Iskandalo at peryodismo

N.B. – This was published in the May 22-28, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/iskandalo-at-peryodismo/.

Opo, tungkol ito sa mga sex video ni Dr. Hayden Kho na kumakalat ngayon sa Internet at sa mga lugar sa Pilipinas na nagbebenta ng mga piniratang DVD.

Alam kong sawang-sawa ka na sa isyung ito, salamat sa midyang binigyan ito ng napakahabang oras at napakalaking espasyo. Nitong mga nagdaang araw, tila wala nang iba pang mahalagang isyung dapat pag-usapan sa ating bansang ang mahihirap ay pinapahirapan, pinagkakaitan at, kung hihiramin ang termino ni Katrina Halili, binababoy ng mga nasa kapangyarihan.

Hindi mo aakalaing si Katrina’y magiging boses at mukha ng inaaping kababaihan, pero malinaw na ito’y mahirap na desisyon para sa kanya. Sa halip na magtago sa kahihiyan, pinili niyang lumantad para sabihing siya nga ang babaeng pinagpipiyestahan ngayon ng maraming kalalakihang hayok sa laman. Dahil sa kanyang mga pahayag sa midya, kay Katrina ngayon nakatuon ang atensyon ng mga taong sumusubaybay sa isyu.

Para sa mga nakapanood na ng limang video na inamin ni Hayden na patago niyang kinuha (tatlong MPEG-4, dalawang 3GPP), alam mong may dalawa pang babaeng sangkot sa tinatawag ngayong “Hayden Cam” at “Hayden-gate.”

Kapuri-puri ang mga organisasyong pang-midyang hindi pinangalanan ang dalawang ito na parehong modelo, at ang isa pa nga ay dayuhan. Ito ay sa kabila ng desisyon ng maraming iresponsableng blogger na ibigay ang pangalan ng dalawang ito na piniling manahimik, sa ngayon, tungkol sa kanilang pagkakasangkot. Malinaw na walang pagsasaalang-alang sa karapatan ng iba (lalo na ng mga biktima) ang mga blogger na ito. Ang tanging habol lang nila’y dumami ang kanilang mambabasa kahit ang kalidad ng kanilang blog entries ay basura.

Isang mahalagang tungkulin ng mga peryodista ang magbigay ng makabuluhang impormasyon sa paraang mapapangalagaan ang reputasyon at dignidad ng mga biktima. Hindi dapat hayaang ang karapatan ng mga biktima’y muling malabag dahil sa iresponsableng pagbabalita. Kahit na sabihing kilalang personalidad ang dalawang babaeng ayaw pang lumantad, ano’ng pakinabang ang makukuha ng publiko mula sa pagbibigay ng kanilang pangalan?

Sa panahon ng Internet, napakadaling kumuha ng impormasyon. Ang simpleng paggamit ng Google ay makapagbibigay na sa iyo ng ideya kung saang website pupunta para mapanood ang mga kontrobersiyal na video. Kung marunong kang mag-download ng torrent files, madali para sa iyong makuha ang mga ito. Sa loob lamang ng ilang minuto’y makukuha mo ang buong 216-megabyte video files, isang bagay na mahirap gawin kung mag-download ka mula sa isang website lalo na’t kung limitado ang bandwidth nito.

Mistulang balewala ang restriksiyon ng YouTube sa adult-oriented content dahil napakadali para sa isang taong Internet-savvy na makapag-download ng mga nasabing video. Kung tutuusin, puwede mo pa ngang sabihing hindi na kailangan ng Internet dahil madali kang makakabili ng kopya sa mga lugar na naglipana ang mga piniratang DVD.

Sa kabila ng mga ito, katanggap-tanggap at kapuri-puri ang paninindigan ng mga peryodistang huwag magpadala sa agos ng sobrang impormasyon. Kung nais ng mga mambabasa, tagapakinig o tagapanood na makuha ang datos na sa tingin ng mga peryodista’y hindi mahalaga (tulad ng pangalan ng mga nabiktimang babae), sa iba na lang nila hanapin ang mga ito.

Makakaasa tayo ng patuloy na pag-uulat sa isyung ito dahil mga prominenteng tao ang sangkot sa iskandalo. Pero sana’y maisakonteksto ang tinatawag na “Hayden Cam” sa dalawang bagay: Una ay ang pangangailangang maging tech-savvy ang publiko (partikular ang kababaihang parating biktima ng patriyarkal na kaayusan) sa panahon ng makabagong teknolohiya. Ikalawa ay ang pagtutulak ng Internet censorship ng mga nasa kapangyarihan na ang tingin sa mga sarili’y moralista.

Kahit na sabihing ang anumang ibayong pag-iingat ng kababaihan ay hindi garantiya ng kaligtasan mula sa makamundo’t makasariling hangarin ng maraming kalalakihan, iba pa rin kung sila’y may sapat na kaalaman kung anu-ano ang mga ginagamit sa pagkuha ng video at kung paano sila maaaring kunan nang patago. Ang simpleng obserbasyon kung saan nilalagay ng katabi o kasamang lalaki ang cellphone (lalo na’t may kakaibang naririnig na tunog o nakikitang ilaw mula sa screen) ay makakatulong para malaman kung ginagamit ito para mag-record ng audio o video.

Mainam ding suriin ang paninindigan ng mga nasa kapangyarihan, lalo na ng mga nasa Senado at Kamara de Representante, hinggil sa anumang nais nilang regulasyon sa Internet. Puwede kasing sa malapit na hinaharap ay gamitin nila ang sitwasyon para manawagan sa kontrol ng impormasyon mula sa cyberspace kahit hindi ginagamit ang terminong “censorship.” Maraming beses nang tinangka ng mga nasa kapangyarihan ang regulasyon sa midya, at sa katunaya’y may ilang panukalang batas na naglalayong kontrolin ng estado ang Internet sa pamamagitan ng paghihigpit sa proseso ng telekomunikasyon.

Natatandaan mo pa ba ang panawagan noong 2005 ng Senado sa mga Internet service provider (ISP) na kontrolin ang Internet traffic sa Pilipinas bilang reaksyon sa child pornography? Sa unang tingin ay magandang inisyatiba ito, pero ano kaya ang magiging epekto nito kung ang ISPs ay bibigyan mo ng kapangyarihan para magtakda kung ano ang dapat at hindi nararapat na bisitahing website?

Mainam sanang mabigyang-pansin ang pagsasakonteksto ng “Hayden Cam” para mapatunayang kailangang patuloy ang pag-uulat nito sa midya. Tulad ng marami pang patong-patong na problema, ang pang-aabuso sa teknolohiya at pang-aapi sa kababaihan ay kailangang patuloy na malalim na pag-aralan ng sambayanan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

3 thoughts on “Iskandalo at peryodismo”

  1. Na-sensationalize kasi nang husto yung balita kaya lahat nagkaroon ng matinding kuryosidad na mapanood yung video. Pati tuloy mga bata, nagse-search na sa internet ng sex video na iyon. Panahon na siguro para isulong ang censorship sa internet. Minsan kasi masyado nang naabuso ang paggamit nito.

    Sagot: Salamat sa komento. May malaking kasalanan talaga ang midya sa sobrang pagbibigay ng espasyo at oras sa isyung ito. Malaking kakulangan din ang kawalan ng malalim na pagsusuri sa kung paano nangyayari ang paggawa at pagkalat ng mga sex video. Ang problema lang sa censorship ay papatayin nito ang kalayaan sa pamamahayag. Kung ang simpleng pag-raid noong dekada 90 ng malalaswang magasin ay isinama rin ang ilang lehitimong publikasyon tulad ng Isyu (wala na sa sirkulasyon ngayon), paano pa kaya ang censorship sa Internet? Tulad ng terminong “terorismo,” mahirap bigyang-kahulugan ang mga salitang “malaswa” o “pornograpiya.” Wika nga ng isang hukom sa Estados Unidos, “I know it when I see it.” Kung susuriin ang klase ng pamahalaang mayroon tayo sa kasalukuyan, malamang na aabusuhin ng mga nasa kapangyarihan ang censorship diumano ng “malalaswang” website para pigilin ang paglawak ng protesta sa Internet.

  2. Sa palagay ko, mas malamang na umiral ang pag-abuso sa “freedom of expression” kaysa sa pag-abuso sa “censorship”. At sa usapin ng pang-aabuso, sa palagay ko rin, mas abusado ang publiko at media kaysa sa pamahalaan. At mas nakakatakot ang epekto ng pornograpiya kaysa sa epekto ng censorship. Hindi naman siguro ganoon kahirap kilalanin sa kung ano ang malaswa at hindi. Hindi naman kailangan ng henyo para matukoy ang kaibahan ng isa sa isa.

    Sagot: Salamat sa makabuluhang komento. Mahirap sukatin ang antas ng pang-aabuso ng pamahalaan, midya at ng publiko, kaya hindi ako maglalakas-loob na sabihin kung sino ang pinaka-abusado sa kanila. Pero wala namang debate na may pang-aabuso sa bawat panig. Kailangan lang nating tandaang ang pamahalaan, kumpara sa midya’t publiko, ay may mas malawak na makinarya’t mekanismo para makapaghasik ng hindi mabuti dahil ito ang may kontrol sa estado. At kung susuriin ang maraming insidente ng paglabag sa karapatang pantao, ang mekanismong ginagamit nito para sa censorship ay extra-judicial pa, at umabot pa nga sa permanenteng pagpapatahimik sa maraming aktibista batay sa dami ng mga pinapaslang mula 2001.

    Totoong may negatibong epekto ang pornograpiya, pero hindi kailangan ng censorship para sugpuin ito. May mga batas tayo laban sa obscenity na hindi lang epektibong naipapatupad ng mga nasa kapangyarihan, lalo na ng pulisya.

    Mainam sanang huwag tingnan ang pang-aabuso ng midya sa konteksto ng kalayaan sa pamamahayag. Hindi naman kasi natin puwedeng sabihing ang una ay ibinunga ng huli, hindi ba? Ang pang-aabuso sa midya’y pangunahing maiuugat sa sosyo-ekonomikong kalagayan ng maraming peryodista (lalo na ng mga nasa komunidad) at sa kawalan ng karampatang pagsasanay nila sa pamantayan ng etika at propesyonalismo. Sa mga pagsasanay na naisagawa ko sa iba’t ibang bahagi ng bansa, maraming pagkakataong nagugulat ang ilang partisipanteng peryodista na ang matagal na pala nilang ginagawa ay hindi etikal. Bagama’t totoo namang may mga peryodistang walang pakudangan ang pang-aabuso sa kanilang puwesto, marami rin sa kanilang hindi alam na ang kanilang ginagawa ay mali pala.

    Tungkol naman sa punto mong madali lang malaman kung malaswa ang isang bagay o hindi, ang interpretasyon ng kalaswaan ay depende sa pamantayang itinakda ng isang ahensiya ng pamahalaan. Dahil puro moralista ang namumuno sa MTRCB, halimbawa, minsa’y hindi naisasakonteksto ang ilang sensitibong eksena sa pelikula sa tema’t takbo ng buong istorya.

  3. ..sa tingin ko po, mas mabuti ng maabuso ang karapatan sa “censorship” kaysa sa “freedom of expression”. Ito ay dahil mas dumadami na ang nagkalat na iskandalo, hindi lamang sa t.v., ngunit lalung lalo na sa internet. Pero kung may mga kaukulang lamang na batas para sa mga gantong kaso, eh di mas mabuti kahit hindi na magkaroon ng kalayaan sa “censorship”. Ang problema, kaunti pa lamang at hindi pa napapalawag ang usapin tungkol sa mga batas na ito…

    Sagot: Puwedeng gamitin ang batas para protektahan ang mamamayan laban sa isang abusadong midya pero hindi ito nangangahulugang dapat ipatupad ang pagsesensura (censorship). Halimbawa, ipinagbabawal ang kalaswaan (obscenity) bagama’t marami pa ring kahinaan ang mga batas tungkol dito. Totoong dapat na may kaukulang pagbabago hindi lang sa batas kundi sa pagpapatupad nito. Kailangang tandaang ang pagpapatupad ng censorship, sa konteksto ng kasalukuyang kaayusan, ay mapapakinabangan lang ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan dahil patuloy nilang mapagtatakpan ang kanilang mga abusadong gawi.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.