Pagmamanman bilang pagsasanay

N.B. – This was published in the September 18-24, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/pagmamanman-bilang-pagsasanay/.

Iba talaga ang pagtrato ng militar sa mga sibilyan. Puwedeng-puwede silang pag-eksperimentuhan bilang bahagi ng pagsasanay ng mga nais magsundalo. Sadyang walang pakundangan ang mga dapat na nagtatanggol sa mamamayan!

Nahuli noong umaga ng Setyembre 17 si Cpl. Hannibal Guerrero na kinukunan ng litrato ang bahay ni Dr. Bienvenido Lumbera sa Mapayapa Village, Quezon City. Alam ng lahat na si Lumbera ay isang Pambansang Alagad ng Sining, opisyal ng maraming progresibong organisasyon at kalahok sa maraming pagkilos para patalsikin si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sino naman si Guerrero? Ayon sa mga balita, siya raw ay kumukuha ng Naval Enlisted Personal Intelligence Course at ipinadala raw siya sa bahay ni Lumbera para magsagawa ng beripikasyon ng impormasyon bilang bahagi ng isang “scenario activity.”

Sabi ni Lt. Col. Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Philippine Navy, ang ibinigay na scenario kay Guerrero ay ang diumanong pagpunta ng mga komunista sa bahay ng pamilyang Lumbera. Ang kailangan niyang gawin ay kumpirmahin o pabulaanan ang impormasyong ito.

Dahil siguro nag-aaral pa lang ng pagmamanman, naging kapansin-pansin sa katulong ng pamilyang Lumbera ang pagkilos niya at ng dalawa pang kasama sa tapat ng bahay kaya humingi siya ng tulong sa mga guwardiya ng subdibisyon. Nakatakas ang dalawang kasamahan ni Guerrero at nahuli siya.

Batay sa mga ID card at payslip, napag-alamang konektado sa Armed Forces of the Philippines (AFP) si Guerrero (bagama’t nabalita ring wala siya sa master list ng Philippine Navy, ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita). Ikinatwiran ni Guerrero na ang kinukunan daw niya ng litrato ay ang bakanteng lote sa tabi ng bahay ng pamilyang Lumbera. Dinala siya sa presinto pero pinalaya rin at walang asuntong inihain laban sa kanya.

Dahil sa nangyari, sinabi ni Arevalo na malinaw na hindi pumasa si Guerrero sa kinukuha niyang modyul. “He not only failed the requirement of his scenario, he was even caught,” sabi ni Guerrero sa kanyang pahayag sa midya.

Pinabulaanan niyang target ng militar si Lumbera dahil ang mga pinipili raw na lugar o sitwasyon ng pagsasanay ay random. Sa madaling salita, ang mga personaheng itinakdang matyagan ay maaaring kakampi o kaaway ng pamahalaan.

Nangako si Defense Secretary Gilbert Teodoro na iimbestigahan ng kanyang departemento ang insidente, kahit na nasa proseso na ng pagsusulat ng letter of apology kay Lumbera ang Naval Intelligence Training Institute.

Ano naman kaya ang mangyayari sa imbestigasyon? Kung pagbabatayan ang rekord ng militar (o maging ng buong administrasyong Macapagal-Arroyo) sa pagtatakip sa mga kontrobersiyang kinasangkutan nito, malamang na gagamitin lang ang panahon para magkaroon ng mapanlikhang paliwanag para makumbinsi ang sambayanang walang iregular sa isang pagsasanay ng militar.

Parang may ideya na ako sa magiging mapanlikhang argumento sa malapit na hinaharap: “Walang iregular sa ipinagawa ng militar kay Guerrero bagama’t kailangang humingi ng paumanhin kay Lumbera. Kailangan ng militar ng makatotohanang pagsasanay para maging mas epektibo ang pagtatanggol sa sambayanan. Wala namang dapat ipag-alala kung walang itinatago ang natukoy na manmanan. Hindi naman delikado ang pagsasanay dahil wala namang dinudukot o pinapatay. Kinukunan lang sila ng larawan. Ano ang masama roon?”

Ngayon pa lang, kailangan na sigurong malaman ng militar na wala itong karapatang pag-eksperimentuhan ang mamamayan, lalo na ang dumaraming bilang ng mga tumutuligsa sa kasalukuyang administrasyon. Napakaraming survey na magpapatunay na mayorya ng populasyon ay ayaw kay Gloria Macapagal-Arroyo at walang tiwala sa kanya.

Ang pagmamatyag ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao. Opisyal man o bahagi ng isang pagsasanay, may impormasyon pa ring makukuha mula sa operasyon. Ano ang ginagawa ng militar sa impormasyong ito?

Sa tono ng pahayag ni Arevalo, lumalabas na normal para sa militar ang mga sinasabing scenario activity sa mga nagsasanay para maging ahente. Bagama’t kailangan talagang maging makatotohanan ang anumang pagsasanay para matuto ang mga estudyante, hindi ito nangangahulugang may karapatan ang militar na labagin ang karapatang pantao ng mga mamamayan.

Hindi masisisi ang maraming tao kung may pagdududa sa paliwanag ng militar na si Guerrero ay hindi tunay na ahente at nagsasanay pa lamang. Sa pamantayan ng isang pamahalaang walang kredibilidad sa mamamayan, ang mga katulad ni Lumbera na bumabatikos sa administrasyong Macapagal-Arroyo ay lohikal na target ng pagmamanman.

Mainam na maimbestigahan hindi lang ng Department of National Defense kundi ng Commission on Human Rights (CHR) ang nangyari kay Lumbera. Kailangang malaman lalo na ng CHR kung sino-sino pa ang minamanmanan ng militar, sa pamamagitan man ng pagsasanay o opisyal na operasyon nito. Sana’y maisapubliko ang mahalagang impormasyong ito para mapangalagaan ang seguridad ng mga apektado.

Sa konteksto ng maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao, may dahilan para mabahala ang mga katulad ni Lumbera. Ang operasyong militar ay hindi humihinto sa simpleng pagkuha lang ng larawan o pagtatala ng mga naobserbahang aktibidad. Maaaring ito ang simula para sa planong pagdukot o pagpatay, sa pangunguna ng mga sundalong nasanay na sa kultura ng walang pakundangan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

3 thoughts on “Pagmamanman bilang pagsasanay”

  1. Panginoong mahabagin!

    Ano na ang nangyayari sa lipunang ginagalawan natin? (O sa mga pag-iisip ng mga nasa posisyon sa pamahalaan) Kung ang isang kilalang personalidad katulad ni Ka Bien ay kaya nilang gawan ng ganoong kalapastanganan, paano na kaya ang mga karaniwang mamamayan lamang?

    Nakatatakot isiping baka ang mga kontra-Arroyo na gaya ni Ka Bien at marami pang iba ay magaya na lamang kay Jonas Burgos at marami pang ibang naglaho na lang parang bula at hanggang sa kasalukuyan ay pinaghahahanp pa rin ng kani-kanilang mga kamag-anak. Isang malinaw na kawalang-galang sa karapatang-pantao ang ginawang ito ng militar. Subalit, gaya nga ng wika ni Prop. Arao, malamang ay gawan lamang ulit ito ng nakatatawang palusot ng mga taong sangkot.

    Sana naman, kahit katiting, magpakita sila ng delikadesa at paggalang sa ‘privacy’ ng mga mamamayan. At sana rin, huwag makabilang si Ka Bien at marami pa sa mga magiging desaparecido. Tulungan nawa tayo ng Diyos sa ganitong ka-panganib na mga pagkakataon.

    Sagot: Maraming salamat sa isa na namang makabuluhang komento. Nakakabahala talaga ang sitwasyon ngayon, at kailangang isiping papalapit na ang eleksiyon kaya kailangang maging mapagmatyag sa mga mangyayari sa mga susunod na buwan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.