Sityo San Roque at ang retorika ng protesta

N.B. – This was published in the September 24-30, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/09/sityo-san-roque-at-ang-retorika-ng-protesta/.

Madaling punahin ang retorika ng mga maralita. Ang kalakasan ng paglaban sa lansangan ay kahinaan ng pakikipagtalastasan.

Dahil hindi gaanong nakapag-aral at walang alam sa balarila’t ortograpiya, madalas na nagiging katawa-tawa ang kanilang paggamit ng wika, sa pagsusulat man o pagsasalita.

Para sa mga taga-Sityo San Roque na ipinaglalaban ang pananatili sa lupaing hindi kanila, isinulat nila sa isang streamer ang panawagang “kaunlaran – hinde kagutoman.” Nais daw nila ng “desinting” paninirahan na siyang nagpapaliwanag kung bakit tutol silang ma-relocate sa Montalban.

Alam kong marami ka pang masasabi tungkol sa maling pagbaybay ng mga salita ng mga nagpoprotesta, pati na ang minsang nabubulol nilang pagsasalita habang ipinaparating sa midya ang sanlaksang hinaing. Naging war zone hindi lang ang sityo kundi ang maliit na bahagi ng EDSA noong Setyembre 23. Naging matagumpay man ang mga residente sa pagpigil sa demolisyon, talo pa rin sila sa kakulangan ng malawakang simpatiya. Ano nga ba naman ang panlaban ng mga walang pinag-aralan?

Sadyang hindi madaling kampihan ang mga tinaguriang iskwater na katugma ng mga terminong snatcher at holdaper. Hindi ba’t sa kanilang lugar tumatakbo ang mga kriminal para pagtaguan ang mga pulis? At kung kasakay mo sa dyip o bus ang mga gusgusing ito, hindi ba’t lalo mong binabantayan ang mga gamit mo dahil baka bigla na lang agawin? At kung ikaw naman ay nakasakay sa isang taksi, ang mga lugar na pinamumugaran ng mga iskwater ay iniiwasan mong ruta. Ito ay hindi lang sa posibilidad na harangin ang iyong sinasakyan, kundi dahil sa bahong hindi kayang matanggap ng iyong sensitibong ilong at sikmura.

Kahit taliwas sa nakasulat sa diksiyonaryo, lahat ng masasamang salita ay iniuugnay sa mga maralita – magnanakaw, manggagahasa, manloloko, mamamatay-tao. Saang organisasyon kaya sila nabibilang? Sigue-sigue, Sputnik, Akyat-Bahay, Salisi, Dugo-dugo, Budol-budol? Kayo na ang humusga sa kanilang tribo!

Likas na masamang ugali’t walang modo: Kung saan-saan kasi sumisinga’t dumudura. Wala ba silang konsepto ng basurahan? Naturingang nakatira sa Maynila, pero walang urbanidad. Malakas ang loob na magkaanak, pero wala namang kayang ipakain. At kung babalikan ang isang popular na kanta, malakas sila sa inuman at istorbo sa daan. Oo, hindi naman sila jeproks dahil sila raw ay jologs. Ah, sadyang napakaraming negatibong pagtingin sa mga maralita!

Jologs na, jejemon pa. Napapangiti ang marami tuwing nababanggit ang mga terminong ito. Para sa nakagagaan sa buhay, ang mga maralita’y hindi nakakaawa kundi nakakairita’t nakakatawa!

Kailangan ba ng simpatiya’t pag-unawa ang mga taga-San Roque? Kung ang sagot mo’y oo, ibig sabihin lang nito’y kakaiba ang iyong pakahulugan sa mga maralita. Hindi sila ang mga walang-modong indibidwal na walang karapatang mabuhay. Hindi sila mga kriminal na dapat iwasan. Tulad ng iba pa, sila ay may batayang karapatang mabuhay nang disente at mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak.

May konteksto hindi lang sa kanilang maling balarila’t ortograpiya kundi sa tamang pagkilos para lumaban. Hindi nila piniling mapagkaitan ng magandang edukasyon. Lalong hindi nila ginustong maging iskwater. Sino ba naman ang may gustong mabuhay sa gitna ng kawalang pag-asa’t pag-aalangan?

Hindi maiuugat sa simpleng katamaran ang komplikadong kahirapan, at ang sinumang magsasabi nito’y walang sapat na kaalaman sa krisis na kinakaharap ng ating bayan. Oo, may mahihirap na piniling maging kriminal, tulad rin ng sitwasyong maraming mayayamang nagnanakaw, nanggagahasa’t pumapatay.

Oo, kailangan ng simpatiya’t pag-unawa sa panahong napipintong mapaalis ang tinatayang 6,000 pamilya sa 37 ektaryang tinitirhan nila. Pero higit pa sa pag-intindi ay ang pakikiisa sa kanilang adhikain. Sa panahong ito, kailangang buhayin ang kultura ng protesta. At sa larangan ng pakikipagtalastasan, kailangang baguhin ang nangingibabaw na retorika ng kahirapan at bigyan ng boses ang maralita.

Sa konteksto ng wika, kailangang basagin ang bokabularyo ng pang-aapi’t muling buhayin ang retorika ng protesta. Ang pagmumulat kasi ay nagsisimula sa malalimang pag-intindi sa mga salita – tulad ng maralita, pakikibaka, pagtutuos at pagkilos.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Sityo San Roque at ang retorika ng protesta”

Leave a Reply