bigas at pag-iingat ng pamahalaan”

  1. bull**** aRticLe!!! (Note: Expletive edited by moderator)

    i’m nOt anti or pRo arRoyo prO cAn wE juz think a cErtAin soLutiOn rAthEr thAn mg’away2 p tAu..

    pRehAs lanG nmAn taUng apEktadO ng kRisiS n ito..

    hndi lamAng Pilipinas.. kundi ang buoNg mUndO!!!

    wE must unitE pRa s ikA2.unlad ng atinG ekOnOmiya..

    let Us juZ b cOntentEd..

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.