Buwis at ang pulitika ng pangingikil

N.B. – This was published in the August 1-7, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/08/buwis-ang-pulitika-ng-pangingikil.

Hindi nabigyan ng kaukulang atensiyon ng midya ang HB (House Bill) No. 4268 na inihain ni Rep. Exequiel Javier (Antique) noon pang Hunyo 4.

Sa unang tingin, may magandang balita ang panukalang batas na ito: Layunin kasi ng HB 4268 na tanggalin ang VAT (value-added tax) sa mga produktong petrolyo. Ang kapalit nga lang nito ay ang pagpapataw ng specific tax.

Alam nating lahat na ang kasalukuyang ipinapataw na VAT sa mga saklaw na serbisyo’t produkto (tulad ng petrolyo) ay 12 porsiyento ng halaga ng mga ito. Kung gagamit ng teknikal na termino, ito ay isang ad valorem tax na kung saan ang napupunta sa gobyerno ay depende sa presyo ng serbisyo o produkto. Kung mababa ito, mas mababa ang buwis. Pero kung katulad ng mga produktong petrolyo na halos linggo-linggo ay nagtataas ng presyo, mas malaki ang nakokolektang buwis.

Sa kabilang banda, ang planong specific tax ay nakatakda na sa bawat litro ng anumang produktong petrolyong nais bilhin. Ibig sabihin, hindi apektado ang buwis na ito ng pagtaas o pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo. Para kay Javier, mas mainam ang pagpapataw ng specific tax dahil may limitasyon na sa koleksiyon ng gobyerno sa buwis sa mga produktong petrolyo.

Ayon sa press release ng House of Representatives, ang mga buwis na ipapataw sa bawat litro ng mga produktong petrolyo ay P2.50 (diesel, fuel oil); P3.00 (LPG o liquefied petroleum gas); P3.50 (kerosene); P6.00 (AV turbo jet fuel); P11.50 (naphtha, regular gasoline); at P12.00 (unleaded).

Ayon kay Javier, ang mga presyong ito ay batay sa presyo ng krudo na $103 bawat bariles. Kung papalitan ng specific tax ang VAT sa mga produktong petrolyo, sinabi niyang ang anumang pagtaas ng krudo nang mataas pa sa $103 bawat bariles t ay hindi na papatawan ng buwis.

Sa puntong ito, mahalagang malaman ang maikling kasaysayan ng pagbubuwis sa mga produktong petrolyo. Bago sinaklaw ng VAT ang mga produktong petrolyo noong Nobyembre 2005 sa pamamagitan ng RA (Republic Act) No. 9337 (Reformed VAT Law), may mga specific tax na nakapataw sa mga ito.

Matatandaang ipinatupad noong Hunyo 11, 1996 ang RA 8184 na nagtakda ng specific tax sa ilang produktong petrolyo. Ayon sa Sek. 1 ng batas na ito, ang mga kinolektang buwis bawat litro ay ang sumusunod: P0.05 (denatured alcohol, processed gas); P0.30 (bunker fuel oil); P0.56 (bawat kilo ng aspalto); P0.60 (kerosene); P1.63 (diesel); P3.50 (waxes, petrolatum); P3.67 (aviation turbo jet fuel); P4.35 (unleaded); P4.50 (lubricating oil, grasa), P4.80 (naphtha); at P5.35 (leaded). Walang buwis na ipinataw noon sa LPG.

Kung ikukumpara sa panukalang batas ni Javier, mapapansin ang mas malaking halaga ng mga buwis na ipapataw. Maaari mong sabihing iba kasi ang sitwasyon noong 1996 kaya maiintindihan ang mas mataas na buwis sa kasalukuyan.

Pero pansinin mong ang diesel, kerosene at LPG ay plano pa ring patawan ng mataas na buwis. Ang tatlong produktong ito ay tinaguriang socially sensitive products dahil kinokonsumo ng nakararaming mahihirap ang mga ito. Ang iyong tanong marahil sa puntong ito: Bakit pa kailangang patawan ng buwis ang mga ito?

Sa iyong pagsusuri ng panukalang batas ni Javier, sana’y isaisip na ang isyu ay hindi sa pagitan ng VAT at specific tax, kundi sa mismong polisiya ng pagbubuwis sa mga produktong petrolyo. Bagama’t ang koleksiyon mula sa buwis ay kinakailangan, bakit kailangang kunin ito mula sa bulsa ng naghihirap na mamamayan?

Kailangang tandaang ang VAT at specific tax ay indirect taxes. Ibig sabihin, ang mga ito ay buwis sa mga serbisyo’t produktong kinokonsumo ng mamamayan. Anuman ang iyong estado sa buhay, mahirap man o mayaman, kailangan mong bayaran ang mga ito.

Madali para sa pamahalaang kolektahin ang indirect tax. Sa halip na direktang kunin mula sa mamamayan, ang koleksiyon ay sa pamamagitan ng mga establisimyento na awtomatikong isinasama ang anumang porma ng indirect tax sa presyo ng kanilang mga serbisyo’t produkto.

Hindi tuloy nakakagulat na mas umaasa ang gobyerno sa mga koleksiyon mula sa indirect tax sa halip na direct tax (e.g., income tax, real estate tax). Mas episyente kasi ang koleksiyon sa indirect tax at kung bubuwisan ang mahahalagang serbisyo’t produkto, makakaasa ang pamahalaan ng tuluy-tuloy na kita.

Tunay na hindi ito usapin ng kung ano ang mas mainam sa dalawa – VAT o specific tax. Mas pundamental na usapin kung makatarungan bang patuloy na patawan ng buwis ang mga produktong petrolyo na kinokonsumo ng mamamayan, lalo na ng mahihirap.

Sa madaling salita, huwag po nating pagpilian kung paano tayo kikikilan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Buwis at ang pulitika ng pangingikil”

  1. para kang pinamili kung pitik sa tenga o pitik sa ilong.

    palagay ko mas mainam kung pagbutihin nila ang tax collection efficiency. marami-rami pa rin kasing evaders. atsaka tanggalan ng tax holiday ang mga di naman nangangailangan ng ganung prebiliheyo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.