(Updated) Trahedya at midya

N.B. – This is an advance soft copy of my column article which will be uploaded to Pinoy Weekly Online sometime today (Friday). In case you still don’t know, the management of Pinoy Weekly decided to temporarily stop the publication of the tabloid due to the country’s economic crisis and the concomitant high cost of printing. If it’s any consolation, the online edition will still continue. From what the online editor told me, the uploading of new content will happen every Friday (Manila time). I hope that you will continue to read Pinoy Weekly, the absence of a print edition notwithstanding. Actually, it is ironic that Pinoy Weekly’s print edition had to end at a time when one of its articles in 2007 was a finalist in the prestigious 19th Jaime V. Ongpin Awards for Excellence in Journalism (JVOAEJ).

Update (July 1, 4:43 pm): The full text of this article may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/06/trahedya-midya.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineSa gitna ng brownout dulot ng bagyong Frank, muli nating nakita ang kahalagahan ng radyo sa paghahatid ng pinakahuling balita. Hindi tulad ng telebisyon at Internet na kailangan ng suplay ng kuryente para magamit, baterya lang ang kailangan para paganahin ang isang portable radio.

Bagama’t ang mga modernong mobile phone ay kaya nang mag-access sa Internet, hindi hamak na mas malaki ang gastos kaya hindi praktikal na gamitin ang ganitong klaseng telepono sa pag-surf sa Internet. At sa usapin ng presyo, alam nating mas mahal ang 3G (third-generation) mobile phone kaysa portable radio.

Pero mapapansing tayo ay talagang nabubuhay sa tinatawag na TV generation. Aminin mo na: Hindi ba’t nang muling magkaroon ng kuryente, pinatay mo na ang iyong radyo at binuksan mo ang telebisyon para malaman ang direksiyon ng bagyong Frank?

Kung estudyante ka, hindi ba’t mas umasa ka sa telebisyon sa anawnsment hinggil sa suspensiyon ng klase? Siguro’y napatalon ka sa tuwa nang marinig mo ang balitang walang pasok noong Lunes (Hunyo 23).

At kung nagtatrabaho ka na, siguro’y inantabayanan mo rin sa telebisyon kung may pasok ba sa opisina mo o wala. Kung arawan ang suweldo mo, siguro’y tuwang tuwa ka dahil makakapasok ka’t may kikitain ka, gaano man kaliit ito.

Kanya-kanyang pinagmulan, kanya-kanyang interes sa pagtunghay sa balita. Tungkulin ng midyang ibigay ang impormasyong kailangan ng publikong may napakalawak na interes.

At sa konteksto ng impormasyong kinakailangan, iba ang bentahe ng telebisyon dahil kaya nitong maghatid hindi lang ng audio kundi ng biswal na presentasyon ng isang pangyayari. Hindi natin masisisi kung ang karamihan sa mga mamamayan ay tinitingnan ang telebisyon bilang mas mainam na midyum kumpara sa radyo.

Sa katunayan, lumalabas sa isang pag-aaral ng Pulse Asia noong 2004 na ang telebisyon ay may pinakamataas na kredibilidad, ayon sa 67 porsiyento ng mga Pilipino. Sinundan ito ng radyo (20 porsiyento) at diyaryo (5 porsiyento).

Mas matanda ang dyaryo at radyo kaysa telebisyon, kaya ang mga tao’y mas kabisado na ang unang dalawang porma ng midya. Halimbawa, alam ng nakararaming Pilipino ang maaaring “daya” sa paghahatid ng balita sa diyaryo’t radyo.

Sa mata ng publiko, hindi lahat ng nakalathala sa print (salita man o litrato) ay dapat tanggaping kapani-paniwala. Hindi ba’t may mga nagsasabing ang tanging bagay na sigurado tayong tama sa diyaryo ay ang petsa nito?

Sa konteksto ng radyo, hindi ba’t minsa’y tampulan ng biruan ang ginagawa ng isang brodkaster na kunwari’y nag-uulat sa isang delikadong lugar pero nasa loob lang pala ng kuwarto niya, binabasa ang balita sa diyaryo at gumagawa lang ng kung anu-anong sound effects para maging kapani-paniwala ang kanyang balita?

Kahit na sabihing ang telebisyon ay hindi libre sa mga pandaraya sa pag-uulat, hindi pa rin ito gaanong kabisado ng nakararaming Pilipino. Ilan lang, halimbawa, ang may alam sa paggamit ng blue screen para palabasing ang isang peryodistang nasa loob ng studio ay nag-uulat sa isang lugar.

Karamihan ay basta-basta na lang naniniwala o walang pakialam sa sinasabing ulat na eksklusibo sa isang network. Ang ganitong klaseng paniniwala o kawalan ng pakialam ay makikita rin sa mga ulat na sinasabing live report pero matagal na palang naihanda, at ang mga tanging live na bahagi ay ang intro at extro ng isang peryodista.

Masyadong makapangyarihan ang telebisyon para basta-basta na lang tanggapin ng mamamayan ang mga nilalaman nito. Lubhang kailangan ang pagpapalawak at pagpapalalim sa kaalaman ng mga tao hinggil sa midyang tinutunghayan nila.

Sana’y ang ating pagdepende sa midya sa panahon ng trahedya ay maging okasyon para sa mas lalong maging kritikal sa impormasyong nakukuha mula sa mga ito.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

2 thoughts on “(Updated) Trahedya at midya”

  1. isa pangng nakakalungkot na bagay: may mga mambabasa ng PW na hindi marunong mag-net :(

    sa kabila nito, naniniwala pa rin akong aahon at susulong pa rin ang alternatibong midya. kelangan lang talagang makahanap ng alternatibong lunsaran.

    Sagot: Maraming salamat sa komento mo. Umaasa pa rin akong pansamantala lang ang paghihinto ng print edition ng Pinoy Weekly. Limitado talaga ang naaabot ng Internet, at malamang na hindi na ito mababasa ng masa. Sana’y mayroon pa ring community publications na mag-reprint ng mga artikulo mula sa website.

  2. mukhang magandang ideya nga yan. sa dati kong kolehiyo, pag wala kaming pera pampablis (na madalas sa minsan) gumagawa kami ng peryodikit. oks rin. kaya lang di mukhang feasible sa setting ng lungsod. maliit lang kasi ang skul ko dati kaya medyo oks pa. hehe.

    Sagot: Totoo namang mas mura ang publikasyong online kaysa print. Ang problema lang sa mga publikasyong gumagamit ng wikang Filipino at naglalayong makaabot sa masa, hindi magandang umasa lang sa Internet. Salamat sa iyong pagbabahagi ng karanasan!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.