Eleksiyon, telebisyon at pakiusap sa mga nangungunang istasyon

N.B. – This was published in the February 5-11, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/02/eleksiyon-telebisyon-at-pakiusap-sa-nangungunang-mga-istasyon/.

Sipag at tiyaga, galing at talino, diyos at bayan – para sa kalikasan, kontra sa kahirapan, tungo sa kaunlaran.

Sa Pebrero 9 pa ang simula ng kampanya ng mga tumatakbo para Presidente, Bise Presidente at Senador. Pero mula pa noong nakaraang taon, may ideya na tayo sa mga nagnanais na kumandidato. May mga umamin, may mga nagpahaging, may mga nagpakipot. Matipid man ang sagot sa kanilang pinaplano noon, kitang-kita naman ang kanilang pagnanasang tumakbo.

Salamat sa telebisyon (at sa kaakibat na teknolohiyang nagbigay ng kulay sa ating natutunghayan), halatang-halata natin ngayon kung sino ang berde, dilaw at kahel. Sadyang makulay ang pulitika sa ating bayan at ang iba’t ibang matitingkad na kulay ay unti-unti nang naiuugnay sa pangalang isusulat sa balota kung sakali.

Tulad ng bahaghari, iba’t ibang kulay ang nakikita at napakaraming mapanlikhang paraan para magbigay ng iisang patagong mensahe: ”Ako ang inyong iboto! Ako ang karapat-dapat kumpara sa iba!”

Iisang hangarin, iba’t ibang pangako. Dahil sa biswal na katangian ng telebisyon, mas binibigyang-diin ng mga kandidato ang porma kaysa nilalaman ng mensahe. May isang kandidatong sinindak ang bayan sa dami ng artistang sumusuporta sa kanya; may isa pang ipinakita ang kanyang pagiging mahirap noon para mapalapit sa masa; at may isang nahuhuli sa mga survey na nagpakita ng isang kakayahang hindi kaya ng iba pa niyang katunggali, ang magpalipad ng eroplano!

Sa pamamagitan ng iba’t ibang debate at porum, pinipilit na tugunan ang kakulangan ng mga pulitikal na patalastas (political ads) para makuha ang paninindigan ng mga kandidato sa mga isyung kinakaharap ng lipunan. Makakaapekto kaya ang pinagsasabi ng mga kandidato sa mga nasabing pagtitipon sa kanilang katayuan sa mata ng publiko? Kung tatanungin ang mga nasa likod ng kampanya ng mga pulitiko, tila mas mahalaga ang patalastas kaysa debate.

Para sa kampo ni Noynoy Aquino, halimbawa, mahalagang magkaroon ng political ads na katulad ng mga inilalabas ni Manny Villar. “Why is Senator Villar going up and Senator Aquino going down? We can say it’s the frequency of Senator Villar’s ads. That’s one. Secondly, it’s time to also reassess the messaging of Senator Noy. Maybe it’s not resonating. We have to look also if there is a need to adjust our campaign strategy,” sabi ni Quezon Rep. Lorenzo Tañada III, tagapagsalita ng Liberal Party (LP), ang partido ni Aquino.

Dito natin makikita ang kapangyarihan ng telebisyon, lalo na ng political ads. Kahit noong 2004, lumalabas sa pag-aaral ng Pulse Asia na 67% ng populasyon ay nagsabing may kredibilidad ang kanilang napapanood sa telebisyon at ito ang kanilang pangunahing batayan ng pagboto.

Ito ang dahilan kung bakit si Villar ay gumastos diumano ng P543 milyon mula Oktubre hanggang Disyembre 2009 para sa mga patalastas. Sa pagsisimula ng kampanya sa Pebrero 9, makakaasa tayo ng mas madalas na pagpapakita ng political ads. Ayon kay Margot Torres, pangulo ng Philippine Association of National Advertisers (PANA), “[We will see] advertising spending increase this year because advertisers will continue to advertise and political candidates will as well.”

Saan naman kaya sila magbubuhos ng pera? Kung pagbabatayan ang datos ng pinaghalong komersiyal at pulitikal na patalastas mula Oktubre hanggang Disyembre 2009, ang kabuuang gastusin sa iba’t ibang porma ng midya ay P52.2 bilyon. Umabot sa P38.9 bilyon (o halos 75% ng kabuuan) ay napunta sa telebisyon, P10.1 bilyon (o 19%) sa radyo at P3.1 bilyon (o 6%) sa print.

Bagama’t malinaw na pinakamalakas ang impluwensiya ng telebisyon, kailangan pa ring isakonteksto ang kapangyarihang ito sa kompetisyong namamagitan sa iba’t ibang istasyon.

Sa datos ng AGB Nielsen Media Research noong 2006, malinaw na ang ABS-CBN at GMA ay may pinagsamang audience share na 84.8% tuwing noonprime (12:00 p.m. hanggang 1:59 p.m.) at 80.9% tuwing primetime (6:00 p.m. hanggang 7:59 p.m.). Patuloy ang kanilang dominasyon sa ratings mula 6:00 a.m. hanggang 11:59 p.m.

Sadyang napakalayo ng audience share ng TV5 (dating ABC), RPN, IBC at NBN, pati na rin ang iba pang UHF at cable channels. Kahit na sabihing ang RPN, IBC at NBN ay pinapatakbo mismo ng pamahalaan, limitado pa rin ang kanilang impluwensiya kumpara sa mga higanteng istasyon. Ito ang dahilan kung bakit kahit si Gilbert Teodoro, kandidato ng administrasyon, ay nag-eere din ng political ads sa ABS-CBN at GMA at hindi lang basta-basta umaasa sa anumang bentaheng makukuha niya mula sa mga istasyong pinapatakbo ng pamahalaan.

Kung may patuloy na nakikinabang sa pagtatanggal ng political ad ban mula noong eleksiyon ng 2001, ito ay walang iba kundi ang ABS-CBN at GMA. Anumang istasyon ang manguna’t pumangalawa, hindi maikakaila ang kanilang parehong pagtaas ng kita mula sa political ads ng mga kandidato.

Sa puntong ito’y mainam na pakiusapan ang mga istasyong ito na pataasin ang antas ng diskurso ngayong eleksiyon. Sa isang banda, malaking tulong ang pag-oorganisa ng mga debateng napapanood ng sambayanan, gayundin ang patuloy na pag-uulat sa mga nangyayari sa kampanya ng mga kandidato. Dapat lang na purihin ang ABS-CBN at GMA sa mga inisyatibang tulad nito, bukod pa sa pagiging bukas nito sa feedback na nagmumula sa mga tagasubaybay nila.

Pero kailangang idiing may malaking magagawa ang ABS-CBN at GMA sa klase ng political ads na ipapalabas sa kanilang mga programa. Nasa kapangyarihan nila ang hindi pag-eere ng political ads na sa tingin nila’y hindi makakatulong sa paghuhubog ng pampublikong opinyon. Kailangang busisiin hindi lang ang porma kundi ang aktuwal na nilalaman ng political ads.

Mainam na magkaroon ng sariling pagkukusa ang dalawang istasyon, pero may malaking magagawa rin ang mga tagasubaybay ng ABS-CBN at GMA para pakiusapan silang bigyan tayong lahat ng makabuluhang political ads na direktang naglalahad ng paninindigan ng mga kandidato sa mga importanteng isyu.

Simpleng pakiusap lang naman ito sa ABS-CBN at GMA, lalo na’t makakaasa tayo ng pagbaha ng mga walang-katuturang patalastas sa pagsisimula ng kampanya sa Pebrero 9.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply