Huwag kang mag-blog kung…

N.B. – This was published in the September 26-October 2, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/09/huwag-kang-magblog-kung.

Kahit na interesanteng pag-aralan ang iba’t ibang aspeto ng blogging, wala akong intensiyong magpakadalubhasa sa blog monetization.

Mahirap masikmura ng isang abang peryodistang katulad ko na may mga blogger sa kasalukuyang pumapatol sa kung anu-anong iskema para kumita nang malaki (at dolyar pa) kahit na nakokompromiso na nila ang pagbibigay ng impormasyon sa mga online visitor at minsa’y lantaran pa ang panloloko.

Pero ngayon pa lang, kailangang maging malinaw na ang ”panloloko” ay maaaring hindi intensiyonal. Ang mas dapat sisihin sa mga panlolokong ito ay ang mga ad network dahil ginawa nilang customizable ang kanilang mga patalastas para magmukhang bahagi ng laman ng isang blog.

Bagama’t dapat ding sisihin ang mga blogger na nagdidisenyo (o nagko-customize) ng mga patalastas bilang bahagi ng kanilang laman (e.g., blog entries), gusto kong isiping hindi pa nila lubusang naiintindihan ang etika ng blogging at ang dahilan ng kanilang pagba-blog.

Para sa mga hindi nakakaalam, maaaring kumita ang isang blogger kung may magki-click sa hyperlink ng mga patalastas sa kanyang blog. Maraming salik sa pagkompyut ng halaga ng bawat click (at kahit ang paraan ng pagbabayad sa bloggers). Kung paniniwalaan ang ilang tinaguriang propesyonal na bloggers (o pro bloggers), may mga kumikita ng mahigit sampung libong dolyar bawat buwan (ayon sa 2006 survey ng ProBlogger.net) mula sa Google Adsense pa lang, isang pangunahing ad network sa kasalukuyan.

Ano naman ang masama sa kumita? Wala naman. Lahat naman tayo’y kailangan ng pera sa panahong mababa ang suweldo at mataas ng bilihin. Pero hindi ba’t may problema kung ang pagkita ng pera ay dahil sa panloloko?

Kung susuriin ang tips ng maraming ad network, ang layunin ng paglalagay ng kanilang mga patalastas ay para isipin ng online visitor na ang mga ito ay bahagi ng laman ng isang blog. Kahit na sabihing nakalagay naman ang katagang ”Ads by Google,” halimbawa, puwede itong idisenyong hindi masyadong halata o masyadong maliit ang mga letra para hindi gaanong mabasa.

Sa konteksto ng disenyo, inirerekomenda ng mga ad network, halimbawa, na ilagay ang mga patalastas sa itaas na bahagi ng blog, kahit na ito ay nangangahulugang kinakain na ang espasyo para sa blog post. Ang katuwiran kasi ng mga ad network ay mas malaki ang tsansang may magki-click sa isang patalastas kung ito ang unang makikita.

Bukod sa mga patalastas, may mga kompanya ring handang magbayad ng sponsored posts. Siyempre’y gusto nilang positibo ang tono ng mga blog post tungkol sa kanila at kadalasa’y kinakailangang may mga katagang naka-hyperlink sa isang partikular na website. May mga pagkakataon pa ngang ang isang blog post ay dapat na tumugon sa itinakdang keyword density na kung saan ang ilang kataga ay dapat na mabanggit nang maraming beses. Kadalasa’y kinakailangan ding hindi banggitin sa anumang bahagi ng blog na ang naturang post ay ”sponsored.”

Salamat sa kapitalismo, maraming mapanlikhang paraan para kumita sa blogosphere. Pero ang mga mapanlikhang paraang ito ay malinaw na tahasang panloloko sa mga online visitor. Dahil ang blogosphere ay bahagi ng public domain, kinakailangang maging responsable ang mga blogger sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko.

Hindi sapat na sabihing sila ay gumagawa ng media content para lang sa kanilang sarili, at lalong hindi puwedeng ikatwirang wala silang responsibilidad sa mga online visitor. Sa konteksto ng ”panloloko,” hindi rin katanggap-tanggap ang sagot na sumusunod lang sila sa mga ad network hinggil sa epektibong paglalagay ng mga patalastas.

Kailangang tandaang ang panloloko ay hindi kailangang intensiyonal, at maraming kasong hindi alam ng mga indibidwal na hindi pala etikal ang kanilang ginagawa. Hindi porke’t matagal nang kalakaran at may malawak na pagsunod ng mga tao ay nangangahulugang etikal na ang isang gawi.

May mga nagbibitaw ng argumentong walang masama sa isang sponsored post kung gusto naman nila ang kanilang isinusulat. Dagdag pa nila: Ano ang pagkakaiba ng isang sponsored post sa isang artikulong binayaran ang isang peryodista?

Bilang peryodista, maniwala po kayong napakalaki ng kaibahan: Ang isang peryodista’y binibigyan lang ng paksang isusulat (at maaaring itakda rin ang haba ng artikulo), pero bahala na siya sa pagkalap ng mga datos at pagsusuri ng mga ito. Sa konteksto ng responsableng peryodismo, hindi siya dapat magpadala sa presyur ng iba’t ibang grupo para bigyan sila ng paborableng publisidad.

Batay sa aking pagsusuri sa iskema ng paid post websites tulad ng ReviewMe.com, ang simpleng pagsang-ayon ng isang blogger na gumawa ng sponsored post ay may awtomatikong pagtanggap sa mga imposisyon ng kompanyang handang magbayad nito.

Ano ba ang mas mahalaga sa isang blogger? Bakit ba siya pumasok sa blogging? Nais ba niyang mangalap ng salapi o magmulat ng nakararami? Intensiyon ba niyang manloko o magmulat ng mga tao?

Maraming dahilan para mag-blog, pero sana’y huwag maging pangunahing layunin ang kumita mula rito.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

17 thoughts on “Huwag kang mag-blog kung…”

  1. Finally, may nagsalita na rin tungkol dito. Marami akong kakilalang gumagawa nito. I even tried this myself. But at the end of the day, any writer worth his salt will realize that he’s only contributing to the mounting amount of crap on the net.

    I even read a medical blog written by somebody who’s not even a doctor. So thanks for this post, sir!

    – Ced S.

    Reply: Thanks for your comment. I think this phenomenon is called “stealth advertising” and this seems to be the trend in both old and new media. All the best!

  2. Prof. Arao, ilang beses na sigurong napag-usapan ang kaibahan ng periodista sa blogger. Bagamat merong periodista na blogger rin katulad mo, merong ding mga blogger na naging periodista.

    Pero meron ding mga blogger na blogger lang talaga, na me sariling domain, kaisipan at adhikain. Kung kasama sa adhikain nilang ito ay ang kumita galing sa isang blog na pinagkakagastusan din naman nila, masama ba yun?

    Hindi naman ako periodista at hindi ko rin namang inaasam na ituring akong periodista. Kumikita ako (kahit maliit lang) sa aking blog — dapat bang itigil ko ito dahil sa opnion mong ang blogger na kumikita sa pagsusulat sa blog nya ay nanlilinlang ng mga tao?

    Your blog post is uncalled for and casts unfair aspersions on people who earn money from their blogs. It also presumes that other people who read blogs are so gullible that they will believe everything they read.

    A little more open-mindedness on your part won’t hurt.

    Reply: Thanks for your comment. If you would read carefully my column article, I only pointed out the deception involved in schemes that package advertising as part of media content (e.g., blog posts). Whether we like it or not, there is deception involved whenever an online visitor is given the impression that a hyperlink from an image or text is part of the blogger’s content. There is nothing wrong with having advertising content for as long as these are clearly separate from the blogger’s media content.

    If I were not open-minded, I would have made a wholesale indictment of blog advertising and blog monetization. I would have also called for the outright rejection of all means to earn from blogs. Please note that what I take issue on is the element of deception in earning, as this is done at the expense of online visitors who are not necessarily gullible but may be easily hoodwinked by stealth advertising.

  3. guilty ako sa pag-cocostumize ng ad links dati. iniba ko yung kulay para nga magmistulang natural na kasama sa blog. oo, gusto ko dati kumita gamit ang ad placement. pero kailanman di ko ginawang sangkalan ang mga nilalagay para lamang kumita. (aminado nga lang ako na nagpupumilit akong mag-inggles para masaklwa ko ang merkado ng mambabasa ng inggles) hindi ko binobola ang google, o kung sinu mang pontio pilato. minsan pa nga’y nangeenganyo ako ng ibang porma ng kontra-gahum tulad piracy, na sa palagay ko ay isang porma ng subersyon mula sa pagdodomina ng kapangyarihan sa kultural na kapital.

    at ayun nga, tinanggal ng google ang ads sa page ko. masama ba loob ko? oo, naka-$12 nako — 540 pesos din yun sa palitan, na sa nahirapan pa akong abutin. pero napagtanto ko rin na, tama ka nga, hindi dapat yung ang motibasyon ko. masasabing pinaloob at pinilit ko pa rin ang sarili sa kagustuhan ng kapangyarihan. nga lang, mukhang di ako swak sa pamantayan nila. hihihi.

    kaya sasagutin ko ang tanung mo – ako ay nagbloblog para maipakilala ang ilan sa periphery, na pakiramdam ko’y parte rin ako. na bagama’t hindi pa rin ganun kalawak at kabangis ang saklaw at suri, ay nagtatangka pa rin.

    at syempre ang ultimong motibasyon – pag-ebeg. hay, pag-ebeg nga naman. mabuhay ang lahat ng umeebeg!

    Sagot: Maraming salamat sa makabuluhang komento mo. Walang masama sa customization basta’t ang mga patalastas ay hiwalay sa aktuwal na laman ng blog. Alam ko namang hindi ka tinamaan ng sinulat kong ito dahil may malinaw kang pulitikal na direksiyon sa blog mo. Mabuhay ka!

  4. i guess it depends on one’s goals as a blogger. i used to think the same way. i totally shunned blog monetization when it first came out, but i’m more tolerant of sponsored blogs now. i tried monetizing my own lately, but i still can’t stand “clutter” in my blog, that’s why i don’t earn at all. i still go for the “content is king” rule. maybe it’s the writer in me.

    Reply: Nothing wrong with blog monetization per se. It’s the deception that we must avoid. I guess the College has taught you well. All the best!

  5. Ngunit ano nga ba ang etikal sa mundo ng blogging? Saan natin ibabase ito? Dahil na rin sa sinabi mong ibang-iba ang pagiging peryodista at pagiging blogger, bakit natin ginagamit ang etika ng isang peryodista sa pagsukat ng isang blogger?

    Hindi pagkita ng pera ang pangunahin kong layunin sa paggawa ng blog. Ngunit hindi ko naman sasabihin na masama na gawing ito ang pangunahing layunin ng isang blogger sa kanyang pagsusulat.

    Matalino ang tao. May kakayahan siyang suriin ang binabasa niya.

    Sagot: Ang mga sagot sa tanong mo ay makikita sa dati kong kolum na pinamagatang “Gusto mo bang mag-blog?” Kung gusto mo ng mas detalyadong sagot, maaari mong basahin ang papel na sinulat ko para sa WordCamp 2008 na pinamagatang “Blogging and Journalism in the Philippines: Journalistic Blogging for the People.” Maganda rin sigurong abangan ang isyu para sa Oktubre 2008 ng PJR Reports (inilimbag ng CMFR) dahil ang updated version ng aking papel sa WordCamp ay kabilang dito. Isinama ko sa artikulo ang ilang tanong ng mga partisipante sa WordCamp. Tungkol naman sa punto mong walang masama kung kumita ng pera sa blogging, wala tayong debate rito: Pero kung ang pagkita ng pera ay mula sa panloloko sa paraang nabanggit ko sa akign kolum, doon makikita ang problema dahil lumalabag ito sa etika. Hindi ito usapin ng katalinuhan ng mga tao, dahil may respeto tayong ibinibigay sa mga online visitor. At ang respetong ito ay dapat na makita rin sa pagbibigay ng makabuluhang impormasyon sa kanila, hindi lang ng mga patalastas o sponsored post na maaaring makalinlang sa kanila. Salamat sa komento mo.

  6. Guilty ako sa mga sponsored posts at sa ads. Pero ang akin lamang, kumukuha ako ng mga ads sa sponsored posts basta makakarelate ako. Yung talagang ako mismo. Ang iba kasi, gumagawa pa ng mga kathang-isip na sitwasyon para lang sa sponsored post. I think this is okay for me. Kayo sir? Watchatink?

    Sagot: Sa pamantayan ng etika, hindi sapat ang dahilang “nakaka-relate” ka sa pagtanggap ng mga patalastas o sponsored post. Kailangan sanang may makabuluhang impormasyong puwedeng maghubog sa opinyong pampubliko. Ang pagsusulat kasi (sa blog man o hindi) ay hindi dapat tingnang pansariling gawain lang, dahil nagkakaroon ito ng panlipunang dimensiyon ito oras na magdesisyon kang ipamahagi ito sa publiko sa kung anumang paraan.

  7. gian paolo, palagay ko hindi lahat ng gumagamit ng internet may kakanyahang suriin ng maayos ang binabasa niya. hasty generalization ito sa isang heterogenous entity. palagay mo bakit magkakaiba ang score natin sa reading comprehension exam? dahil magkakaiba ang antas ng kultural na kapital. bukod pa dito, malawak ang pinangagalingan ng bawat mambabasa. sabi nga ng isang kritiko, the written word is dangerous in such sense that the writer has no control over it anymore.

  8. Nakakalungkot isipin pero marami na talaga ang mga Pinoy na pumapasok sa blogging hindi para makapaglahad ng kanilang saloobin, kundi para kumita lamang ng pera. Marami sa kanila ang nabubulag sa kinang ng pagyaman kaya naman kahit ano ay papatusin nila para kumita, tulad ng sponsored posts.

    Ako ay kumikita sa aking blog. Pero sa paraan lamang ng pagkita gamit ang mga advertisements mula sa ibang kumpanya at maging sa Google Adsense. Kailanman hindi ko pinatos ang “Sponsored Posts” dahil sa mga sumusunod na dahilan:

    – Para sa akin, ang sponsored posts ay nagpapa-distort ng imahe ng isang produkto. Dahil sa sponsored posts, marami kang mababasa na ang isang produkto ay kunwari maganda. Pero kapag nabili mo na ito, malalaman mo na hindi pala. Pinaganda lang ng sponsored posts. So dahil dito, di mo na malaman kung talagang totoo nga ba ang mga pinagsasabi tungkol sa isang produkto.
    – Nakakawala ng kredibilidad ang isang sponsored post para sa isang blogger. Gusto ko kung may irerekomenda akong isang produkto ay dahil gusto ko iyon at hindi dahil binayaran ako para irekomenda iyon.

    Pero ito ay aking opinyon lamang kung bakit hindi ako sumasali sa sponsored posting. Meron mga taong ok lang sa kanila ito kahit na sa mga dahilan na aking nasabi sa itaas.

    In regards sa Google Adsense, oo, marami ngang bloggers ang gumagawa ng mga nabanggit mo (paglgay sa pinakataas ng blog para madaling makita, paglagay sa loob ng blog post para magmukhang kasama siya ng artikulo) para dumami ang clicks sa mga ads pero hindi natin pwedeng sabihin na ang Google Adsense ay tahakang panloloko.

    Marami naman ang gumagamit ng Google Adsense sa maayos na paraan at nilalagay ito sa mga lugar na hindi nakakaabala sa mga mambabasa. Nakadepende na sa blogger mismo kung gagawin nya ang mga tips na sinasabi nila para dumami ang click ng mga mabaasa dito.

    Hindi porket may mga Google Adsense na sa isang site ay pwede na nating sabihin na nanloloko ito. Para lamang ito mga advertisements sa isang draryo. Pwede kong ilagay ang mga advertisements ko sa draryo kung saan ko gusto.Kahit sa tabi man ito ng isang artikulo, o malayo mula rito.

    Maraming salamat sa iyong magandang artikulo. Nais ko pong marinig pa ang iyong mga nasasaisip tungkol sa isyu na ito. Happy blogging!

    (Isang klaripikasyon lamang po, hindi mo po pwedeng baguhin ang laki ng sulat sa Google Adsense.)

    Sagot: Salamat sa iyong mahaba ngunit makabuluhang komento. Tama ka sa sinulat mong walang masama sa paglalagay ng mga patalastas sa blog basta’t ang mga ito’y malinaw na hiwalay sa aktuwal na laman tulad ng posts at static pages. Hindi tahasang panloloko ang paggamit ng mga ad network tulad ng Google Adsense, at alam kong may mga katulad mong matinong gumagamit ng mga ito. Sayang at wala lang tayong datos para magpakita ng bilang ng matitino at ng mga “hindi masyado.” Sa aking palagay, maling sabihing intensiyonal ang panlolokong ginagawa ng ibang blogger. Baka naman wala silang sapat na gabay, o tahasang mali ang naggagabay sa kanila. Tungkol naman sa klaripikasyon mo: Puwedeng magmukhang maliit ang mga nakasulat sa Google Adsense kung lalakihan mo ang font ng mga nakapaligid na teksto rito. Ang ganitong ilusyon ay isang teknik sa publication design and layout, isang kursong itinuturo ko. Muli, salamat at mabuhay ka!

  9. very timely ang paglathala ng iyong artikulo… congratulations…

    nais ko lamang iparating na ang konsepto ng pag-ba-blogging sa maling paraan kung saan kikita ng malaki ang bawat blogger ay pinalaki lamang ng programang mel and joey… kung inyong matatandaan ang partikular na episode ng mel and joey about sa pagkakaroon ng kita sa blogging ay naging masyadong sensational sa mata ng mga manonood… dahilan kung bakit maraming naengganyo sa pagba-blog dahil na din sa konseptong “easy-money”

    ang hindi alam ng mga tao, ang tunay na layunin ng pagba-blog ay upang makapamahagi ito ng mga impormasyon sa mga taong gumagamit ng internet… kung baga, ang pagkakaroon ng kita mula dito ay secondary na lamang… just my two cents… thank you!

    Sagot: Pasensiya na’t hindi ko napanood ang episode na ito (Sige na nga, bihira talaga akong manood ng Mel and Joey). Sayang at mali ang pagtrato sa isyu. Ang opinyon mo ay higit pa ang halaga sa dalawang sentimo. Salamat at mabuhay ka!

  10. Ang isang tao, kung sa palagay niya ay hindi niya kayang suriin ng maayos ang kanyang nababasa, eh nararapat lamang gabayan ng isang taong mas nakakaintindi, hanggang sa dumating ang panahon na kaya na niyang suriin ang kanyang binabasa. Natututunan iyan at hindi ekslusibo sa isang grupo ng tao.

    Sagot: Tama ka, pero dapat piliing mabuti ang pagsangguni sa mga taong sa tingin mo’y nakakaalam. Ang katotohanan ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang interpretasyon, depende sa paniniwala ng mga kakausapin.

  11. sangayon akong natutunan ang wastong pag-susuri.

    tanung ko lang, paanu kung hindi malay ang isang tao na hindi maayos ang pagsusuri nya? pangalawa, paanu kung ang hiningan nya ng tulong ay hindi rin maayos ang suri, o umaasta lang na maayos ang suri?

    muli, sangayon rin akong hindi “dapat” ekslusibo ang kaalaman sa mangilan-ngilan. nga lang, sa kasalukuyang istruktura, ganun ang iskema. mas mahirap mangalap ng kaalaman kung walang pambayad.

    p.s. sir a, patawad, nakikigulo lang. hihi.

    Mahabang sagot:

    Magagandang tanong!

    Tungkol sa una, tandang tanda ko pa ang sabi ng aking titser sa elementarya noon: “Ignorance excuses no one.” Sa pag-aaral ng etika (peryodismo man o kung ano pa), parating idinidiin ang katotohanang nagkakaroon ng paglabag sa mga pamantayan kahit na hindi ito ang intensiyon ng isang tao. Nangyayari ito kung hindi nalalaman ng isang tao kung ano bang mga pamantayan ang dapat obserbahan. May kasalanan din siya rito dahil kailangan niyang pag-aralang mabuti ang mga ito. Pero sa aking opinyon, may “mitigating circumstance” (kumbaga sa batas) kung mabilis na aaminin ng isang tao ang kanyang pagkakamali oras na malaman niya ang anumang (hindi intensiyonal na) kasalanan niya.

    Kung sakaling humingi siya ng gabay sa isang taong wala ring alam, sino kaya ang may pagkukulang? Hindi ba’t ang tao ring pumili ng taong pagtatanungan niya? Babalik pa rin tayo sa pangangailangang maging maingat sa pagpili ng pagsasanggunian, tao man, libro o website. Alam natin, halimbawa, ang malaking kaibahan ng kalidad ng pananaliksik sa Britannica at Wikipedia.

    Maraming salamat sa iyong “panggugulo.”

  12. salamat sa iyong reply… kung nais mong mapanood ang particular na episode na sinasabi ko, makikita mo syang naka-embed dito sa link na ito: http://www.starmometer.com/2007/08/23/yuga-and-blogging-on-mel-and-joey/

    ang original na video ay hindi makita sa youtube… pasensya na… paki-analisa pong mabuti kung tama ang aking pagkakasabing masyadong na-sensationalize ng mel and joey ang usapin tungkol sa blogging… just check mel tiangco’s way to deliberate it…

    thank you po!

    Sagot: Salamat sa hyperlink. Panonoorin ko ito sa Huwebes pagbalik ko sa UP.

  13. Hmm.. tama po kayo. Yung mga taong nag-papaid posting hindi alam na hindi pala tama yung ginagawa nila. Syempre malaki at mabilis ang kita sa paid posting, natural lang na patusin nila yun.

    Dapat nga magkaroon ng gabay ang mga Pinoy na nagbabalak na gumawa ng blog. Matagal ko naring adhikain sa blog ko ang pagpapaalala sa Pilipino na ang pagbloblog ay hindi lamang ginagamit para kumita ng pera. Nawawala na ang essence ng blogging.

    Yung sinsasabi ni Yatot tungkol sa Mel and Joey, nagsulat narin ako about dyan. Sinabi ko dun na masyadong nagfofocus ang media sa “pagkita ng pera mula sa blogging” at hindi man lang ipakita ang tunay na use nito.

    Mababasa ang aking artikulo tungkol sa isyu na ito dito –> http://www.pinoyblogero.com/adding-to-the-misconception-on-blogging/2007/09/03/

    (Ang paglalaki ng font ng nasa paligid para magmukhang maliit ang font ng adsense ads, hmmm…. ngayon ko lang narinig yung technique na yun pero mukhang effective kung iisipin)

    Maraming salamat sa iyong pagreply.

    Sagot: Sige, basahin ko ang artikulo mo. Yun tungkol sa pagpapalaki ng font o kahit ng visual element ay isang paraan para magbigay ng ilusyong maliit ang mga katabing elemento nito. Ayaw ko mang bigyan ng ideya ang ilang mambabasa, puwede mong “paliitin” ang mga katagang “Ads by Google” sa pamamagitan ng mapanlikhang paglalagay ng teksto o iba pang litrato sa tabi nito. Pero mas epektibo ito sa Bidvertiser dahil mas maliit na ang rendering ng ad declaration sa ibaba nito. Tungkol naman sa pagkakaroon ng gabay, binuo ng CyberJournalist.net ang Blogger’s Code of Ethics noon pang 2003 pero mukhang kailangang rebyuhin ito para maging malinaw ang alituntunin tungkol sa sponsored posts at, siyempre pa, ang paglalagay ng mga patalastas. Tahimik din ang kodang ito sa angkop na disenyo at layout ng mga blog. Magandang proyekto itong puwedeng simulan ng mga kaibigan natin sa PBS at WordCamp.

  14. palagay ko walang “tunay” na gamit ang pagblo-blog. kung nais ng taong ibenta ang talambuhay, bakit hindi? para sakin, meron nga lamang mas “kapakipakinabang.” di ba? bakit hindi natin tawirin ang personal na drama tungo sa isang kolektibong trahedya.

    Sagot: Tama ka, dahil ang “tunay” ay depende sa interpretasyon ng tao. Kaya nga ang kailangan natin ay malilinaw na pamantayan (o standards) para magkaroon ng pagkakaisa kung ano ba ang nararapat at, gaya ng sinulat mo, “kapakipakinabang.” Masyado talagang nakapokus sa personal ang blogging kaya hindi masyadong napapansin ang papel nito sa pagkakaisa sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos. Salamat sa muli mong pagkomento!

  15. i see your point on this one. i also don’t like deception and sponsored positive reviews, fairly common to mainstream media, and now quite prevalent in blogs. I still read some of them but their reviews are taken with a grain of salt

    Reply: Thank you for your comment. The only problem is that paid post websites tolerate such deception and even use it as a marketing strategy to attract sponsors/advertisers. I agree that we should not accept hook, line and sinker whatever we read, see or hear in the media both old and new. All the best!

  16. i agree. dapat talaga hindi lang para kumita ng pera ang dahilan ng mga bloggers.. noon sinubukan ko na rin ang sumali sa mga blog monetizing sites kagaya ng blogsvertise, pero hindi ko inaabuso ang aking blog, halos 1 o 2 sponsored post/s lamang kada buwan. kahit na dumadami na yung mga bloggers na ganon ang dahilan madami pa rin namang bloggers na hindi ganun. hindi naman kasi natin sila masisisi ang hirap na kasi ng buhay..

    Sagot: Salamat sa komento. Wala namang masama sa paglalagay ng mga patalastas sa blog hangga’t malinaw ang pagkakaiba ng blog entries sa mga ito. Magkaiba ang opinyon natin sa sponsored posts, pero ang maaaring kompromiso sa puntong ito ay magkaroon ng disclosure na ang isang post ay sponsored. Mabuhay ka!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.