Pagbubunyi sa ika-49 na anibersaryo ng UP CMC (pambungad na pananalita)

Pambungad na Pananalita

Ni Danilo A. Arao, Kawaksing Dekano
Hunyo 19, 2014

CMC at 50 logo (19 May 2014)
Isang mapagpalayang umaga sa inyong lahat. Isang nagbubunying okasyon ang araw na ito. Mistulang “Throwback Thursday” (kung gagamit ng wikang Ingles) ang selebrasyon ng ikaapatnapu’t siyam na anibersaryo ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla na mas kilala sa tawag na UP MassComm.

Ngayong araw na ito, simple lang ang ating layunin: Ito ay ang gunitain ang makulay na kasaysayan ng ating mahal na kolehiyo. Malinaw na sa mayaman nitong pinagdaanan, ginto ang nangingibabaw na kulay. Ginto kasi ang sumisimbolo sa husay at dangal, sa nangungunang papel nito sa larangan ng edukasyon sa brodkasting, peryodismo, pananaliksik sa komunikasyon, pelikula at pag-aaral sa midya. Taglay natin ang gintong medalya ng paglilingkod sa sambayanan sa pamamagitan ng makabuluhang paghubog sa isipan ng kabataan.

Ang kasaysayan ng kolehiyo ay kasaysayan ng pag-uungkat, pag-uulat at pagmumulat, sa larangan man ng pagtuturo, pananaliksik at gawaing ekstensyon. Inaalala natin ang kontribusyon ng mga dekanong nagdaan – Gloria Feliciano, Georgina Encanto, Delia Barcelona, Luis Teodoro, Ellen Paglinauan, Nicanor Tiongson at Elena Pernia. May pagpupugay rin sa kasalukuyang dekano, si Dr. Roland Tolentino, na pinangungunahan ang selebrasyon ng makasaysayang okasyon para sa kolehiyo.

Sinasabing ang ikalimampung taon ng isang pangyayari o institusyon ay tinatawag na ginintuang taon o golden jubilee (kung gagamit ng wikang Ingles). Mainam lamang na ngayong araw, magkaroon muna tayo ng maliit, tahimik pero masayang pagbubunyi at organisahin ang engrande o bonggang selebrasyon sa mga susunod na buwan. Mainam lamang na malaman, ngayon pa lang, ang dapat asahan mula sa ating lahat para maging makabuluhan ang ating selebrasyon.

Bilang dalubhasaan ng komunikasyon, alam nating lahat ang kahalagahan ng branding. Ngayon pa lang, mayroon na tayong logo na nagsisilbing marka ng ika-limampung taon ng UP MassComm. Kung pagmamasdan ang logo, nakapangingibabaw ang kulay na ginto. Nariyan din ang taong 1965 na ipinapakita ang pagbubuo ng noon ay Institute of Mass Communication sa UP Diliman noong Hunyo 19 ng taon iyon sa pamamagitan ng Republic Act No. 4379. Ang slogan nating “midyang malaya’t mapagpalaya” ay salin sa wikang Filipino ng vision statement na binuo noong 2001 na nakasulat ang haraya ng isang lipunang may ganitong mga katangian: “egalitarian, participative and progressive through the development of media that is: socially responsible, critical and vigilant; liberative and transformative; and free and independent.”

Ang pagkakaguhit ng zero ay parang play button mula sa isang app ng operating system na Android o iOS. Simbolo ito ng ating malalim na pag-intindi sa teknolohiya at sa pagsulong ng kolehiyo sa hinaharap. Huwag sanang isiping ideyolohikal ang direksyong papuntang kanan ng play button. Isipin na lang natin na ang ating nakasanayang pagbabasa sa wikang Ingles at Filipino ay nagsisimula sa kaliwa.

Malinaw na ang ating selebrasyon ay may malalim na pinaghuhugutan, at hindi lang ito okasyon para makapagbenta ng ilang souvenir items. Pero mainam ding ipakita ng lahat ng sektor – estudyante, guro, kawani/REPS at alumni – ang kinakailangang suporta sa pamamagitan ng pagtulong para ipalaganap ang makabuluhang mensahe ng kolehiyo nating mahal.

Sa ating pagninilay-nilay hinggil sa mga nangyayari sa ating lipunan, lubhang kinakailangan ang isang midyang malaya’t mapagpalaya. Asahan natin ang susing papel ng kolehiyo sa ating kolektibong haraya, sa papalapit na ikalimampung taon nito at sa mga susunod pa.

Maraming salamat at, muli, isang mapagpalayang umaga sa inyong lahat.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.