Rebelyon, kabataan at musikang rock

N.B. – This will be published in the September 5-11, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/09/rebelyon-kabataan-musikang-rock.

Lumaki ako sa panahong ang kinikilalang ”diyos” ay sina Sampaguita, Mike Hanopol at Pepe Smith. Kahit na hindi ko pa alam sa murang edad ang pulitikal na mensahe ng kantang “Jeproks,” nagustuhan ko ito, tulad ng iba pang kabataang nahumaling sa musikang rock.

At dahil sa Juan dela Cruz band (na binubuo nina Hanopol, Smith at Wally dela Cruz), ginusto kong mag-”swimming sa balong malalim.” Hindi ko pinansin ang kamalian ng katagang ”ako’y nag-iisa at walang kasama.” Sinunod ko ang panawagang ”Ang himig natin ay ating awitin/Upang tayo’y magsama-sama/Sa langit ng pag-asa.”

Pero kasabay ng pagtangkilik sa sariling atin ay ang pagkahumaling din sa mga dayuhang bandang nagtataguyod ng musikang rock. Mula slow rock hanggang heavy metal, mahaba ang listahan ng mga bandang hanggang ngayon ay kabisado ko pa rin ang marami nilang kanta – Creedence Clearwater Revival, Rainbow, Deep Purple, Black Sabbath, Scorpion at Nazareth ay ilan lang sa kanila.

Inaamin kong dahil sa kolonyal na mentalidad, mas nagustuhan ko ang mga musikang dayuhan sa aking pagtuntong sa hayskul. Dahil nabarkada ako sa mga kaklaseng pareho ang hilig sa musika, madalas na nauubos ang aming panahon sa pakikinig sa mga plaka’t tape ng mga paborito naming bandang dayuhan at lokal.

Mula sa mga pagtitipong iyon kami nagsusuri ng mensahe ng mga kanta. Napansin namin, halimbawa, na ang kantang ”Favorite Son” ng CCR ay isang protesta laban sa agresyon ng Estados Unidos sa Vietnam. Ang ”Temple of the King” naman ng Rainbow ay tungkol sa relihiyon at ang bulag sa pagsunod sa mga nasa kapangyarihan. Ramdam na ramdam din namin ang personal na pakikibaka’t kalungkutan sa buhay na maririnig sa mga kantang ”Soldier of Fortune” ng Deep Purple at ”Changes” ng Black Sabbath.

Pero sa pangkalahatan, kapansin-pansin para sa amin ang kawalan ng malinaw at malalim na mensahe sa mga kanta. Ang isa sa pinakasikat na kanta ng Deep Purple, ang ”Highway Star” ay tungkol lang sa pagkahumaling sa magara’t mabilis na sasakyan (na inihalintulad pa sa katawan ng babae!). Ang mga mas sikat pang kanta ay tungkol sa pag-ibig o mababaw na pagnanasa sa isang babae – ”Dream On” ng Nazareth, ”Always Somewhere” ng Scorpion at marami pang iba.

Maingay, magulo, tila walang paggalang sa awtoridad – mga katangian ng rock na makikita rin sa maraming kabataang wala pang direksiyon sa buhay at naghahanap ng pansarili o panlipunang identidad. Madaling magustuhan ng kabataan ang rock dahil iba ang damdaming naidudulot ng pinagsanib na ingay ng mga instrumento, lalo na ang lead guitar, at ang tila pasigaw na pagkanta ng lead singer. Tila nakakaya ng mga bandang itong ibulalas para sa kabataan ang lahat ng sama ng loob.

Normal na pagdaanan ng kabataan ang pagkahumaling sa rock dahil sa ”rebeldeng” katangian nito na akmang akma sa ”rebelyong” pinagdaraanan nila. Posibleng mababaw o walang direksiyon ang ”rebelyong” nararamdaman ng kabataan – baka galit lang sila sa magulang na parati silang pinagbabawalan, sa titser na parati silang pinag-iinitan, sa kaklaseng parati silang niyayabangan o sa kalarong parati silang iniisahan.

Mula noon hanggang ngayon, ang rock sa pangkalahatan ay hindi nakapagbibigay ng pampulitikang direksiyon sa kabataan dahil ang kadalasang tema’t mensahe ng mga kanta ay nakatuon lang sa personal. Bihirang maisakonteksto ang personal na pinagdaraanan sa panlipunang kaayusan. At lalong kakaunti ang mga naglalahad ng diskurso sa pambansang kalagayan.

Masasabing ang komersiyalismo ay ugat ng mga kompromisong kailangang gawin ng mga banda’t iba pang artista para makarating sa publiko ang kanilang musika. Mayroon din namang bandang walang pulitikal na oryentasyon at kontento nang lumikha ng mga musikang walang malinaw na mensahe.

Anuman ang kahinaan ng maraming banda, sana’y ang pagkahumaling sa rock ay dalhin ng kabataan hanggang pagtanda, at gamitin itong batayan ng paghahanap hindi lang ng mas makabuluhang musika para sa kanila kundi ng direksiyong dapat tahakin.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.