Komplikasyon sa simpleng blotter

N.B. – This was published in the November 7-13, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/11/komplikasyon-sa-simpleng-blotter. Incidentally, my views on this column article’s topic were published in the Philippine Daily Inquirer’s news story (7 November 2008, pp. 1, A10) titled “Police blotter now off limits to media.”

Narinig ko sa radyo kahapon (Nobyembre 6) ang balitang hindi na maaaring basahin ng midya’t publiko ang blotter sa anumang istasyon ng pulis kung walang pahintulot ng station commander o kautusan mula sa korte.

Ayon sa memorandum noong Oktubre 20 ni Philippine National Police (PNP) Director-General Jesus Versoza na may titulong “Decentralization of the Functions of the Public Information Office (PIO),” ang impormasyon hinggil sa isang kaso ay eksklusibong makukuha na lamang sa PIO o tagapagsalita ng isang istasyon. (Pero posible pa ring ang mismong hepe ng istasyon o ang kanyang kinatawan ang gagawa ng pagsasapubliko ng impormasyon.)

Sinabi ni PNP Spokesperson Nicanor Bartolome na kailangang gawin ng PNP ang pagbabawal sa pagbabasa ng blotter dahil gusto ng ilang biktima na huwag isapubliko ang kanilang mga reklamo. Layunin ding protektahan ang mga babae’t batang suspek sa isang kaso.

Sa unang tingin, walang masama sa alituntuning ito. Bukod sa pagbibigay ng karampatang proteksiyon sa mga sangkot sa isang kaso, madali naming maintindihan ang pangangailangang magkaroon ng organisadong paraan ng pagbibigay ng impormasyon. Kung may PIO o tagapagsalita sa isang istasyon, mas madali para sa midya’t publiko na kumuha ng kinakailangan nilang impormasyon.

Pero tila nakalimutan na ng pulisya ang dahilan ng pagkakaroon ng blotter sa isang istasyon: Ito ay para magkaroon ng rekord ng mga dumudulog sa istasyon at ang mahahalagang detalye hinggil sa reklamo nila. Kung masinop ang pagsusulat ng isang pulis dito, makikita sa blotter ang petsa’t oras ng pagdulog ng isang tao at kung ano ang ginawa ng pulis hinggil sa sumbong niya.

Kahit sino’y maaaring makabasa nito para malaman hindi lang ang mga reklamo kundi ang aksiyong ginawa ng mga pulis hinggil sa mga ito. Para sa mga peryodista, mahalaga ang blotter bilang pagkukunan ng ideya ng mga balitang ilalabas.

Maging malinaw po sana tayo sa terminong ginagamit. Ideya lamang po ang habol ng isang peryodista sa pagbabasa ng blotter, at hindi niya inaasahang lahat ng mga datos ay maaaring makuha mula rito.

Ang isang kaso ng pagnanakaw, halimbawa, ay maaari niyang mabasa roon, pero ang mga datos na malamang na makukuha lang niya ay ang petsa’t oras ng reklamo at ang pangalan at tirahan ng mga sangkot (i.e., mga nagreklamo at suspek).

Kung sa tingin niya’y kailangan niyang isulat ang balita, trabaho ng peryodistang kunin ang impormasyon hindi lang sa mga nag-iimbestiga ng kaso kundi sa lahat ng panig.

Bagama’t naiintindihan ang pahayag ng pulis na kailangang protektahan ang mga biktima sa mga sensitibong kaso ng panggagahasa, halimbawa, dapat ding maging malinaw na nasa etika sa pamamahayag ang tamang paraan ng pag-uulat sa mga kasong ito.

Kung sakaling may pang-aabuso sa bahagi ng midya sa pag-uulat, ang pulis o kahit na sino’y maaaring magreklamo sa mismong organisasyong pang-midya o anumang grupong kinabibilangan nito tulad ng Philippine Press Institute (PPI) at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP). Ang anumang kamalian o pagkukulang ng ilang peryodista ay hindi nasosolusyunan ng pagkakait ng impormasyon sa lahat.

Nakakalungkot na sa bahagi ni Versoza, hindi niya lubusang naiintindihan ang kalakaran sa midya at ang pangangailangang maging bukas sa pagbibigay ng impormasyon. Hindi rin malinaw para sa kanya ang pagiging bukas sa publiko hinggil sa ginagawa ng mga pulis sa isang istasyon.

Ayaw kong isiping may gusto silang pagtakpan dahil sa sunud-sunod na balita hinggil sa pagnanakaw sa iba’t ibang establisimyento, gayundin ang kontrobersiyang kinakaharap ng ilang opisyal ng PNP dahil sa hindi maipaliwanag na milyun-milyong pisong dala nila sa isang komperensiya sa Rusya.

Pero isipin mong mabuti: Kung hindi nga naman mababasa ng mga peryodista ang blotter, baka maging mas kaunti na lang ang mga balita hinggil sa krimen at iba pang kaso dahil may mahahalagang pangyayaring hindi maiuulat. Sino ang makikinabang sa sitwasyong ang publiko ay hindi na makakabasa, makakapakinig o makakapanood ng mahahalagang kontrobersiya, lalo na’t sangkot ang mga nasa kapangyarihan?

Totoong simpleng blotter lang ang pinag-aawayan ngayon, pero may malaking implikasyon ito sa pagbabalita sa kalagayan ng kapayapaan sa ating lipunan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

2 thoughts on “Komplikasyon sa simpleng blotter”

  1. Pingback: tonyocruz.com
  2. eh parang ‘simpleng’ martial law na ito. dito nga sa australia may access ang media sa halos lahat ng ginagawa ng politiko… well, kung mapagbawalan nila then tagumpay na sila sa kampanya laban sa krimen (wala na kasi magbabalita nito, maliban sa mga prominenteng kaso)

    Sagot: Salamat sa makabuluhang komento. Matagal na akong hindi nakapunta sa Australia pero napansin kong napakaluwag talaga ng seguridad sa Adelaide at Melbourne. Kakaunti lang, halimbawa, ang mga armadong guwardiya sa mga bangko’t establisimyento, kung mayroon man. Hindi ko alam na kahit pala sa usapin ng impormasyon ay ganoon din ang kaso. Sang-ayon ako sa opinyon mong isang nakatagong adyenda ang pagbabawas ng mga balita tungkol sa krimen. Sa karanasan ko, mahirap talagang makakuha ng impormasyon sa mga pulis, kahit sa mga tinaguriang tagapagsalita ng isang yunit. Kaya magiging malaking problema kung kahit ang “simpleng” blotter lang ay ipagkakait pa nila sa midya’t mamamayan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.