Pakikibaka sa lamig ng Daejeon at iba pang sentimyento de asukal

N.B. – This was published in the March 13-16, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2009/03/pakikibaka-sa-lamig-ng-daejeon-iba-pang-sentimyento-de-asukal.

DAEJEON, Timog Korea – Paano mo ba isasalarawan ang pangungulila sa kabila ng komportableng tinutuluyan at ang pansamantalang pagsama ng mahal mo sa buhay sa iyong pagbiyahe?

Wala naman akong masasabi sa akomodasyong ibinigay ng Hannam University (HNU) sa aking pamamalagi bilang visiting professor sa loob ng isang taon. Malinis at maaliwalas ang tinutuluyan naming yunit. Hindi ito basta-basta mapapasok ng magnanakaw dahil may high-tech na security system hindi lang ang aming pintuan kundi ang mismong pasukan ng gusali. May ilang gamit nang naroon at magandang klaseng refrigerator, washing machine at lutuan ang ginagamit namin ngayon. Sa katunayan, humingi pa nga ng paumanhin ang ilang kaibigan sa HNU dahil segunda-manong sala set at study table lang ang kaya nilang ilagay sa aming yunit. Sa loob-loob ko, bakit pa nila kailangang magpaliwanag samantalang matitibay pa naman ang mga ito? Kung sabagay, iba talaga ang kultura’t pamantayan ng isang newly industrialized economy tulad ng Korea.

Bukod pa rito, hindi hamak na mas malaki ang opisina ko sa HNU Linton Global College (LGC) kumpara sa iniwang opisina sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Napakalaki’t napakarami ng apat na bookshelves at tatlong filing cabinets, halimbawa, para paglagyan ng tatlong libro’t ilang dokumentong dala ko mula sa Pilipinas. Bukod sa sariling mesa na napakalaki rin, may isa pang medyo maliit na mesa para sa assistant na maaaring kunin ko (pero duda ako kung kakailanganin ko ito). At alam mo bang mayroon ding conference table na may anim na malalambot na silya sa loob ng aking opisina, bukod pa sa isang malambot na pandalawahang sofa?

Sadya namang napakalinis ng kampus at kapansin-pansin ang naglalakihang puno’t napakaraming halaman sa paligid ng mga gusali. Mainam para sa paglalakad ang paligid ng kampus dahil sa malalawak na sidewalk. Para naman sa mga may sasakyan, hindi rin problema ang paradahan.

Kung noon ay masyadong magaan para sa akin ang 12 yunit o apat na kursong tinuturo sa UP, ngayon ay hindi hamak na mas magaan ang siyam na yunit o tatlong kurso bawat semestre. Para sa semestreng ito, ang itinuturo ko ay Global Communication, Organizational Communication at Persuasive Communication 1.

Ang spring semester ay nagsimula noong Marso 2 (na hindi ko naabutan dahil dumating kaming mag-asawa noong Marso 5) at nakatakdang matapos sa Hunyo 19. Ang fall semester naman ay mula Setyembre 1 hanggang Disyembre 13. Kahit na hindi ako magtuturo sa Hulyo’t Agosto, gayundin sa Enero’t Pebrero ng susunod na taon, patuloy pa rin akong kukuha ng suweldo mula sa HNU!

Dahil nakapagklase na ako sa tatlong kursong hawak ko, masasabing maganda naman ang pakikitungo ng mga Koreanong estudyante sa kanilang guro. Mapapansin ang respeto sa pamamagitan ng seryosong pakikinig. May ilan sa kanilang yumuyuko pa tuwing makakasalubong mo sa loob at labas ng kampus. Hindi mo na kailangan pang batiin sila dahil sila mismo ang babati sa iyo.

May nagsabi sa aking mahirap para sa isang Koreanong estudyanteng sumagot sa tanong ng isang guro kung hindi siya tinatawag, pero hindi ko naman napansin ito. Ang pagiging mahiyain ng ilan sa mga estudyante ko ay mas maiuugat pa sa kahinaan sa paggamit ng wikang Ingles. Sadyang hindi kayang tugunan ng anumang electronic dictionary na hawak nila ang pangangailangang makipagtalastasan sa dayuhang wikang hindi sila gaanong pamilyar.

Hindi mahirap para sa akin ang sumunod sa ilang patakaran ng HNU-LGC hinggil sa pagtuturo. Una, kahit naman sa Pilipinas ay dumarating ako sa takdang oras ng klase. Pangalawa, alam ng mga estudyante ang oras ng konsultasyon at maaari nila akong tawagan sa aking opisina, magpadala ng email o mag-iwan ng mensahe sa aking blog at website. Pangatlo, bago pa man ako dumating sa Korea ay ipinadala ko na ang aking course syllabi na nakasaad ang mga libro’t iba pang sangguniang gagamitin. Sa madaling salita, alam ng mga estudyante ang dapat nilang asahan sa mga nabanggit na kurso.

Ang tanging nakakapanibago lang sa akin ay ang pangangailangang magsuot ng coat and tie para magturo. Biro nga ng aking asawa na nagtatrabaho sa bangko, para na akong isang opisyal ng malaking korporasyon sa kasalukuyang porma ko. ”Hindi ako ito,” sabi ko sa sarili ko. Sa kabilang banda, kailangan daw ang ganitong pananamit dahil sa pamantayan ng HNU, isang indikasyon ng pagiging propesyonal ang pagsusuot ng pormal.

Parang konsolasyon na lang sa akin ang malamig na klima na kung saan kinakailangan ang pagsusuot hindi lang ng coat kundi jacket. Ilang araw pa lang ako sa Korea at ngayon ko lang nakita ang pangangailangang magsuot ng maraming patong na damit para lang labanan ang lamig. Nakakaya man ng heater at thermostat sa loob ng opisina’t bahay ang lamig ng panahon, kailangan mo ring tandaang hindi ka maaaring manatili sa loob ng mga ito sa lahat ng panahon. Ang 15-minutong paglalakad mula bahay papuntang opisina ay tila sinusubok ang iyong kakayahan kung matitiis mo ba ang klima ng Korea sa loob ng isang taon. At kailangang tandaang hindi hamak na mas malamig ang panahon pagsapit ng winter o sa pagtatapos ng taong ito at sa maagang bahagi ng 2010.

Siguro’y gusto mo akong tanungin sa puntong ito: Ano pa ba ang hihilingin mo? Bakit mo ba pinoproblema ang isang sitwasyong oportunidad para sa maraming tao? At kung gusto mong maging prangka sa akin: Bakit ba napaka-arte mo?

Tulad ng pabago-bagong panahon sa Korea, hindi ko alam ang aking kahihinatnan sa lugar na ito na totoo namang mistulang paraiso para sa mga galing sa naghihirap na bansa tulad ng Pilipinas. Sa kabila ng mainit na pagtanggap ng mga bago kong kaibigan sa HNU, hindi pa rin maiaalis ang pangungulila. Kahit na nasa tabi ko ang aking asawa, alam kong aalis din siya makalipas ng ilang araw dahil may mga iniwan siyang trabaho’t responsibilidad sa Pilipinas.

Sa aking paghakbang sa labas ng bahay at opisina, alam kong panibagong pakikibaka na naman ang naghihintay para labanan ang panginginig ng katawan. Kailangan ko lang tandaang ang lamig na nararamdaman ay panandalian lamang dahil may init na naghihintay sa aking pagdating sa aking patutunguhan.

Wala itong pagkakaiba sa nangyayari ngayon sa Pilipinas na patuloy pa rin ang pakikipaglaban ng mga pinagkaitan: Dapat nating isiping ang sitwasyon ay hindi permanente at ang panahon ay magbabago.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

4 thoughts on “Pakikibaka sa lamig ng Daejeon at iba pang sentimyento de asukal”

  1. palagay ko’y kinakabahan kang maging kumportable sa sitwasyon mo ngayon. na mahirap nga kung masanay at hanap-hanapin, at ganu’y mgmuryot dahil malayo nga itong mangyari pagbalik. sa huli, sa tingin ko takot ka kasi isa ka sa mga gurong may puso, na alam mong dito ka nga sa pilipinas higit na makakatulong at alam mo/nakikita mo na kailangan ka nga dito.

    Sagot: Siguro nga’y ito ang pinagdaraanan ng lahat ng mga nagtatagal sa ibang bansa. Masaya, malungkot, aburido at minsa’y nabuburyong kahit sa loob lang ng isang araw.

  2. Ginoong Danny,

    Nakakatuwa basahin ang mga sentimyento mo. Maski mahirap sa atin, iba pa rin ang maramdaman mo tuwing naiisip ang ating bayan. Marahil di mo napansin na nakangiti kang mag-isa. Sa atin, lagi kang may kausap at masaya ka na ni hindi ka man gagastos. Tila napakabilis sa atin. Dito sa ibang lugar, napakahaba nang oras at napakatagal ng panahon. Lahat mapapansin mo. Ganyan talaga ang maramdaman pag naging dayuhan tayo.

    That is only the beginning. In time, you will find out and figure it out. For me I spend a lot on phone charges. But travel is truly an irreplaceable educational experience regardless how you decide your future. You don’t have to rush anything, just enjoy the wonderful experience in your new adopted place, including the cold winter.

    This is not to spoil your thoughts, but after I spend so many years outside the country I always felt sad whenever I get back to Philippines though happy to see familiar faces. Maybe it is just the comparison. I am just saying this because there is always sadness when you know something. It is just a feeling but you can always shake with a smile. That is our trademark. We are always smiling. Filipinos are know for light hearted smile.

    Gook luck and more power to you.

    Sagot: Maraming salamat sa komento mo. Mahirap talagang mawala nang medyo matagal, kahit na puwede mong sabihing ang isang taon ay napakaikli lang kung ikukumpara sa taun-taong paghihirap ng mga kababayan natin. Puwede mo pa ngang idagdag na ang Korea ay napakalapit sa Pilipinas kumpara sa napupunta sa ibang kontinente na hindi hamak na kakaiba pa ang kultura. Pero iisa lang ang nararamdaman ng lahat na sadyang mahirap ipaliwanag; mixed emotions kumbaga sa wikang Ingles. Muli, salamat at mabuhay ka!

  3. Sir Danny,

    Naranasan ko rin po iyan nung nag-aral ako sa Ewha Womans University sa Korea rin. Masarap nga lahat, kaya lang napakalungkot, lalo pa mag-isa at higit sa lahat mahal ang mga bilihin. kaya ang mga ka-klase kong Indians (naging kaibigan ko) naghahati-hati kami sa pambili ng tinapay na malalaki naman. Napapagod lang talaga ako sa kayuyuko sa kanila.

    Ang galing po ninyo talaga! Buti naman, at least makikilala ng mga bagong henerasyong Koreano na ang mga Filipino ay hindi lang tiktik-kalawang ng Hanjin!
    Mabuhay po kayo!

    Sagot: Maraming salamat sa komento mo. Katulad mo, madalas ding kaming magtipid sa maraming bagay. Nakabibingi talaga ang katahimikan, lalo na pagsapit ng gabi. Mas magiging matindi ang pangungulila kapag umalis na ang asawa ko para bumalik sa Pilipinas. Mukhang kailangan ko pang alamin ang mga sinabi mong “tiktik-kalawang” ng Hanjin.

  4. you’re so awesome prof. siguro isa ka din po sa aking idolo..im here at daejeon..nagulat ako sa aking nabasa.madami po sana akong itatanong kaso di ko po alam kung paano ko uumpisahan. sana po may time po kau sa aken kung ako po ay bibisita sa hannam university.dito lang po ako sa banseok dong-daejeon… bless you po…

    dito po sa korea time is money sa pinas naman po time is not money.

    waiting for good response…

    Sagot: Maraming salamat sa positibong komento. Puwede kang bumisita sa Hannam kung gusto mo. Magpadala ka lang ng email sa dannyarao[at]yahoo[dot]com. Totoong mahalaga ang oras sa Korea at iba talaga ang kultura dito. Mainam ngang matutuhan ng maraming Pinoy (lalo na ng gobyerno) ang pagpapahalaga sa oras para umunlad tayo. Muli, maraming salamat at mabuhay ka.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.