Kabaliwan bilang pangangailangan

N.B. – This was published in the October 29-November 4, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/11/kabaliwan-bilang-pangangailangan/.

Lungsod ng Tabaco, Albay – Ano ba ang ginagawa ko? Bakit ba ako nagsusulat sa panahong dapat ay inilalaan ko sa pamamahinga? Hindi ba’t ang pansamantalang pagtakas sa probinsiya ng Bikol ay para manumbalik ang katinuang ninakaw ng lipunang ginagalawan?

Opo, may malaki akong kabaliwan. Patong-patong ang aking ginagawa sa  nagbabanggaang mundo ng akademya’t midya. Tanggap nang tanggap ng kung anu-anong kahilingan, sunggab nang sunggab ng iba’t ibang oportunidad. May ilang pinagkakakitaan, mas maraming inaabonohan. Sino ba ang nagsabing may garantiya ng pagyaman ang maraming ginagawa?

Kabilang ako sa mangilan-ngilang hindi nagkakasya ang 24 na oras sa sobrang dami ng pinagkakaabalahan. Kailangang maging guro sa isang araw, kailangang maging peryodista kinabukasan. Isang pagkukunwari ang paglilibang dahil naisisingit at naisisingit pa rin ang mga gawaing pilit na lumalapit.

Ang Sabado’t Linggong dapat ay nakatuon sa pamamahinga, nagiging pagkakataon para punan ang anumang pagkukulang mula Lunes hanggang Biyernes. Kung manonood ng sine, ito ay nasa isang hindi-maiiwasang konteksto: Bilang paghahanda sa isusulat na artikulo o paksang ituturo. Ang isang programa sa telebisyong dapat ay pinaglilibangan ay pagkakataon para himay-himayin ang kalakasa’t kahinaan. Malinaw po ang dahilan: Para may maiparating sa interesadong makinig sa loob at labas ng silid-aralan.

Ngayon siguro’y nababasa mo na ang utak ng guro’t peryodista: Wala silang konsepto ng pahinga! Patuloy na naglalakbay ang kanilang diwa para lalong makakita. Patuloy na nagpapayaman ng kaalaman para may maibahagi sa iba. Patuloy sa pagpapatuloy ng anumang dapat ipagpatuloy.

Para sa amin, walang wakas ang nobelang dapat ay pinagbibidahan ng mamamayan pero pinangingibabawan ng iilan. Ang lahat ay itutuloy at karapat-dapat abangan ang susunod na kabanata. Sa totoo lang, mali ang pag-uulat hinggil sa “pinakahuling kaganapan” dahil ang isang pangyayari’y patuloy na nangyayari, kumpara sa isang kaganapang mayroon nang katapusan. Ang tuldok ay hindi simbolo ng wakas kundi ng pagsisimula ng bagong pangungusap.

Paulit-ulit mang naiuulat ang iisang isyu, pare-pareho man ang paksang tinatalakay, maaasahan at maaasahan ang pagkakaiba hindi lang sa estilo ng pagsusulat kundi sa moda ng pagsusuri. May sumusuporta, may kumokontra. May natutuwa, may natutulala. Sa bawat anggulong nabubusisi, kapansin-pansin ang pagkakaugnay-ugnay sa iba’t iba pang bagay.

Ang pagmamasid ay walang itinatakdang araw at oras. Ang aksidenteng pakikipag-usap sa isang estranghero’y maaaring oportunidad para makakuha ng kinakailangang kontak. Ang simpleng huntahan sa barberya’y puwedeng pagkunan ng importanteng istorya. Ang hindi-inaasahang pagtatagpo ng magkakatunggaling panig sa iyong harapan ay posibleng pangunahing kuwento kinabukasan.

Maraming kuwento ang mga tao sa tabi mo, kailangan lang pag-ibahin ang kaduda-duda sa kapani-paniwala. Hindi lahat ng kuwento’y totoo, alam mo na ito. Para malaman ang katotohanan sa kasinungalingan, kailangang malalimang pag-isipan. Matalas ang mata, malakas ang pang-amoy, malakas ang pakiramdam – kailangan ang lahat ng ito dahil hindi maaaring umasa lamang sa lakas ng kutob.

Sa kontekstong ito, walang batayan ang pamamahinga sa pagsusulat. Nakakapurol ang matagalang kawalan ng aktibidad sa dating matalas na isipan. Kasabay ng pagkalimot sa pagsasama-sama ng mga salita para mabuo ang pangungusap ay ang pagkalito sa pag-uugnay-ugnay ng mga pangyayari para mabuo ang konteksto. Para maging epektibo sa pagsusulat, hindi lang kahusayan sa wika ang mahalaga dahil balewala ito kung ang artikulo’y walang sustansiya. Ito ang gumagamot sa sakit ng pambansang pagkalimot at nagbibigay ng bitamina para sa pambansang pagkilos.

Ano ba ang aking ginagawa? Makabuluhan ang pagsingit ng mahahalagang gawain sa panahong dapat ay nagbabakasyon kasama ang pamilya. Oo, ang layunin ng aking pansamantalang pagtakas sa probinsiya ay para iligtas ang nahahapong katawan sa kaguluhan ng Maynila. Pagkakataon ko ring makapiling ang mga kamag-anak na nakatira sa probinsiya. Pero hindi ko puwedeng talikuran ang maraming obligasyon bilang guro’t peryodista.

Kabaliwan na kung kabaliwan, pero ano pa ba ang maaasahan mo sa lipunang puno ng kahungkagan? Patuloy na magkakaroon ng mga baliw na katulad kong magtuturo’t mag-uulat ng realidad, saan mang lugar siya mapadpad.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.