Kagalingan ng isang taga-UP

N.B. – This was published in Vol. 7, No. 23 (June 18-24, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/06/kagalingan-ng-isang-tagaup.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineMay dahilan para maging sentimental ang lahat ng mga may koneksiyon sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ngayong linggo. Ang Hunyo 18 kasi ang pinakahihintay na ika-100 taon ng UP.

Itinatag noong 1908, susing bahagi ang UP sa pagbubuo ng isang sistema ng edukasyong naaayon sa interes ng mga Amerikano. Ang plano noon ay sa UP pag-aralin ang matatalinong Pilipinong may potensiyal na maging opisyal ng gobyerno.

Pero sa paglipas ng panahon, ang liberalismong ipinalaganap sa UP ay siyang nagtulak sa mga estudyante’t guro nitong maging kritikal sa pambansang kalagayan, lalo na sa papel ng Estados Unidos sa pamamahala ng ating bansa.

Mula sa pagiging instrumento ng dayuhang namumuno, ang UP ay naging sentro ng paglaban sa lahat ng porma ng panunupil. Kahit na sabihing ang aktibismo ng kabataan ay makikita sa maraming unibersidad at komunidad, iba pa rin ang atensiyong ibinibigay sa mga aktibidad na may kinalaman ang UP dahil ito ang tinaguriang premier state university ng Pilipinas.

Hanggang ngayon, ang UP pa rin ang lugar na kadalasang pinagdarausan ng mga importanteng aktibidad. Kahit ang mga indibidwal at mga organisasyong walang pormal na koneksiyon sa UP, pinipiling pumunta sa UP (o nag-iimbita ng mga taga-UP) para mas magkaroon ng kredibilidad ang kanilang gawain.

Sa kabila ng napakaraming mga unibersidad na nagbibigay ng de-kalidad na edukasyon, hindi pa rin matatawaran ang kalibre ng mga gradweyt sa UP nating mahal. Kahit na sabihing hindi hamak na mas maganda ang mga pasilidad ng ilang pribadong unibersidad, iba pa rin ang diskarte’t paninindigan ng isang taga-UP.

Mula noon hanggang ngayon, ang isang gradweyt ng UP ay inaasahang maging lider sa pinili niyang disiplina. Sa unang taon pa lang niya sa UP, alam na ng isang estudyante ang hamon sa kanyang magpakadalubhasa at huwag sayangin ang apat na taon o higit pang ilalagi niya sa unibersidad.

Pero bukod sa pagpapaunlad ng pang-akademikong kaalaman, hinihikayat din ang mga estudyante ng UP na lumahok sa napakaraming aktibidad sa loob at labas ng kampus. Ang liberal na edukasyon, para sa kanila, ay nangangahulugang ang kanilang pagkatuto ay hindi lang limitado sa itinuturo sa loob ng silid-aralan.

Bilang isang gradweyt at kasalukuyang guro ng UP, masasabi kong may pagmamalaki akong nararamdaman tuwing nababalitaang may isa na namang taga-UP na kinilala sa larangang pinili niya. (Siguro’y maisasakonteksto mo na ang minsa’y kayabangan ng mga kakilala mong gradweyt ng UP.)

Pero may mga taga-UP pa ring hindi man napapabalita sa midya ang kanilang mahusay na gawain, patuloy pa rin ang pagtanaw ng utang na loob sa kanila ng mga ordinaryong mamamayang pinagsisilbihan nila.

Makikita silang tahimik na namumuhay sa piling ng mahihirap nang hindi iniinda ang kawalan ng marangyang kabuhayan. Pinili nila ang simpleng pamumuhay, at doon nila nakita ang hindi masukat na ligaya.

Sa okasyon ng ika-100 taon ng UP, sana’y tandaan nating may mga ganitong klaseng gradweyt na pinili ang ganitong klase ng pamumuhay. Sila ang dapat na mas kilalanin bilang modelong gradweyt ng UP. Kumpara sa mga pinili na lang magpayaman at kalimutan ang kinagisnan, hindi nila inisip ang pansariling interes kundi ang kanilang magagawa para sa makabuluhang pagbabago.

Hindi kahangalan ang hangaring baguhin ang mundo. At lalong hindi kalokohan ang pumunta sa kanayunan para mas epektibong ipaglaban ang isang paninindigan. Sa UP, gusto kong isiping araw-araw na pinag-uusapan ang mga bagay na ito.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.