Etika diumano ng pangongopya

N.B. – This was published in the October 22-28, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/10/etika-diumano-ng-pangongopya/.

Ano ba sa wikang Filipino ang plagiarism? Pangongopya? Panggagaya? Hindi po.

Kung titingnan ang ika-982 pahina ng UP Diksiyonaryong Filipino (Ikalawang Edisyon, 2010), mayroon palang salita sa wikang Filipino na “plahiyo” na hango sa Kastilang salitang plagio. Ayon pa rin sa ating mapagkakatiwalaang diksiyonaryo, ang sinumang “nangongopya ng akda o anumang isinulat ng iba at umaangkin dito” ay isang plahiyador (p. 982).

Ngayo’y alam mo na ang ibabansag kay Supreme Court Associate Justice Mariano del Castillo, kung mas pinapaniwalaan mo ang akusasyon ng mga propesor ng University of the Philippines College of Law kaysa desisyon ng Korte Suprema (A.M. No. 10-7-17-SC) na nag-absuwelto sa nasabing hukom.

Nag-ugat ang akusasyon ng plahiyo sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema na sinulat ni del Castillo (Isabelita C. Vinuya, et al. v. The Honorable Executive Secretary, et al., G.R. No. 1622309, Abril 28, 2010). Hiniling ni Vinuya at iba pang comfort women noong panahon ng Hapon sa Korte Suprema na obligahin ang Malakanyang na humingi sa bansang Hapon ng pormal na paumanhin at iba pang porma ng bayad-pinsala sa International Court of Justice at iba pang pandaigdigang tribunal. Matapos mabasa ang desisyon ng Korte Suprema at napansin ang ilang kahinaan sa pagsusulat nito, naghain ng petisyon noong Hulyo 2010 si Atty. Harry Roque, abogado para sa mga comfort women, sa Korte Suprema na kung saan idiniin niyang may plahiyong nangyari.

Naglabas din ng pahayag ang mga propesor ng UP College of Law noon ding Hulyo sa wikang Ingles na pinamagatang “Restoring Integrity: A Statement by the Faculty of the University of the Philippines College of Law on the Allegations of Plagiarism and Misrepresentation in the Supreme Court.” Sa pahayag na ito’y malinaw na idiniin ng mga propesor ang kaso ng plahiyo. Nanawagan din sila ng pagbibitiw ng ponente ng kasong Vinuya vs Executive Secretary.

Wala akong intensiyong ulitin ang mga argumento ng Korte Suprema at ng mga propesor ng UP College of Law. Para sa akin, ang nangyayaring sagutan ay bunga ng pagkakaiba ng interpretasyon sa plahiyo. Hindi rin nakakatulong ang pagkakaroon ng magkakaibang depenisyon ng salitang ito.

Ang desisyong nag-absuwelto kay del Castillo ay ginamit ang dalawang depenisyon. Unang sanggunian ang Webster’s New World College Dictionary (Ikatlong Edisyon), na kung saan ang plagiarism ay binigyan ng kahulugang “to take (ideas, writings, etc.) from (another) and pass them off as one’s own.” Ginamit ding sanggunian ang Black’s Law Dictionary (Ikawalong Edisyon) na nagbigay ng depenisyon sa plagiarism na “deliberate and knowing presentation of another person’s original ideas or creative expressions as one’s own.”

Batay sa depenisyon ng huli, nagkaroon ng ganitong konklusyon ang mayorya ng mga miyembro ng Korte Suprema: “(P)lagiarism presupposes intent and a deliberate, conscious effort to steal another’s work and pass it off as one’s own.” Sa madaling salita, kung walang intensiyong manloko, wala pong plahiyo!

Kung hindi sinasadya, walang masama. Nakakakaba ang ganitong argumento dahil puwede nang gamiting depensa ang kawalan ng intensiyon sa pangongopya ng gawa ng iba. Ang sinumang nahuling nangopya ng gawa ng iba ay sasabihin na lang na hindi niya sinasadya at siya’y mapapawalang-sala na.

Ganito ba ang mensaheng nais ipahatid ng mayorya ng mga miyembro ng Korte Suprema? Puwedeng sabihin ng mga sumusuporta sa desisyon ng Korte Suprema na sinusunod lang ng kataas-taasang hukom ang depenisyong nakasaad sa Black’s Law Dictionary. Pero paano naman ang iba pang sanggunian?

Maniwala po kayong wala ang elemento ng intensiyon o sinadyang pangongopya sa depenisyong ibinibigay ng Merriam-Webster Online (http://www.merriam-webster.com/dictionary/plagiarize), Oxford Dictionary Online (http://oxforddictionaries.com/view/entry/m_en_gb0637200#m_en_gb0637200) at The New Lexicon Webster’s Dictionary of the English Language, 1990 Edition (p. 767).

Mayroon namang nagbibigay ng elemento ng pagkukunwari na maaaring iugnay sa tahasang panloloko. Ang depenisyon ng salitang plagiarize ng Cambridge Dictionary Online (http://dictionary.cambridge.org/dictionary/british/plagiarize), halimbawa, ay “to use another person’s idea or a part of their work and pretend that it is your own.”

Ano naman ang nilalaman ng UP Diksiyonaryong Filipino? Ang kahulugan daw ng plahiyo ay “pagtulad o pagkopya sa gawa ng iba at may hangaring manlinlang.” Aba, puwede palang gamitin ng Korte Suprema ang sangguniang ito para sagutin ang paratang ng mga propesor ng UP College of Law. Kahit ang diksiyonaryo ng UP ay naniniwala sa pangangailangan ng panlilinlang para magkaroon ng plahiyo!

Lumalabas na pundamental ang isyu sa plahiyo o plagiarism: Iba-iba ang pakahulugan sa elemento’t intensiyon ng pangongopya. Para sa mga nasa akademya, malinaw na hindi salik ang sinadya o hindi-sinadyang pangongopya. Kung ang isang estudyante ay napag-alamang hindi nakapagbigay ng nararapat na atribusyon sa mga papel na isinumite, maaari siyang kasuhan ng plahiyo. Sa kaso ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), ang sinumang napatunayang nagkasala ng plahiyo ay may minimum na parusang isang taong suspensiyon sa pag-aaral. At depende sa bigat ng kanyang kaso, posible rin siyang mapatalsik sa unibersidad (expulsion).

Hindi man tahasang aminin ng mayorya ng mga miyembro ng Korte Suprema, sinamantala nila ang pagkakaiba ng interpretasyon sa plahiyo para protektahan ang kasama nila. At sa kanilang pagprotekta sa isang kabaro, nagtakda na rin sila ng bagong pamantayan sa pangongopya.

Sa larangan ng peryodismo’t pagtuturo, hindi nakakagulat na walang etikal na pamantayan ang pangongopya dahil hindi katanggap-tanggap ang huli. Kahit hindi intensiyonal ang nangyaring kaso ng plahiyo, dapat pa ring parusahan ang nagkasala para siya ay matuto. Halimbawa, ang isang estudyante’y kailangang suspendihin nang isang taon para malaman ang kanyang kamalian (kahit na hindi sinasadya’t may paumanhin pa ngang ginawa). Sa pamamagitan ng karampatang parusa, magiging maingat sa susunod ang sinumang nagkamali.

Paano naman sa kaso ni Del Castillo? Dahil inabsuwelto ng kanyang kasamahan, walang lumalabas na kamalian. Walang leksiyong ituturo dahil wala raw siyang kasalanan. Para sa mayorya ng mga miyembro ng Korte Suprema, tapos na ang kaso dahil nagdesisyon na ito.

Sa pagkakataong ito, maraming dapat ipagpasalamat ang mga taong may intensiyong mangopya ng gawa ng iba dahil magagamit na nila ang desisyon ng Korte Suprema. At para naman sa mga estudyante, propesor, mananaliksik at iba pang propesyonal na nahatulang nagkasala ng plahiyo noon, puwede nilang buhayin ang kanilang kaso para matulad sila kay del Castillo.

May bago na palang etikal na pamantayan sa pangongopya, salamat sa Korte Suprema. Sana nama’y mangilan-ngilan lang ang masaya. Sana’y mas marami pa ang tumutuligsa.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Etika diumano ng pangongopya”

  1. ako, sa mga nabigyan ko ng bagsak na grado (hal. sa kom2)dahil sa plagiarism, iakyat muna nila ang kaso nila (conscious man o hindi ang pag-plagiarize nila) sa supreme court. hehe. pero sa akin, irrevocable ito :D

    Sagot: Salamat sa komento. Mabuhay!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.