Kuwentong kotse (2)

N.B. – This was published in the November 12-18, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/11/kuwentong-kotse-2/.

(Huli sa dalawang bahagi)

Casa. Sa wikang Kastila, ang ibig sabihin nito’y bahay.

Para sa mga Pilipinong motorista, ito ang tawag sa ”opisyal” na lugar na puwedeng ipagawa ang isang sasakyan. At dahil ”opisyal,” makakaasa ka ng mahal na presyo ng mga piyesa dahil orihinal daw ang mga ito at hindi nakuha sa tabi-tabi lang. Kung gaano kamahal ang presyo ng mga piyesa ay siya ring taas ng singil ng mga ekspertong mekaniko dahil mas alam daw nila ang kanilang ginagawa kumpara sa iba. Sa madaling salita, mahal ang singil dahil mataas ang kalidad ng mga piyesa’t serbisyo.

Sa pagpapatuloy ng ating kuwentong kotse, dinala ng ating bidang Lalaki at Babae ang kanilang sasakyan para ipagawa sa casa ang problema ng umiinit na makina. Dahil pagkamahal-mahal ng ibinigay na estimate para sa mga problemang labas pa sa nabanggit na, pinili ng ating mga pangunahing karakter na ipaayos muna sa casa ang engine overheating (kahit na sobrang mataas pa rin ang singil dito).

Sa halip na sundin ang rekomendasyon ng kakilalang mekaniko ni Lalaki na magsagawa ng top overhaul, ang ginawa ng casa ay pinalitan ang buong radiator, pati na rin ang dalawang hoses at thermostat valve. Umabot sa halos P25,000 ang binayaran ni Lalaki.

Sinabi ng kinatawan ng casa na wala nang overheating na mangyayari dahil bago na ang radiator. Pero mabilis na kinumpirma ng casa ang nabanggit na ng bidang Lalaki noong pang una: Kailangan pala ng top overhaul pero aabot daw ito sa P80,000.

Ano ang nangyari sa pag-alis ni Lalaki sa casa? Matapos ang limang minutong pagmamaneho, uminit ang temperatura batay sa nakita ni Lalaki sa dashboard. Pumunta siya sa pinakamalapit na gasolinahan. Nang tinanggap ang takip ng radiator, nalamang halos nasaid na ang lamang tubig. Nang tiningnan ang dipstick, napansing paubos na rin ang engine oil. Siyempre’y nagpalagay ng tubig at bumili ng langis ang ating bida. Dahil malapit na ang distansiya ng hinintuang gasolinahan at ng opisina ni Lalaki (bukod pa sa maluwag ang trapiko noon), nakarating siya sa kanyang pinagtatrabahuan nang walang aberya.

Nang pauwi na si Lalaki, muli niyang pinuno ang tubig sa radiator dahil napansin niyang nabawasan na naman ito. Malaking problema ito, sa loob-loob niya, dahil wala pang isang kilometro ang itinakbo ng sasakyan mula sa gasolinahan! Sinubukan niyang paandarin ang sasakyan. Aba, ayaw umandar. Sinubukan nang makailang beses. Ayaw talaga!

Tinawag ni Lalaki ang kaopisinang may alam sa makina. Binutingting nang kaunti ang idling. Napaandar naman. Pero napansin nilang mabilis na nawawalan ng tubig ang radiator. Tinanggal ang thermostat valve na kung saan siningil nang mahigit P1,000 ang ating bidang Lalaki at Babae. Laking gulat ni Lalaki nang mapansing medyo kinakalawang at marumi ang nasabing piyesa. Ang hatol ng kaopisinang may alam sa makina at ni Lalaki: Hindi bago ang piyesang inilagay ng casa!

Pero saka na ang reklamo. Kailangan muna ng ating bidang Lalaking makauwi sa bahay. Dahil umaandar na ang sasakyan at hindi na masyadong nababawasan ang tubig sa radiator (bunga ng pagkakatanggal ng thermostat valve na hindi naman pala kailangan para sa mga bansang tulad ng Pilipinas na walang panahon ng taglamig), nakauwi nang ligtas si Lalaki.

Pagdating sa bahay, nagpadala siya ng text messages sa kausap niya sa casa para ireklamo ang pinagdaanan niya. Sa puntong ito, pinili niyang sumulat sa wikang Ingles para mas seryosohin na siya ng mga taga-casa.

Lalaki: I had the car re-checked. We discovered that the thermostat valve is old. It’s either your casa did not replace it or you put an old one. The car now works fine when it was removed, unlike when I experienced overheating from the casa to Philcoa this morning.

Kawani ng casa: No sir bgo po un. ang prob kc wala tlagang nakakabit n lumang thermostat s unit mo sir.

Lalaki: What the mechanic and I saw is a rusty piece of valve. Sorry but I don’t believe you. Anyway, kindly just text the name of your supervisor. I will file formal complaint. When it was removed, after all, the overheating was solved. How can you explain that?

Kawani ng casa: I can asure u sir n bgo po un.

Lalaki: What is the name of your supervisor? Will just write formally.

Kawani ng casa: Name q nlang sir.

Lalaki: Actually, you did not inform me earlier that there was no thermostat valve, and when I asked the previous owner, he insists there was one. So who is telling the truth? That’s the reason I will formalize my complaint.

Kawani ng casa: Sir pansin nio wlang lumang thermostat nkalagay sau sir.

Hindi ibinigay ang pangalan ng superbisor o may-ari ng casa. Hindi rin sinagot kung bakit umiinit pa rin ang makina sa ilang minutong pagmamaneho paalis ng casa.

Patuloy ang pagtanggi tungkol sa lumang piyesa inilagay, ginatungan pa ng paratang na wala raw nakita sa loob ng makina nang binuksan ito. Pero ano ba ang nakalagay sa invoice na ibinigay ng casa sa bidang Lalaki? REPLACED THERMOSTAT VALVE. Hindi ba’t ang kahulugan ng salitang replaced ay pinalitan? Kung tama ang ating interpretasyon, ibig sabihi’y may piyesang pinalitan kaya ginamit ang salitang replaced!

May mga sumunod pa siyang mensaheng hindi na sinagot ng bidang Lalaki dahil sa sobrang pagkainis.

Gudpm sir, i alridy relay our prob regarding s problem, we wil have miting tom together with d tech.

Im sory 4 dat sir actually naalala q lng ng nagtxt k, 1day b4 tech told me n sir wla cia thermostat nkalagay kya svi q cge lagyan kc nag order nman ako. Anyways sir its ur ryt nman po mag complaint i undrstand po ung situation as a customer.

Nang dumating sa bahay ang asawa ni Lalaki na si bidang Babae, nagkasundo sila sa iisang bagay habang nanlulumo sa halos P25,000 ibinayad sa casa: Maling mali ang kanilang desisyong magpaayos sa inaasahan nilang magbibigay ng mahusay na serbisyo.

Tumawag si Babae sa kamag-anak niyang may sasakyan para itanong kung saan siya nagpapaayos. Maganda kasi ang takbo ng nasabing sasakyan dahil nadadala ito ng kanyang kamag-anak mula Maynila hanggang Albay. Binigay ng kamag-anak ang address.

Mabilis na pinuntahan ng ating bidang Lalaki at Babae ang lugar. Pinatingnan ang sasakyan. Sa loob ng apat na araw, naayos ang problema. Ang kanilang ibinayad? P15,000. Oo, medyo mahal ang inabot pero mura na ito sa sinisingil ng casa na P80,000 para sa parehong trabaho.

Sa ngayon, may magandang katapusan ang ating kuwentong kotse dahil maayos na ang takbo ng sasakyan ng ating mga bida, salamat sa talyer na inirekomenda ng kamag-anak ni Babae. Pero patuloy pa rin ang pakikibaka ng mag-asawa sa casang nanloko sa kanila.

Kung ang maraming kuwentong kutsero’y puro kalokoha’t katatawanan lang, ang ating kuwentong kotse’y may munting aral sa bandang dulo.

  1. Huwag magpapadala sa malalaking kapitalistang nangangako ng langit at lupa, dahil handa silang tumaga nang tumaga hanggang ubos na ang iyong pera.
  2. Hindi porke nakakurbata’t nagtatrabaho sa magandang opisina ay mas kapani-paniwala ang mga salita.
  3. Kumpara sa casa, ang isang talyer sa tabi-tabi ay may mas matino pang kausap at mas handa ka pang tulungan, sa mas murang halaga.

Gusto mo pa bang pumunta sa casa? Bahala ka. Baka ikaw naman ang susunod na maghihimutok at magsusulat ng mas nakakatakot, nakakatawa at nakakairitang kuwentong kotse.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Kuwentong kotse (2)”

  1. Good day sir maraming salamat for a very informative posts. Balak ko p nmn ipadala sa casa ang aming Toyota van na may parehong problema (overheating). Baka pwede ko mahingi ung no ng magaling na mekaniko. Maraming salamat po’ uli.

    Reply: Hi, Bernard. Will send you an email. Thanks for the comment!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.