Batas militar sa Maguindanao

N.B. – This was published in the December 4-10, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2009/12/batas-militar-sa-maguindanao/.

Baka naman ang kolektibong ahitasyon ay dahil lang sa mapaglarong imahinasyon. Baka naman kailangan talagang magdeklara ng martial law (batas militar) sa Maguindanao dahil sa kaguluhang nangyayari doon.

Mainam na basahin ang buong teksto ng Proklamasyon Blg. 1959 na pinirmahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Disyembre 4 na siyang batayan ng deklarasyon ng batas militar sa Maguindanao (maliban sa mga natukoy na lugar ng Moro Islamic Liberation Front ayon sa GRP-MILF Agreement on the General Cessation of Hostilities).

Ayon sa proklamasyon, may dalawang dahilan kung bakit hindi na sapat ang deklarasyon ng state of emergency sa Maguindanao na ginawa noong Nobyembre 24 sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 1946 na kung saan saklaw din ang Sultan Kudarat at Cotabato City.

Una, kailangan ang batas militar dahil sa argumentong “heavily armed groups in the province of Maguindanao have established positions to resist government troops thereby depriving the Executive of its powers and prerogatives to enforce the laws of the land to maintain public order and safety.” Ikalawa, matindi na raw ang kaguluhan sa Maguindanao: “(T) he condition of peace and order in the province of Maguindanao has deteriorated to the extent that local judicial system and other government mechanisms in the province are not functioning; thus, endangering public safety.”

Dahil sariwa sa alaala ng maraming tao ang panahon ng kadilimang dulot ng imposisyon ng batas militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos mula 1972 hanggang 1986, maraming nag-aalala sa posibleng pag-abuso ng kapangyarihan ng kasalukuyang administrasyon, lalo na’t may mangyayaring eleksiyon sa Mayo 2010.

Kahit ang isang lokal na lider sa Mindanao ay nagsabing hindi kinakailangan ang batas militar. Kung ang layunin nga naman ay arestuhin lang ang iba pang miyembro ng pamilyang Ampatuan na hinihinalang nasa likod ng masaker ng 57 katao, kasama na ang 30 peryodista’t manggagawa sa midya, bakit hindi ito epektibong magampanan ng pulisya sa tulong ng militar?

Malinaw sa mga balita ng mga nagdaang araw na nakumpiska na ang mga armas ng mga Ampatuan at ng kanilang mga taga-suporta. Hindi nga ba’t patuloy daw na nakikipag-ugnayan ang mga Ampatuan sa mga awtoridad hinggil sa imbestigasyon ng masaker?

Ito ang dahilan kung kapansin-pansin ang kontradiksiyon sa argumento ni Acting Justice Secretary Agnes Devanadera na may rebelyong nangyayari sa Maguindanao kaya kailangan ang batas militar. Kung totoo man ang sinabi ni Armed Forces Deputy Chief of Staff Brig. Gen. Gaudencio Pangilinan na nagsikalat na sa buong probinsiya ng Maguindanao ang mga armadong taga-suporta ng pamilyang Ampatuan, ano ang magiging epekto ng suspensyon ng writ of habeas corpus sa pagsugpo ng anumang rebelyon? Hindi ito malinaw na naipaliwanag ng mga opisyal ng pamahalaan.

Mula sa legal na pananaw, may mahalagang punto si Marvic Leonon, dekano ng University of the Philippines College of Law: “Martial law cannot be declared because the state has failed to prevent massive human rights violations by leaders that the national government itself has nurtured. Martial law cannot be proclaimed to cover up the lack of professional competence in the gathering, preservation, evaluation of evidence and in the arrest and detention of the perpetrators. Martial law is also not the proper legal response to the issuance of a writ of amparo in favor of the Ampatuan family.

Sa kabila ng dalawang opisyal na dahilan sa deklarasyon ng batas militar sa Maguindanao, patuloy pa ring nagsusulputan ang mga tanong: Bakit hindi makaya ng pulis at militar na gampanan ang trabaho nilang mapanatili ang kapayapaan sa Maguindanao? Kung totoong marami nang armas na nakumpiska sa mga Ampatuan, hindi ba’t lohikal na isiping ang anumang natitirang mayroon ang mga Ampatuan ay hindi kayang tapatan ang armas ng pulis at militar, gayundin ang bilang ng huli?

Tulad ng argumento ni Macapagal-Arroyo na tumakbo siya bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga para makapaglingkod sa kanyang mga kababayan, ang mga argumentong binitiwan hinggil sa deklarasyon ng batas militar ay nararapat lang na pagdudahan.

Ang “maliliit na bagay” tulad ng hindi paglalagay ng posas kay Andal Ampatuan, Jr. nang inaresto siya ay nagsisilbing repleksiyon ng paborableng pagtrato sa importanteng kaalyado ng administrasyong Macapagal-Arroyo. At dahil napabalitang hindi rin pinosasan ang apat pang miyembro ng mga Ampatuan na inaresto kamakailan, masisisi pa kaya ang maraming mamamayan kung bakit mas nangingibabaw ang pagkadismaya kaysa pagsuporta sa administrasyon?

May empirikal na batayan ang kolektibong kawalan ng tiwala kay Macapagal-Arroyo. Kung susuriin ang Oktubre 2009 survey ng Pulse Asia, lumalabas na 79 porsiyento ay nagsabing siguradong hindi nila iboboto (43 porsiyento) at malamang na hindi nila iboboto (36 porsiyento) ang sinumang kandidatong inindorso ni Macapagal-Arroyo. Sa ginawa namang survey ng Social Weather Stations noong Setyembre 2009, apat na porsiyento lang ang nagsabing si Gilbert Teodoro (kandidato ng administrasyon) ang pinakamagaling na lider na dapat pumalit kay Macapagal-Arroyo bilang Pangulo. Pawang mga kandidatong mula sa oposisyon ang nakakuha ng pinakamataas na rating: Benigno Aquino III (60 porsiyento), Manuel Villar (37 porsiyento) at Joseph Estrada (18 porsiyento).

Para sa isang Pangulong desperado sa kapangyarihan (at nagpakababa pa nga para tumakbo bilang kinatawan), maraming posibleng mangyari sa mga susunod na araw, linggo at buwan. Ang pagsusuri ng maaaring mangyayari ay hindi simpleng spekulasyon kung malinaw ang batayan ng mga argumento at may malinaw na konteksto.

Hindi dapat makalimutan ang mga pagtatangkang ginawa noon ng mga nasa kapangyarihan para baguhin ang Saligang Batas para mapanatili sila sa puwesto, pati na rin ang mga insidente ng pagtatakip sa mga katiwalian. At lalong hindi dapat makalimutan ang libo-libong mamamayang biktima ng karahasan mula pa noong 2001, lalo na ang mga pinatay at dinukot.

Hindi produkto ng mapaglarong imahinasyon ang mag-alala sa maaaring mangyari, lalo na ang pag-iisip ng mga pinakamasama’t pinakamalalang maaaring gawin ng mga walang pakundangan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Batas militar sa Maguindanao”

  1. nApaKagAndanG eSsay o JournAl o ArticLe po mAn itO…
    dAhil dito…naIntindiHan kO nA pO aNg IbiG sAbiHin nG pRocLamAtion nG MaRtIal Law sA mAguiNdanAo…
    nApAhAnga Mo Ko kUya..sobraNg gandA nG eSsay o JournAl o ArticLe niTo..
    .
    .
    .
    .
    .
    .
    .
    thAnks a loT po…
    (^_^)

    Sagot: Walang anuman. Salamat sa komento.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.