Personal kong listahan ng kahilingan

N.B. – This was published in the October 17-23, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/10/personal-kong-listahan-ng-kahilingan.

May personal na bagay na kailangang ibahagi dahil mahalagang gawin mo rin ito.

Mainam na pagplanuhan ang kinabukasan, pero paano kung ang hinaharap ay walang kaseguruhan? Makokontento ka na lang ba sa kung anong mayroon ka, at hindi na nanaisin pang makuha ang mga bagay na wala ka?

Ayon kasi sa isang kasabihan, ang naghahangad ng kagitna ay isang salop ang maaaring mawala. Pero hindi masama ang mangarap. Sa huli kong pananaliksik, libre pa ito’t hindi pa binubuwisan ng gobyerno!

Sa isang lipunang ang pakikipaglaban ay tinatapatan ng karahasan ng mga walang pakundangan, hindi sapat ang simpleng mangarap lang. Sa halip na tumunganga sa isang sulok at mag-isang isipin kung ano ang magandang bukas para sa iyo, mainam na ibahagi sa iyong mga kakilala’t kaibigan kung ano ang mga gusto mo sa buhay.

Ang pag-alam sa mga nais mo sa malapit o malayong hinaharap ay magiging batayan ng iyong pagkilos ngayon. Isang bagay na natutuhan ko noon sa elementarya ay ang pagsusulat ng mga kahilingan ko.

Malinaw na sa ating pagtanda, nagbabago ang mga listahan natin: Kung noon ay puro personal lang ang gusto ko, halimbawa, ngayon ay may kaugnayan nang pulitikal ang marami.

Walang mababaw o malalim sa mga kahilingan, dahil kinabukasan mo naman ang pinag-uusapan. Siguro’y gusto mo ring magkaroon ng sariling listahan. Madali lang naman gawin ito, pero kung naiintriga ka sa mga personal at pulitikal na kahilingan ko, basahin mo ang labinlimang bagay na ito:

  1. Magkaroon kami ni Joy ng kahit isang anak;
  2. Magtagal ang aming pagsasama ni Joy bilang mag-asawa;
  3. Matutong magluto ng mga paboritong ulam ni Joy para hindi lang kanin ang parati kong sinasaing;
  4. Isiping “baboy at manok” (mga paborito ko!) ang kinakain ko tuwing hinahainan ng isda;
  5. Mabago ang hindi-magandang panlasa sa mga prutas at gulay (lalo na ang ampalaya!);
  6. Mabawasan (kung hindi man tuluyang mawala) ang pagkahumaling sa pizza at hamburger, bukod pa sa iba’t ibang putaheng may baboy at manok;
  7. Makapagtapos ng doktorado sa peryodismo o komunikasyon, kung hindi sa Pilipinas ay sa ibang bansa (wala kasing doktorado sa peryodismo rito);
  8. Maging epektibong guro ng peryodismo at komunikasyon;
  9. Makapaglaan ng sapat na panahon para sa press work sa Bulatlat.com;
  10. Paramihin pa ang mga sinusulat na artikulo sa wikang Filipino;
  11. Matapos sa takdang panahon ang mga ginagawang pananaliksik sa midya at lipunan;
  12. Magkaroon ng sapat na pondo sa mga susunod na taon para regular na bilhin ang mahahalagang sanggunian sa larangan ng midya, pulitika at ekonomiks;
  13. Panatilihin ang progresibong pananaw sa pagsusuri sa mga nangyayari sa ating lipunan;
  14. Makapagbahagi ng nalalaman sa mas marami pang tao sa pamamagitan ng mga artikulong sinusulat at mga pagsasanay na isinasagawa;
  15. Makapagretiro nang may masaganang buhay sa probinsiya, kasama siyempre ang asawa at iba pang mahal sa buhay;

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Personal kong listahan ng kahilingan”

  1. bago po ang lahat… pwede ko po bang malaman ang kahulugan ng salitang “kagitna”?

    Tingin ko po, kahit anong sama ng sitwasyon sa ating buhay o sa lipunan marapat lamang na huwag isantabi ang ating mga pangarap. Ito ay isang bagay na nagbibigay sa atin ng inspirasyon para umalis sa ating kinasasadlakan at pag-asa na rin para tayo ay mabuhay ng masaya.

    mabuhay po!

    Ang ibig sabihin ng “kagitna” ay “1: kalahati 2: pantakal na kalahating litro o kalahating salop” (UP Diksiyonaryong Filipino, p. 400). Kapag naghahanap ang isang tao ng kagitna, ito ay nangangahulugan ng kanyang pagiging sobrang ambisyoso. Maraming salamat sa komento mo. Talagang hindi natin dapat bitawan ang ating mga pangarap, lalo na sa klase ng lipunang mayroon tayo. Mabuhay ka!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.