Tag Archives: summer

Nang dahil sa lamig ng Korea

N.B. – This was published in the October 9-15, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/nang-dahil-sa-lamig-ng-korea/.

DAEJEON, Timog Korea – Lumalamig ang panahon. Nararamdaman ko na ang ginaw sa paglabas ng bahay.

Ang dating init ng araw na bumabati sa aking paglalakad ay napalitan na ng hanging nagpapataas ng balahibo sa aking katawan. Tila pababa nang pababa ang temperatura sa paglipas ng araw, lalo na sa pagsapit ng gabi.

Panahon na ng taglagas (fall). Sa darating na Disyembre, magsisimula ang taglamig (winter). Ang sobrang ginaw na naranasan ko sa unang pagdating ko rito noong Marso, panahon ng tagsibol (spring), ay magiging malala pa sa mga susunod na buwan.

Bakit kaya napakaikli ng tag-araw (summer) na natapos noong Agosto? Gusto ko ang alinsangang hatid ng mainit na sikat ng araw. Nais kong pagpawisan sa ilang minutong paglalakad. Gusto kong mag-tsinelas nang hindi nilalamig ang aking paa. Gusto kong maghanap ng malilim na lugar kapag hindi ko na makayanan ang init sa labas.

Gusto kong maranasan ang Pilipinas sa Korea!

Kabaliwan para sa maraming Koreano ang aking nararamdaman. Suyang-suya sila sa tag-init samantalang tuwang-tuwa sila sa mga panahong malamig. Para sa kanila, maganda ang panahon ngayon.

Hindi naman nakakagulat ito. Dahil nakatira sila sa sariling bansa, sanay na sila sa malalamig na panahong tulad ngayon. May nakikita nga akong ilang kabataang Koreanong naglalakad nang walang jacket at kumakain pa ng ice cream.

“Masasanay ka rin,” sabi ng maraming kaibigan dito. Pero paano na lang kung ayaw kong masanay?

Ilang araw ko nang inoobserbahan ang aking katawan. Hindi tulad ng maraming Pilipinong kakilala ko rito sa Korea (lalo na ang mga bagong salta), hindi naman ako nagkakasakit. May ilang pagbabago rin sa aking “pakikibaka” sa lamig: Kung noong Marso ay kailangan ko ng dalawa o tatlong patong na damit para lumabas ng bahay, ngayon ay sapat na ang simpleng pagsusuot ng jacket o sweater.

Hindi ako dapat na nagrereklamo dahil puwede mong sabihing unti-unti na akong nasasanay sa klima rito. Pero iba ang sinasabi ng aking utak sa nararamdaman ng aking katawan.

Ayaw ko. Ayaw ko. Ayaw kong masanay!

Hindi lang po ito usapin ng pakikibaka sa lamig. Para sa akin, mahalagang hindi ako magpadala sa tukso ng kagandahan ng bansang kinalalagyan ko ngayon.

Maraming dahilan para manatili na lang sa Korea at iwanan nang tuluyan ang Pilipinas. Ang mga guro dito sa Korea ay lubos na iginagalang. Kapansin-pansin ang paghanga ng mga Koreano kapag sinabi mong isa kang propesor, lalo na’t nagtuturo ka sa wikang Ingles. Kung nais mong malaman, ang salitang “propesor” sa Hangul ay “gyoh-soo-nim,” at ang ibig sabihin ng “nim” ay kagalang-galang.

Ibang-iba ang sitwasyon sa Pilipinas. Sa halip na paghanga, panlalait ang nararanasan ng mga guro. Ilang beses na ba nating narinig ang argumentong ang pinakamatalino sa magkakapatid ay dapat na maging doktor o abogado samantalang ang pinakabobo ay dapat na maging titser na lang?

Kahit sa mga tulad kong nagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), ramdam na ramdam namin ang diskriminasyon lalo na sa usapin ng suweldo’t benepisyo. Malaking kontradiksiyon ang sitwasyong kailangang itaas ang matrikula ng mga estudyante at gawing komersiyalisado ang pamamalakad sa unibersidad para diumano magkaroon ng pondo para sa kaguruan. Bakit kailangang pagbanggain ang interes ng mga guro’t estudyante? Hindi ba’t ang isang state university tulad ng UP ay nararapat lang na bigyan ng sapat na subsidyo ng pamahalaan para gumanda ang kalagayan ng mga guro habang binibigyan ng oportunidad ang mga estudyanteng makapag-aral?

Aaminin kong tinanggap ko ang alok na pansamantalang magturo dito sa Korea dahil sa propesyunal at pinansiyal na pag-unlad. Kumpara sa UP, hindi hamak na mas mataas ang nakukuha ko ngayon sa Hannam Univesity na kung saan naka-special detail ako.

Dahil maunlad na bansa ang Korea, wala kang mairereklamo sa ginhawang hatid ng pananatili rito.

Napakaganda ng sistema ng transportasyon kaya hindi mo kailangang bumili ng kotse o motorsiklo. Dumarating sa takdang oras ang mga bus at tren. Hindi namimili ng pasahero ang mga drayber ng taksi. Kahit na malalaking siyudad ang Seoul at Busan, halos lahat ng mga lugar ay dinaraanan ng subway na kung saan mura lang ang pamasahe.

Sa pangkalahatan, mura ang bilihin kung ikukumpara sa suweldong nakukuha. Nakakaya kong ipadala kay Joy ang 70 hanggang 80 porsiyento ng kinikita ko (pero ito ay dahil sa nakatira ako sa loob ng kampus at libre ang renta sa bahay na tinutuluyan ko).

Pero narito man ang ginhawa, wala rito ang aking katauhan at kinabukasan. Kahit na sabihing mas maganda ang buhay dito, iba pa rin ang Pilipinas. Hahanap-hanapin mo ang mga bagay na nakasanayan mo na, at kasama na rito ang klima.

Sa pagsisimula ng fall semester noong Setyembre (at pagtatapos ng tag-init), muli kong naramdaman ang pagiging dayuhan dahil sa pagbabalik ng malamig na panahon. Ang mainit na pagtanggap ng mga guro’t estudyante rito ay hindi sapat para bigyang-lunas ang aking pangungulila sa bansang kinagisnan, sa asawang iniwanan.

“Masuwerte ka pa rin, Danny,” sabi ng isang kaibigang peryodistang nagtatrabaho sa Dubai. Kumpara sa kanya at sa mga overseas Filipino worker (OFW) na nasa ibang kontinente’t mas malayo pa sa Pilipinas, may punto siya. Pero nagtatrabaho man sa disyerto o hindi, malayo man o malapit sa Pilipinas, pare-pareho kami ng pinagdaraanan dahil nararamdaman namin ang pagkawalay sa mga mahal sa buhay. Sadyang mahalaga ang pera pero alam nating lahat na walang presyong katumbas ang makapiling ang sariling pamilya’t manirahan sa sariling bansa.

Sa napipintong pagdating ng taglamig, unti-unting bumababa ang temperatura sa Korea habang tumataas naman ang aking pangungulila sa Pilipinas.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.