Isang hamon sa Buwan ng Wika

N.B. – This was published in the July 31-August 6, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/isang-hamon-sa-buwan-ng-wika/.

Mahal ko ang wikang Filipino kaya ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay wala sa aking plano.

Malaking palaisipan kung bakit patuloy na ipinagdiriwang ng gobyerno ang wikang Filipino samantalang hindi naman prayoridad ang pagpapaunlad nito. Sa halip ngang gamitin ito bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan, mas pinagtutuunan ng pansin ang pagpapayaman sa wikang Ingles. Para sa mga opisina ng pamahalaan, mas ginagamit ang wikang Ingles sa opisyal na komunikasyon.

Ano ang silbi ng isang buwang pag-alala sa ating wika kung hindi naman natin ginagamit ito sa ating pag-aaral at pagtatrabaho? Makakapagpamulat ba sa mga tao, lalo na sa mga estudyante, ang sitwasyong ginagamit lang ang wikang Filipino dahil Agosto ang nakatakdang buwan para dito?

Totoo namang ginagamit pa rin natin ang wikang Filipino sa araw-araw na pakikipag-usap sa mga kamag-anak, kaibigan at iba pang kakilala. Sa ating pakikinig sa mga paboritong lokal na programa sa radyo’t telebisyon, pangunahing wika pa rin ang Filipino, at ang ilang istasyong FM sa radyo ay gumagamit na rin ng sariling wika. Kahit na karamihan sa mga istasyong FM ay may mga disc jockey (DJ) na mapagkakamalang Amerikano dahil sa paraan ng kanilang pananalita, kapansin-pansin ang pagsusugal ng ilang istasyon para gamitin ang sariling wika.

Ang tanong sa puntong ito: Napapayaman kaya ng mga organisasyong pang-midya ang wikang Filipino sa kanilang paggamit nito? Sa kaso ng ilang istasyong FM, ang kanilang paggamit ng wikang Filipino ay sa konteksto ng pagkuha ng kiliti ng nakararaming masa. At para magkaroon ng maraming tagapakinig, ang mga tinaguriang “baduy” o “jologs” na musika ay hinahaluan ng mga komentaryong madalas na may halong kabastusan.

Kung bastos ang dating ng ilang istasyong FM na gumagamit ng wikang Filipino, ano naman ang angkop na termino para sa mga tabloid na ibinebenta sa mga kalye? Bukod sa kalaswaan, kapansin-pansin ang sensasyonalismong hatid ng pagbibigay-diin sa mga krimen. Mas malaking iskandalo, mas mabenta para sa mga publikasyong ito. Hindi tuloy masisisi ang maraming tao kung ang tingin nila sa peryodismo sa Filipino ay pang-tabloid lang.

Ang mga istasyon sa telebisyong gumagamit ng wikang Filipino ay may ilang kahinaan din sa pagpapayaman ng wika. Unang-una, hinahalo ng mga balita sa telebisyon ang mga seryosong usapin sa mga iskandalo’t tsismis at madalas na mas nabibigyang-pansin pa ang huling dalawa. Sa larangan naman ng pagbibigay-aliw (entertainment), ang wikang Filipino ay ginagamit para sa mga palabas na gasgas ang mga istorya’t kakikitaan ng mga pamilyar na eksena ng sigawan, iyakan at sampalan, na kung saan ang komedya naman ay kadalasang slapstick ang katangian. Pinapanood ang mga ito hindi dahil sa istorya kundi dahil sa mga artista. Kung gagamitin ang wikang Filipino sa ganitong klase ng mga programa, iisipin talaga ng mga ordinaryong mamamayan na hanggang doon lang ang potensiyal ng sariling wika.

Pero kapuri-puri ang hakbang ng ilang programa sa telebisyong magtalakay ng mahahalagang isyung gamit ang sariling wika. Sa pamamagitan ng mga ito, nakikita ang potensiyal ng wikang Filipino sa seryosong diskurso. Nakalulungkot lang na ang mga programang ito ay pinapalabas sa panahong ang karamihan sa mga tao, lalo na ang mga estudyanteng may pasok kinabukasan, ay tulog na.

Paano mapapaunlad ang wikang Filipino sa sitwasyong pinagpipilitan ng pamahalaang gamitin ang wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa paaralan, at pangunahing ginagamit ng midya ang wikang Filipino para sa iskandalo, tsismis at iba pang kababawan (pati na kalaswaan)?

Kahit na wala akong intensiyong makiisa sa pagdiriwang ng pamahalaan sa Buwan ng Wika, mainam pa ring gamitin ang pagkakataong ito para ipaalala sa lahat na ang pagpapaunlad ng sariling wika ay bahagi ng malawakang pakikibaka para sa makabuluhang pagbabago. Kung hindi maunlad ang sariling wika, imposible ang mahigpit na pagkakaisa ng nakararaming mamamayan.

Ang pagpapaunlad ng wikang Filipino ay hindi lang simpleng pag-alam sa balarila’t ortorgrapiya, kundi paggamit nito sa seryosong diskurso. Kailangang mawala ang maling pananaw na ang intelihenteng talakayan ay mangyayari lang kung gagamit ng wikang Ingles. Ano ba ang pinagkaiba nito sa wikang Filipino? Kahit na sabihing ang wikang Ingles ay kasalukuyang wika ng globalisasyon, hindi naman nangangahulugang ito ang magiging daan para magkaintindihan ang mga mamamayan.

Ang isang lingua franca ay kinakailangang nagbibigay ng kaukulang identidad sa mga mamamayang gumagamit nito. At malinaw na ang pambansang identidad ay mas nakikita sa wikang Filipino kaysa wikang Ingles.

Oo, Agosto na naman. Para sa mga paaralan, ito ang pagkakataon para ilabas muli ang inaalikabok nang streamer na malamang na nakalagay ang panawagang ”Paunlarin ang Wikang Filipino.” Tulad ng agiw at iba pang duming dapat tanggalin, kailangan nating linawin ang mga hindi angkop na paggamit ng wikang Filipino na siyang nagdudulot ng maling pagtinging ito ay para lang sa kababawan (at sadlak sa kabaduyan).

Oo, Agosto na naman. Panahon na para sa diumanong selebrasyon ng Buwan ng Wika. Mayroon ba talagang dapat ipagdiwang? Kung hindi tayo kikilos, sa tingin ko’y may dapat na tayong paglamayan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

22 thoughts on “Isang hamon sa Buwan ng Wika”

  1. Naisip ko bigla na sa ganitong sitwasyon, baka biglang bumangon mula sa kanyang libingan si dating pangulong Manuel Luis Quezon na batid nating siyang Ama ng Wikang Pambansa.

    Nakalulungkot isipin na kasabay ng panawagan para sa globalisasyon, at sa pagyakap sa wikang Ingles bilang tulay sa pakikipagtalastasan at pakikipagkalakalan sa ibang lahi sa daigdig, kasabay nang nababaon sa pagkalimot ang wikang Filipino na dapat sana’y maging isa sa mga pangunahing batayan ng ating identidad bilang isang nasyon. Sang-ayon ako sa sinabi ni Prop. Arao na napakalaki ng papel ng Midya sa unti-unting paglubog ng ating Pambansang Wika at sa nakapanghihinang katotohanan tungkol sa pagbaba ng tingin dito ng karamihan sa ating mga kababayan.

    Datapwa’t isa akong medyor sa Ingles, aaminin kong mas palagay pa rin ako sa pagsasalita at pagsusulat sa wikang Filipino. Sinanay man ako sa lahat ng kasanayang pang-lenggwahe sa Ingles, hindi ko kailanman kinalimutang pahalagahan ang sarili nating wika. Sana’y ganito rin ang karamihan sa atin. At sana, maging kaisa sa hangaring ito ang tinaguriang “Fourth Estate” ng lipunan: ang Midya.

    Bilang pagtatapos, isang sipi mula sa artikulo ni Prop. Arao:

    “Oo, Agosto na naman. Panahon na para sa diumanong selebrasyon ng Buwan ng Wika. Mayroon ba talagang dapat ipagdiwang? Kung hindi tayo kikilos, sa tingin ko’y may dapat na tayong paglamayan.”

    Kung isasaalang-alang ang lantay na katotohanan, marami-rami ang tiyak na magsisiksikan sa iisang libingan.

    Sagot: Maraming salamat sa makabuluhang komento. Wala nang kailangan pang idagdag kundi ang pangangailangan ng pagkilos ng lahat ng sektor, kasama na ang midya, para paunlarin ang sariling wika sa pamamagitan ng intelihenteng paggamit nito.

  2. oo nga… sang-ayon po ako…

    useless lang po magdiwang ng Buwan ng Wika….

    Sagot: Salamat sa maikli pero makabuluhang komento.

  3. useless po kung magdiriwang lang tayo!!!

    Sagot: Salamat sa komento. Kailangan talagang ipaglaban ang pagpapaunlad ng wikang Filipino, lalo na sa mga paaralan at organisasyong pang-midya. Mabuhay ka!

  4. Nakakalungkot po, ngunit totoong naghihingalo na nga ang wikang Filipino. Malapit-lapit na nga nating paglamayan ito.
    Kung bakit ba naman mas mataas pa ang pagtingin ng iba sa wikang banyaga. Marami na ngang pamilya ang bagamat nandito sa Pilipinas ay Ingles pa rin ang wikang ginagamit sa bahay. Kung magpapatuloy at dadami pa ang ganito, alam na nga natin ang kahahantungan ng ating sariling wika.
    Pagmamahal lamang sa sariling bayan ang makapagsasauli ng buhay sa wikang Filipino.

    Sagot: Tama ka. Sadyang nakakalungkot ang nangyayari ngayon. Wala mang masama sa pag-aaral ng iba pang wika tulad ng Ingles, hindi natin dapat pabayaan ang sariling atin at dapat pa ngang paunlarin ang huli.

  5. Alam mo may punto ka pero maski papano ang pagdiriwang ng buwan ng wika ay maalala man lang ng lahat lalong lalo na ang mga kabataan ang kahalagahan nito. Dahil kung hindi magdiriwang tuluyan ng mabaon sa limot.

    Sagot: Salamat sa makabuluhang komento. Tama ka: Ang pagdiriwang ay isang paraan para ipaalala sa lahat ang isang tao, bagay o pangyayari sa ating kasaysayan. Pero sa kaso ng wika, nakapagtataka lang na kailangan pang ipaalala sa pamamagitan ng isang buwang selebrasyon ang isang bahagi ng ating kulturang araw-araw nating ginagamit pero hindi pinapahalagahan ng pamahalaan, bukod pa sa maling paggamit nito sa paaralan at midya. Sa aking opinyon, ang pagdiriwang ay balewala sa sitwasyong hindi prayoridad ng pamahalaan ang pagpapaunlad nito at hindi nababago ang pagtingin sa wikang Filipino bilang wika lang ng nakabababa. Sa isang banda, ang mga intelihenteng komentong tulad ng sa iyo ay indikasyong marami sa atin ang nababahala sa estado ng wikang Filipino, kaya ang ating kinabukasan ay may pag-asa pa. Mabuhay ka!

  6. kung ikaw ay sasali sa isang debate, at napunta sa iyo ang panig ng mga sumasang-ayon sa Filipino: bilang wikang pambansa,(kasama na dito ang pagpapabago ng mga tradisyunal na diyalekto tulad ng cebuano, ilokano, bikolano at iba pa sa wikang filipino lamang)..sa iyong paningin, mapangangatawanan mo ba ito?

    Sagot: Unang una, hindi angkop ang salitang dialect para sa Cebuano, Ilokano, Bikol at iba pa dahil ang mga ito ay mga wika rin tulad ng Tagalog. Sa kaso ng wikang Filipino, ito ay ang lingua franca at masasabing kombinasyon ng iba’t ibang wikang mayroon tayo. Nasa proseso pa tayo ng pagpapaunlad ng wikang Filipino at nakikita na natin ang pagkakaroon ng lingua franca dahil may antas ng pagkakaintindihan, halimbawa, ang mga gumagamit ng Tagalog sa mga gumagamit ng iba pang wika tulad ng Bikol. Mayroon tayong wikang pambansa, at ito ay Filipino. Ang problema lang sa pamahalaan, ayaw nitong paunlarin ang Filipino kahit na patuloy ang pagkukunwari nito sa pamamagitan ng mga aktibidad tulad ng Buwan ng Wika.

  7. ang ganda ng talumpati at dapat itong gamitin sa selebrasyon ng buwan ng wika!

    Sagot: Maraming salamat. Puwede mo namang gamiting talumpati ang sanaysay na ito, basta’t bigyan lang ng kaukulang atribusyon. Mabuhay ka!

  8. Hamon talaga para sa lahat. Nasa dila ba talaga ang pagka-Pilipino o sa diwa nito? Maaari namang magsalita ng ibang wika depende sa lugar at pagkakataon, pero mababakas pa rin ang pagka-Pilipino. Ang wika ay mahalaga at nakakapagpatibok ng puso ng taong nagmamahal dito. Ganito natin dapat kamahal ang ating wika at hindi kung Agosto lamang. Daan ang wika sa wastong pag-unlad. Kung ginagamit ito ng tama at may paggalang may pag-unlad ang tao at ang bayan.

    Sagot: Maraming salamat sa makabuluhang komento. Sadyang may pag-asa ang pag-unlad ng wikang Filipino hangga’t may mga taong katulad mo. Mabuhay ka!

  9. isa rin ako sa tagapagtangkilik ng wikang filipino. dangan nga lamang ay nakakalungkot isipin na baka tuluyan na ngang malimot ng sambayanang pilipino ang ating pambansang wika. harinawang bago pa mangyari ito ay makagawa tayo ng kahit kaunting kontribusyon mula sa sarili natin sa pamamagitan ng paggamit nito sa pang-araw araw na buhay. huwag na tayong dumagdag pa sa nagsasalita ng wikang banyaga. dapat nating ipagmalaki ang kinagisnang wika.

    nitong agosto ay maipakikita natin ang pagmamahal at pagrespeto sa wikang filipino kaya sa pagdiriwang na ito ay ibigay ng todo ang suporta. kahit man lang sa selebrasyon ito ay makita ang kahalagahan ng wikang pambansa. maraming salamat!

    Sagot: Salamat sa komento mo. Magiging makahulugan talaga ang selebrasyon ng wikang Filipino kung mangangako ang lahat na palalakasin ito’t patatalsikin ang sinumang namumunong nais na patayin ito.

  10. Tama ho kayo, sa aming eskwelahan ipinagdiriwang ang buwan ng wika, kaya lang nagtataka ako kung bakit pa rin ipinaiiral ng aming eskwelahan ang ENGLISH SPEAKING POLICY, pero palagi nilang sinasabi na mahalaga ang buwan ng wika, para sa akin wala na itong halaga, kagaya po ng sabi ninyo na kahit saang lugar dito sa Pilipinas, sa trabaho o sa eskwelahan pinagpipilitan talaga ng mga namamahala ng eskwelahan ang paggamit sa wikang banyaga. Hay nakakatawa. Sana magising na sila sa katotohanan.

    Sagot: Maraming salamat sa makabuluhang komento. Sa palagay ko, hindi magigising sa katotohanan ang mga nasa kapangyarihan hangga’t iniisip nilang susi sa pag-unlad ng Pilipinas ang pagiging matatas sa wikang Ingles. Kailangang tandaang maraming bansang umunlad kahit na limitado ang kaalaman sa wikang Ingles dahil alam ng mga itong mahalaga ang makabuluhang komunikasyon sa mga mamamayang gamit ang sariling wika.

  11. Ano ang nangyayari ngayon kung tayo’y bihasang bihasa sa ating wika o bihasa sa wikang dayuhan? Wala . . ang mahalaga may kaunti tayong alam sa mga wikang ginagamit at ang dapat mangyari ay di tayo mangmang sa pagpapaunlad sa ating sarili in terms of economy. what is important is we live happilly and peacefully kahit di tayo rich in our speaking of the languages.

    Reply: Thank you for your comment. You’re right that the people’s basic understanding of the language is necessary for the country’s development. What the government should do is to strengthen our own language not only because we are familiar with it but also because it helps defines our national identity and culture. Here in Korea, many of its citizens want to learn English but they treat the latter as their second language. As a result of the Philippine government’s skewed policy towards making English the medium of instruction in schools, such is not the case in our country as the powers-that-be are bent on rendering irrelevant the Filipino language.

  12. sa sinabi nu po na iyan, anu po sa tingin niyo ang maaring maging sulusyon ukol dito? at anu ang magiging epekto nito sa ating bansa at mga mamamayang Pilipino?

    Sagot: Kailangan nating pagyamanin ang wikang Filipino sa pamamagitan ng patuloy na paggamit nito sa kabila ng polisiya ng gobyernong mas nagbibigay-diin sa wikang Ingles. Hikayatin natin ang midya na gamitin ang sariling wika sa paraang ito ang magiging tulay ng intelihenteng diskurso.

  13. Nang mabasa ko po ang inyong sinulat,napag-isip po akong bigla.sumasang-ayon po ako sa inyong mga inilahad, marahil batay na rin sa naging obserbasyon ninyo.Gayunpaman,nakikita ko po na mahalaga pa rin na ipagdiwang ang buwan ng wika,katulad nga po ng ilang komento ito ay nagsisilbing paalala sa bawat Pilipino na tayo ay may responsibilidad na payabungin at linangin ang ating wikang pambansa sa pamamagitan ng patuloy na paggamit bito sa iba’t ibang larangan.Kaya marahil,nakasalalay sa ating mga tagapagtaguyod ng wikang pambansa na patuloy natin buhayin at wag hayaang mamatay ang wikang ating kinagisnan.Mabuhay po tayong lahat at ang WIKANG PAMBANSA.

  14. .. pano po ba umunlad ang wika sa panahon ni Manuel L. Quezon ..

    Sagot: Tinawag siyang ama ng wika dahil tumulong siya sa pagtataguyod at pagpapalaganap ng wikang Filipino.

  15. MarahiL ib na ang panahon ngau icompare dati.. at mahirap ng ibaLik kung anu ang meron tau ngaun na wLa noon..

  16. Tama nga naman, may mga tao kasing gumagamit lang ng Ingles para maging sosyal. Ang tanong ko lang: Isa ba itong maling pagtingin sa ating wika?

    At dapat natin pagyamanin ang ating wika. Papayag ba tayong sakupin tayo ng ibang kultura?

    Ipaglaban natin ang ating karapatan.

  17. isa na po ako sa lumalaban para mabigyan ng kahalagahan ang wikang filipino. isa po akong filipino teacher. mahal ko ang aking wika.

    Sagot: Maraming salamat sa komento. Mabuhay ka!

Leave a Reply