Sa okasyon ng aking pansamantalang paglisan

N.B. – This was published in the February 27-March 5, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2009/03/sa-okasyon-ng-aking-pansamantalang-paglisan.

Ganito pala ang nararamdaman ng isang overseas Filipino worker (OFW). Marami mang kailangang dalhin sa matagal na paglisan, mas marami pa ring kailangang iwanan.

Mabigat ang iyong pakiramdam habang nag-iisip ng mga dadalhin sa isang bansang kakaiba ang kultura sa Pilipinas. Tuwang-tuwa man ang mga kaibigan sa iyong pag-alis, kapansin-pansin pa rin ang itinatagong lungkot bunga ng napipintong matagal na hindi pagkikita. At masaya ka man sa oportunidad na hatid ng pangingibang-bansa, nariyan pa rin ang pag-aalala sa maaaring mangyari hindi lang sa iyo kundi sa mga maiiwang mahal sa buhay.

Para sa mga kaibiga’t kamag-anak na hindi matatawaran ang malasakit sa iyo, alam mong hindi kayang tapatan ng anumang regalo o padalang perang ibibigay mo ang pangungulila sa iyong presensiya. Hahanap-hanapin nila ang iyong halakhak, ang iyong kakaibang lakad, ang iyong makulit na pang-iirita, ang mga paborito mong paksa sa oras ng kuwentuhan. Oras na maalala ka nila, asahan mong magkakaroon ng pansamantalang katahimikan bago may maglalakas-loob na baguhin ang paksa para itago ang kolektibong kalungkutan.

Kung malungkot sila, paano na lang ang katulad mong mag-isa sa dayuhang bansang walang halos kakilala’t ni hindi mo pa alam ang wikang ginagamit? Kaya bang mapawi ang lungkot ng panonood sa telebisyon at pag-alam sa mga pinakahuling balita sa Pilipinas? Kaya bang palitan ng komunikasyon sa pamamagitan ng telepono o Internet ang pisikal na pakikipag-usap sa mga mahal sa buhay? Aminin mong sa kabila ng pag-unlad sa teknolohiya, iba pa rin ang pakiramdam ng personal na pakikiharap sa mga tao, lalo na sa mga mahal sa buhay.

Duda akong magkakaroon ng teknolohiyang kayang ibigay ang pakiramdam ng halik at yakap ng isang minamahal. Walang anumang makinang makakayang pabilisin ang tibok ng puso sa paraang hindi ka mamamatay kundi lalo pang mabubuhayan ng loob. At lalong walang alak o drogang may kapasidad na pasayahin ka nang hindi tinatakasan ng katinuan.

Puwede mong sabihing isang kabaliwan ang mangibang-bansa para lang kumita. Nasaan ang lohika ng pag-iwan sa mga mahal sa buhay para sa kanilang kinabukasan? Bakit hindi ka na lang magtiis sa Pilipinas at pagtiyagaan ang maliit na suweldo? Hindi ba’t kung magtitiyaga ka lang ay uunlad ka rin sa buhay? Pero ilang beses mo nang tinanong ang mga ito sa iyong sarili at iisa lang ang parating sagot: Ang pag-asa ng pinansiyal na pag-unlad ay nasa ibang bansa hangga’t ang Pilipinas ay pinamumunuan ng mga tiwali’t walang pakundangan.

Ganito pala ang nararamdaman ng isang OFW. Pero masasabing mo sigurong hindi hamak na mas maganda ang kalagayan ko at wala akong karapatang magreklamo. Unang una, hindi ako napipilitang mangibang-bansa: Tinanggap ko ang alok ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na pinagtatrabahuan ko na maging isang visiting professor sa Hannam University sa Korea.

Ang aking napipintong paglisan ay isang taon lang, at sigurado akong may babalikang trabaho pagbalik sa Pilipinas. Dahil may sapat na naipon ang aking asawa, puwede niya akong paminsan-minsang bisitahin. Sa katunayan nga’y sasamahan niya ako sa aking pagbiyahe sa Korea at nangako siyang mananatili sa piling ko nang dalawang linggo.

Hindi tulad ng maraming OFW na pinagmamalupitan ng kanilang amo, imposibleng mangyari sa akin ito dahil may iniingatang reputasyon ang dayuhang unibersidad na pagtuturuan ko, bukod pa sa proteksiyong handang ibigay ng UP.

Sa isang banda, may katuwiran kang sabihing wala akong karapatang magreklamo. Pero hindi mo ako masisisi sa nararamdamang kalungkutan.

Ayaw ko mang iwan ang Pilipinas, kailangan kong pansamantalang umalis para sa propesyunal at pinansiyal na pag-unlad. Sa aking pag-iimpake, tila bumibigat ang mga bagay na dapat na magaan at tila nakikiusap ang lahat ng nasa paligid na isama ko sila sa aking pagbiyahe.

Kung puwede ko lang dalhin ang buong Pilipinas at pagkasyahin sa maleta, siguradong gagawin ko ito. Bukod sa personal na hangaring mapawi ang kalungkutan, nais ko ring bigyan ng oportunidad ang nakararaming mahihirap na magkaroon ng propesyunal na pag-unlad at gamitin ang natutuhan sa kanilang pagbalik sa Pilipinas.

Pero dahil malinaw na ang pangingibang-bansa para sa maraming Pilipino ay dahil sa mahigpit na pangangailang kumita ng pera, hindi mo na siguro ako huhusgahan kung magdesisyon akong itapon ang ilang bagay sa maleta oras na makalipad ang eroplano.

Nararapat kasing ihulog sa eroplano ang mga opisyal ng pamahalaang parating nalulusutan ang pandarambong sa kaban ng bayan. Kaya nga ba nilang gawin ang lahat? Patunayan nilang kaya nilang lumipad! Sa kanilang pagbagsak sa lupang inagaw at inangkin nang pagkatagal-tagal, mapapangiti ako habang nakatingin mula sa bintana ng eroplano.

Sadyang mapaglaro ang imahinasyon tuwing nakatingin sa isang napakalaking maletang simbolo ng bagaheng dala-dala ng mga pinagkaitan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

3 thoughts on “Sa okasyon ng aking pansamantalang paglisan”

  1. tingin ko maganda ang kalalabasan ng iyong pag-alis. bukod syempre sa (sana’y) mas malaking sweldo, mas lalawak pa ang matututo ng progresibong pamamahayag. yun nga lang, mahirap ipagpalit ang mga sandaling, pag pinagsamasama ay isang taon din pala. pero palagay ko, ito ang mangilan-ngilang pagtitiis na magbubunga.

    ingat po sa byahe. pasalubong ng kwento.

    Sagot: Maraming salamat sa komento. Hindi hamak na mas malaki ang suweldo sa pamantayan ng UP, pero aaminin kong puwede ko rin namang kitain ang halagang makukuha ko sa Korea mula sa tuluy-tuloy na pagtanggap ng mga pagsasanay sa loob at labas ng bansa, bukod pa sa iba pang proyektong may kinalaman sa editing at pagsusulat. Problema lang, hindi talaga peryodismo ang ituturo ko kundi komunikasyon na mas malawak ang saklaw. Pero ipipilit ko siyempreng magsulat ang mga estudyante sa Korea ng mga bagay na may katuturan. Salamat at mabuhay ka!

  2. na-curious lang ako, anu, specifically, ang inyong ituturo? kung communication theory po yan, baka pwedeng humingi ng kopya ng curriculum at listahan ng readings. gusto ko kasing mabigyang direksyon ang pagbabasa ko hinggil sa comm theories. parang sit-in baga.

    Sagot: Hindi ko ituturo ang comm theory. Tatlong kurso ang hahawakan ko – Global Communication, Persuasive Communication at Organizational Communication. Magkahalong teorya at pagsasanay sa komunikasyon ang gagawin ko, at duda akong makakatulong sa iyo ang syllabi na inihanda ko dahil medyo spesipiko ang mga ito sa pangangailangan ng mga Koreanong estudyante na mas gustong pahusayin ang kaalaman sa wikang Ingles.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.