Regalo sa iyong ika-40 kaarawan

N.B. – This was published in the October 31-November 6, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/10/regalo-sa-iyong-ika40-kaarawan.

Para sa iyo, madaling isulat ang mga bagay na hindi kayang panindigan. Dahil nagtatrabaho ka sa bangko, alam mong may mga taong hindi tumutupad sa kanilang mga pangako, kahit na ang huli ay malinaw sa kontrata.

Ibahin mo sana ang mga responsableng peryodista. Ibahin mo sana ako.

Sa ating kasal noong Disyembre 28, 2004, nangako ako sa harap ng ating mga kamag-anak at kaibigan na aalagaan kita’t paliligayahin. Mag-aapat na taon na tayong mag-asawa, at aaminin kong sa paglipas ng panahon ay tila dumarami ang aking mga pagkukulang.

Hindi na kailangang isa-isahin pa ang mga ito dahil napakatalas ng iyong memorya. Sigurado akong natatandaan mo pa ang madalas kong litanya sa iyo noon: ”Mababaw lang naman ang mga pagkukulang ko, at nagtataka ako kung bakit pinapalaki mo ang mga bagay na ito.”

Pero sa aking pagsusulat ng saloobin ko, naisip kong hindi naman ito usapin ng kababawan o kaseryosohan ng mga pagkukulang, kundi ang aktuwal na pagkakaroon ng mga ito.

Mainam sigurong balikan natin ang pangako sa isa’t isa noong tayo’y ikasal sa Parish of the Holy Sacrifice, Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman.

Ang sabi ko noong umaga ng Disyembre 28, 2004, sa wikang Ingles, ”Ours is neither a long engagement nor a whirlwind romance. Thanks to modern technology, our physical distance was not a hindrance to the expression of our mutual affection. I once said that I will love you forever, and in the presence of our family, friends and colleagues, I repeat that promise. I will do anything for you, as manifested by my vain attempt to sing for you today. I will be a good husband and father. As I remain committed to the struggle for meaningful change, I assure you that I will always have time for you and the family we will build together. At this point in my life, personal ambition does not matter anymore since you are right here with me. For me, this is my most fruitful year, not because I won a journalism award, but because I have the biggest reward of all – YOU.

Napakaganda ng naging sagot mo: “Before I met you, I was already resigned to living a single life; I pictured myself living alone in the province, focused on career development and other advocacies. But when I met you, I began to see a different future: the two of us living happily together with our children. Yes, ours is neither a long engagement nor a whirlwind romance. We can call it a three-quarter romance. Since April, we have used practically all means of communication like snail mail, landline, SMS and email. Finally, this December in this place where we first asked for blessing, I walk down the aisle with a firm commitment to make our marriage work. I promise to be a good wife to you and a good mother to our children. Indeed, our marriage is also my biggest reward as I cap this memorable year with a life-changing decision.

Isang salik ng makabuluhang relasyon ang pagiging mapagbigay, at hindi masukat ang mga sakripisyo mo para lang sa akin. Malaking bagay na, halimbawa, ang paglipat mo mula sa komportable’t masaganang buhay sa Bikol para makipagsapalaran dito sa Maynila.

Dahil sa oryentasyon ng aking mga trabaho bilang guro’t peryodista, isang kakulangan ko ang hindi paglalaan ng mas mahabang panahon sa iyo. Maituturing na ”kaaway” natin ang oras dahil sa dami ng aking ginagawa.

Maraming bagay na kailangang isulat, maraming pagtitipong kailangang puntahan, maraming gawaing kailangang gampanan. Noong hindi pa tayo mag-asawa, madalas na biro ng mga kakilala ko ang kawalan ng panahon ko para sa sarili, o kahit simpleng pagtulog lang. At kapag sinasabi nilang ”malas” ang mapapangasawa ko, mabilis ko silang sinasagot na wala akong intensiyong ”magpasakal.” Pero siyempre’y masaya ako sa sitwasyong kinain ko ang aking mga salita noon.

Siguro’y madalas mong iniisip ang ”kamalasang” pinagdaraanan mo ngayon dahil napakasakit talagang hindi ko nasusuklian ang mga sakripisyong ginagawa mo. At masasabi kong may positibong epekto ang mahusay mong pag-aalaga mo sa akin: Maraming nagsasabi, halimbawa, na mas kagalang-galang na ang hitsura ko ngayon kaysa noong wala ka pa sa buhay ko.

Pero higit pa sa (diumanong) pagbabago ng pisikal kong hitsura, natuto akong pangalagaan ang aking kalusugan. Kahit na marami pa rin akong gawain (at talagang nakakairitang minsa’y kailangan kong dalhin ang mga ito sa bahay), mapapansin mo ring nababawasan na ang mga ito dahil na rin sa payo mo.

Ano naman ang nagawa ko para sa iyo? Aaminin kong madalas akong nagiging sakit ng ulo dahil mas nabibigyan ko ng prayoridad ang trabaho ko. Sa ilang panahong kailangan mo ako, kapansin-pansin ang pagkawala ko sa tabi mo.

Gusto kong kunin ang pagkakataong ito para sabihin sa iyong pinipilit kong baguhin ang aking maling aktitud. Alam kong tulad ng pakikibaka para magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa ating lipunan, ang ating relasyon bilang mag-asawa’y kailangan ding paunlarin.

Tanggapin mo sana sa pagkakataong ito ang munting regalo ko – ang pagbibigay ng nakasulat na pangakong mas magiging mabuting asawa sa iyo at ang paninindigang tutuparin ito hanggang sa ating pagtanda.

Maligayang ika-40 kaarawan, Joy!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Regalo sa iyong ika-40 kaarawan”

  1. this is so sweet prof danny!…. hangad ko ang kaligayahan ninyong dalawa ni ms. joy…

    Reply: Thanks for your message. Joy and I also wish you the happiness you so rightfully deserve, the social crisis notwithstanding.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.