Araw ng Kalayaan at paggamit ng wikang Filipino

N.B. – This was published in the June 11-17, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/06/araw-ng-kalayaan-at-paggamit-ng-wikang-filipino/.

Hindi ko akalaing 112 taon na pala ang lumipas mula nang lumaya diumano ang Pilipinas sa dayuhang pananakop. Madali kasing makalimutang may binasa palang proklamasyon ng kalayaan mula sa mga Kastila si Hen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898, na siyang ipinagdiriwang ng bansa taun-taon. Pero ano ba ang nangyari sa mga sumunod na taon? Ano na ba ang sitwasyon ngayon?

Kapwa Pilipino man ang mga opisyal ng gobyerno, halata naman ang pagiging utak-dayuhan nila. Huwag na nating suriin ang mga polisiya’t programang alam naman nating nagsisilbi sa interes ng dayuhang kalakal at pamumuhunan. Sa puntong ito, pansinin lang natin ang isang madalas na nakakaligtaang indikasyon ng kawalan ng pambansang identidad – ang mababang pagtingin sa sariling wika at ang pagtataguyod ng malawakang paggamit ng wikang Ingles.

Sa mga eskuwelahan, ang Filipino ay isa lang sa maraming kursong kinukuha ng mga estudyante at ang midyum ng pagtuturo para sa iba pang kurso ay Ingles. Patuloy ang pagpapatupad ng mga “English-speaking zone” sa maraming paaralan para diumano masanay ang mga estudyante sa paggamit ng dayuhang wika.

Para kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, may ibang interpretasyon sa Art. XIV, Sek. 6 ng Konstitusyon hinggil sa paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo. Sa isang talumpati noong 2003, malinaw ang kanyang mensahe sa wikang Ingles: “We must continue our English literacy, which we are losing fast…After all, I was studying the constitution – yes, it specifies the use of Filipino as language of instruction, but it also specifies that this is subject to provisions of law and as Congress may deem appropriate. Therefore, until Congress enacts a law mandating Filipino as the sole language of instruction, I am directing the Department of Education to return English as primary medium of instruction. Some subjects, of course, will still be taught in Filipino, but we must recognize the demands of competitiveness.

May direktang kinalaman ang wikang Ingles sa klase ng pag-unlad na nais ng pamahalaan. Para mapahusay ang pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa, nararapat lamang na matuto silang gumamit ng wikang Ingles, lalo na kung ang kanilang destinasyon ay Estados Unidos. At kung magtatrabaho naman sa loob ng Pilipinas, kailangan pa rin ang kaalaman sa wikang Ingles kung magsisilbi sa dayuhang amo o magtatrabaho sa larangan ng business process outsourcing (BPO) na tinaguriang sunshine industry sa kasalukuyan.

Huwag ka nang magulat kung sa mismong Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12, ipinagmalaki ni Macapagal-Arroyo ang pag-usbong ng BPO, lalo na ng mga call center, dahil nagresulta ito sa pagiging sikat ng Pilipinas sa buong mundo. “We put the Philippines on the map when the call center and business process outsourcing sector changed Manila’s skyline with modern skyscrapers.”

Hindi ito pagkondena sa mga nagtatrabaho sa mga call center dahil malinaw namang naghahanap lang ng legal na ikabubuhay ang maraming Pilipino. Pero may dangal ba ang trabahong kadalasang nagsisimula sa panahong tulog ang karamihan sa populasyon at natatapos sa panahong gising na ang iba pa?

Marami pang tanong na pumapasok sa isip hinggil sa klase ng trabaho sa BPO: Masaya kaya ang mga call center agent kapag nakakatanggap ng mga walang-batayang panlalait at malulutong na mura mula sa mga dayuhang kliyenteng tumatawag sa kanila? Nawawala kaya ang kanilang identidad tuwing gumagamit sila ng wikang Ingles at pinapalitan ang kanilang accent para hindi sila tunog-Asyano? Nakokonsensiya kaya sila sa kanilang pagsunod sa mahigpit na patakarang hindi nila dapat sabihin kung ano ang kanilang nasyonalidad at kung saang bansa sila nagtatrabaho?

Kahit na sila ay nananatiling Pilipino, ang araw-araw nilang pagtatrabaho ay nagreresulta sa unti-unting pagkawala ng kanilang pagkatao. Katanggap-tanggap bang sitwasyon ito kapalit ng kanilang matataas na suweldo? Puwede mo ba ngang sabihing hindi naman talaga “mataas” ang suweldo ng mga call center agent sa Pilipinas dahil hindi hamak na mas mababa ang nakukuha nila kumpara sa iba pang call center agent na nagtatrabaho sa mauunlad na bansa tulad ng Estados Unidos. Bukod sa kaalaman ng maraming Pilipino sa wikang Ingles, kailangang tandaang ang pangunahing dahilan ng pagpasok ng dayuhang mamumuhunan sa bansa ay ang murang lakas-paggawa.

Tunay na ang pangunahing layunin ng pamahalaan ay patibayin ang mga patakarang may kaugnayan sa globalisasyon. Para sa mga nasa kapangyarihan, ang susi sa pag-unlad ng bayan ay ang pagpapapasok ng dayuhang kalakal at pamumuhunan at pagpapalabas ng ating murang lakas-paggawa. Sa kontekstong ito, mahalaga ang wikang Ingles para makipag-ugnayan sa mga dayuhan.

Kung sabagay, ano nga ba naman ang silbi ng wikang Filipino? Kakaunti lang namang dayuhan ang may interes na matutuhan ito. Ang tanging silbi lang nito ay ang epektibong komunikasyon sa lahat ng mamamayan sa Luzon, Visayas at Mindanao. Sa madaling salita, epektibong magkakaintindihan tayong lahat sa pamamagitan ng wikang Filipino!

Maraming nagsasabing puwede naman daw gamitin ang wikang Ingles para magkaintindihan ang lahat. Hindi naisasaalang-alang sa argumentong ito ang kultural na dimensiyon ng paggamit ng wikang Filipino. Mas malapit kasi ang huli sa ating pinagdaanan dahil masasabing atin ito. Kung gagamit tayo ng wikang Ingles, may tendensiya itong maghatid ng impluwensiya ng Kanluran.

Ang simpleng paggamit ng mga Ingles na kataga ay nagpapakita ng repleksiyon sa Kanluraning kultura. Basahin ang sumusunod na halimbawa na may kinalaman sa ilang elementong hindi katutubo sa atin: Writing is my bread and butter. When I compete next week, I promise to bring home the bacon. Squatters are a dime a dozen in Manila. A penny for your thoughts, a nickel for your kiss.

Ito ang dahilan kung bakit tinututulan ng Chamber of Herbal Industries of the Philippines, Inc. (CHIPI) ang plano ng Department of Health (DOH) na isalin sa wikang Filipino ang katagang “No Therapeutic Claims” na makikita sa mga herbal product. Hindi nga ba’t mas malinaw ang mensahe sa mga Pilipino kung mababasa ang sumusunod? “Mahalagang Paalala: Ang __________ ay hindi gamot at hindi dapat gamiting panggamot sa anumang uri ng sakit.” Malinaw na kung malulugi ang mga negosyanteng miyembro ng CHIP dahil sa plano ng DOH, ito ay dahil mas naiintindihan na ng mga konsumer ang kahulugan at implikasyon ng isang Ingles na babala.

Sa okasyon ng Araw ng Kalayaan, mahalagang tandaang ang pagkakaisa ay makakamit kung ang lahat ay nagkakaintindihan, at mahalagang salik sa epektibong komunikasyon ang paggamit ng sariling wika. Kung pag-uusapan ang prayoridad, hindi ba’t mas mahalagang magkaintindihan muna ang lahat ng tao sa ating bansa?

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Araw ng Kalayaan at paggamit ng wikang Filipino”

  1. Kasama po ba sa mga balakin ni Pres. Noynoy Aquino ang pagtatakda sa wikang Filipino bilang midyum ng pagtuturo?

    Sagot: Hindi pa malinaw kung may radikal na pagbabago sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas sa ilalim ng bagong administrasyon. Kung pagbabatayan ang mga pangakong binitiwan niya noong kampanya, ang tanging malinaw pa lang ay ang kagustuhan niyang dagdagan ng dalawa pang taon ang batayang edukasyon (basic education).

Leave a Reply