Paniningil ng Morong 43

N.B. – This was published in the December 10-16, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/12/paniningil-ng-morong-43/.

Palayain ang dapat palayain. Singilin ang dapat singilin.

May drama sa likod ng mga salita. Sa harap ng kamera, nagmumukhang maganda ang desisyon kahit ilang buwan nang huli ito, lalo na’t ginawa para sa isang espesyal na komemorasyon.

Sa wakas, nagpahayag na si Pangulong Noynoy Aquino noong Disyembre 10 (Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao) na depektibo ang arrest warrant laban sa 43 manggagawang pangkalusugan (health workers) na inaresto sa Morong, Rizal noong Pebrero 6, 2010. Makalipas ang 10 buwang pagkakakulong, inaasahan ang paglaya ng karamihan sa kanila dahil iaatras na ng Department of Justice ang impormasyong isinumite sa korte hinggil sa kasong illegal possession of firearms and explosives laban sa tinaguriang Morong 43. Bakit hindi makakalaya ang lahat ng 43? May ilan daw kasi sa kanilang may iba pang kasong nakasampa noon kaya dapat silang manatiling nakakulong.

Para sa maraming miyembro ng Morong 43, masasabing tagumpay ang isinagawang hunger strike dahil nakuha nila ang atensiyon ng publiko sa pangkalahatan at ng Pangulo sa partikular. Kung noo’y nais ni Pangulong Aquino na hayaan na lang ang korteng magdesisyon sa kasong isinampa, ngayon ay nakita na niya ang pangangailangang huwag nang kasuhan ang Morong 43. Mahirap ang naging desisyon ni Pangulong Aquino dahil ito’y mistulang sampal sa militar at pulisya na parehong nagsagawa ng operasyon sa Morong, Rizal.

Inamin ng isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may demoralisasyon ngayon sa hanay ng militar. Hanggang ngayon kasi ay ipinagpipilitan ng AFP na ang Morong 43 ay mga miyembro ng New People’s Army (NPA) at ang isinagawang operasyon noong Pebrero ay may malaking epekto diumano sa rebolusyonaryong kilusan.

Hindi ba’t sinasabi ng mga sundalong nagsagawa ng operasyon na may mga sandatang nasamsam sa lugar na nagsagawa ng pagsasanay ang Morong 43? Sa katunayan, ang isang granada’y nakita diumano sa ilalim ng unan ng isang partisipante.

Ilang beses din bang sinabi ng ilang opisyal ng AFP na imposibleng maging manggagawang pangkalusugan ang ilang miyembro ng Morong 43 dahil hanggang elementarya lamang ang natapos nila? Sa kanayunan daw kasi, ang madalas na nangyayari sa mga may mababang pinag-aralan ay nagiging miyembro ng NPA.

Nang dinala sa korte ang Morong 43, pati ang pagtataas ng kamao ng ilang miyembro ng Morong 43 sa harap ng midya ay ginamit laban sa kanila. Ang mga komunista raw kasi ay nagtataas ng kamao, at malinaw sa ilang larawang kinuha ng midya na ginawa ito ng ilan sa kanilang inaresto.

Kahit ang isang pahayag ni Luis Jalandoni ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay hindi pinalampas ng militar. Nang binanggit ni Jalandoni na ang pagpapalaya sa Morong 43 ay makakatulong sa pag-usad ng usapang pangkapayapaan, mabilis na sinabi ng isang opisyal ng AFP na ito raw ay ebidensiyang ang Morong 43 ay mga komunista. Tila nakalimutan ng opisyal na itong maraming sektor na nananawagan sa pagpapalaya ng Morong 43, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig. Ibig sabihin ba nito’y mga abogado ang Morong 43, halimbawa, dahil maraming grupo ng mga abogado ang nananawagan din sa paglaya nila? O baka naman mga komunista rin ang ilang miyembro ng House of Representatives na naniniwala ring dapat na lumaya ang Morong 43.

Sadyang mahirap sundan ang lohika ng militar. Pero may dahilan para kabahan ang maraming mamamayan sa mga iresponsableng pahayag nila. Sila kasi ang may hawak ng armas na kayang kayang itutok sa tingin nila’y kaaway.

Sa pamantayan ng militar, walang kamalian kaya hindi dapat humingi ng paumanhin sa Morong 43, pati na rin sa mga pamilya’t tagasuporta nila. Para sa mga sundalong may kinalaman sa pag-aresto sa 43 manggagawang pangkalusugan, wala silang dapat panagutan dahil wala naman daw silang kasalanan. Teknikalidad lang daw ang napabalitang depektibong warrant, na kung saan nakapangalan lang sa isang nagngangalang Mario Condes.

Sa kontekstong ito, ang pahayag ng Pangulo ay walang direktang epekto sa pagtataguyod ng karapatang pantao sa hinaharap dahil kahit ang simpleng paghingi ng paumanhin sa Morong 43 ay ayaw gawin ng mga dapat managot. At dahil sa kanilang pagmamatigas, mas lalo kaya silang magiging marahas?

Sa ngayon, nararapat lang ipagdiwang ang tagumpay hindi dahil naging mapagbigay ang mga nasa kapangyarihan kundi dahil patuloy ang pagkakaisa para sa katarungan at katotohanan. At pagkatapos ng limtado’t maikling pagsasaya, nararapat lang na bumalik ang sigla ng pakikibaka para sa makabuluhang pagbabago.

Managot ang dapat managot. Kasuhan ang dapat na kasuhan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.